Ano? Ano ang dahilan?
Tumagos sa katawan ng lalake ang purong bato na parang isang matulis na sibat. Agad nadungisan ang puting suot nito ng kanyang dugo at kumalat. Gulat na gulat ito sa nangyari na ang tanging nagawa na lang nito ay ang mapaluhod at mapabuga ng dugo mula sa kanyang bibig. Hanggang sa tuluyan na itong bumagsak sa lupa dahilan para mas lalo pang bumaon ang batong sibat sa kanyang katawan.
Paano? Paano nangyari ang lahat?
Mga iyak. Mga hiyawan. Kaguluhan. Nabalot ng matinding sindak ang loob ng pasilidad.
Kailan? Kailan at saan nila sinimulan?
Pagyanig ng lupa, pagdurog at pagliliparan ng mga bato. Bawat galaw ng isang pigurang nababalot ng itim na enerhiya ay tila sumusunod sa kanya ang elemento ng lupa.
Sino? Sino at ano siya?
Hindi natigil ang paglindol hanggang sa bumigay na ang isang parte ng batong dingding at magbagsakan ang mga bato. Marami ang sumubok na iwasan ang panganib, ngunit sa huli ay marami pa rin ang nasawi.
At bakit?
Sa kabila ng lahat ay kalmado't wala pa ring ekspresyon ang mukha ng pigurang may kagagawan ng lahat ng kaguluhan. Patuloy pa rin nitong minamanipula ang elemento ng lupa. Nang bahagya itong lumingon sa isang gawi ay agad nitong namataan ang isang grupo ng mga scientists, umiiyak at takot na takot para sa kanilang mga buhay.
Maraming katanungan ang namuo sa kanyang isip, ngunit lahat ng 'yon ay nanatiling walang kasagutan. Paulit-ulit niya itong itinatanong sa kanyang sarili.
Kumaripas ito ng takbo tungo sa mga scientists na lalo nilang ikinatindig ng balahibo. Sa pag-angat nito ng kanan niyang kamay ay kasabay ng pag-angat ng lupa na hinulma nito sa isang maliit ngunit matalas na punyal. Pagkalapit ay agad niya itong isinaksak sa dibdib ng isang scientist. Naghiyawan ang ibang scientists at tinangkang takbuhan ang panganib na hatid nito, ngunit bago pa nila ito nagawa ay mabilis na rin silang nakitilan ng buhay. Walang awa nitong ginlitan ng leeg, sinaksak at hiniwa ang mga ito.
Ngunit iyon nga kaya ang kanyang kailangan? Ang masagot lahat ng kanyang katanungan? Mababago ba nito ang lahat kung mahahanapan na niya ito ng kasagutan?
Wala itong pinalagpas. Bawat taong nahahagip ng kanyang mga mata ay binabawian niya ng buhay. Gamit ang kanyang mahika na puno ng kadiliman ay madali niya itong nagagawa. Dumanak ang dugo sa loob ng pasilidad. Ang puting pader at sahig ay nabahiran na ng pulang dugo. Maging siya mismo ay naliligo na sa dugo ng kanyang mga biktima.
Tila nakakulong siya sa isang ilusyon kung saan nakatayo siya sa gitna ng malawak at madilim na lugar; nawawala at pilit na naghahanap ng direksyon.
Ang dating maaliwalas na pasilidad ay tila naging isang abandunadong lugar matapos ang mga pagyanig ng lupa. Tuluyan na ngang gumuho at nasira ang pasilidad. Mga katawang nabagsakan ng nagsisilakihang mga bato at mga katawang putol, may hiwa at butas; naging kalunos-lunos ang sinapit ng bawat tao sa loob ng pasilidad dahil lamang sa nilalang ng kadiliman.
Wala. Wala rin siyang maramdaman. Kahit anong pilit niyang hanapin ang kanyang emosyon ay nabibigo lamang siya.
Hanggang sa mapagtanto nito na tanging siya na lamang ang nananatiling buhay. Nagpalinga-linga ito, umaasang makakakita pa ng buhay na tao, ngunit ni paghinga ng isa sa mga nakahandusay na katawan ay hindi na nito nasaksihan.
Ang pagsabay sa agos ng buhay na lang ang tanging magagawa niya. Sumusunod sa bawat utos ng kanyang isip na puno ng karahasan-- ng kadiliman.
![](https://img.wattpad.com/cover/46349478-288-k705485.jpg)
BINABASA MO ANG
Lakserf Legends
FantasyA compilation of untold stories, legends, folklores and myths around the magical world of Lakserf. Enchanted books of colorful and dark fantasy altogether, filled with adventure, humor, love and action. Short stories that will never fail to bring yo...