Parehong pinapakiramdaman nila Fate at ng bata ang isa't isa. Hinihintay nila ang magiging unang hakbang ng kanilang kaharap, gayunpaman ay punong-puno pa rin ng sigla ang bata. Ang maamo nitong mukha ay bumagay sa inosente nitong ngiti.
"Magsisimula na akong magtanong sa'yo, huh?" Nakangiti pa rin nitong sabi.
Ang sumagot ay hindi ginawa ni Fate, bagkus ay mabilis lang siyang sumugod sa batang babae na nakahanda nang gamitin ang hawak niyang punyal na bato. Nang makalapit na siya sa bata ay agad niyang winasiwas ang punyal upang bigyan ito ng hiwa. "Whoops!" Bulalas ng bata nang maagap niyang nayukuan ang atake ni Fate. Sunod-sunod na atake na ang ginawa ni Fate, ngunit lahat ng iyon ay madali lang naiilagan ng bata.
"Teka," nagtatakang saad ng bata habang patuloy na umiilag. "Bakit ang hirap basahin ng mga mata mo? Wala ka bang nararamdaman?" Tanong nito. Muli siyang hindi pinansin ni Fate at nagpatuloy lang ito sa pagbigay ng atake. "Hindi ka ba natutuwa? Hindi ka ba nalulungkot? O baka naman naranasan mo nang matakot? Bakit wala kang emosyon?"
Sa mga ilag na ginawa ng bata ay hindi na nito napansin na malapit na ang kanyang likod sa pader. Naramdaman niya na lang na napasandal na siya rito at wala nang matatakbuhan pa. Doo'y buong pwersang sumipa si Fate, ngunit mabilis namang tumalon at sumirko ang bata tungo sa kanyang likod.
"Ang daya mo naman! Hindi mo naman sinasagot ang mga tanong ko," Nagtatampong sabi nito. "Bakit ang tahimik mo?"
Kasabay ng paglingon ni Fate sa bata ay ang paglahad niya ng kanyang kamay at paggamit ng mahika. Yumanig ang lupa at mabilis na umangat ito tungo sa bata. Muling nailagan ito ng bata sa simpleng paglundag at tumungtong sa ibabaw ng nakaangat na lupa.
"Alam ko na!" Kumikinang muli ang mga mata ng bata nang sabihin niya iyon. "Siguro nahihiya ka lang, 'no? Kung magpapakilala ako sa'yo, baka sagutin mo na rin ang mga tanong ko."
Kumaripas muli ng takbo si Fate papalapit sa bata. Pinasalubong niya ang punyal niya rito, ngunit pinalihis lang ito ng bata sa pagtabig nito ng kanyang kamay. "Ako nga pala si Lia," pagpapakilala nito sabay yuko upang ilagan ang punyal ni Fate. "Hmm... Hindi ko alam kung ilang taon na ako eh. Basta ang alam ko matagal na akong nakatira rito. Ang lungkot-lungkot ko nga eh. Kasi wala akong kasama. Buti na lang bumalik ka."
Hindi na napigilan ni Fate ang kanyang sarili at muli siyang lumikha ng isa pang batong punyal. Pumaikot siya at sabay na ginamit ang dalawang punyal na hawak niya, ngunit nagulat siya hindi dahil sa matagumpay na pagpigil ni Lia sa mga punyal niya, kung hindi dahil sa ginamit nito pangpigil.
"Akala mo ikaw lang ang marunong gumawa ng ganito?" Mapagmalaking saad ni Lia na may batong punyal din sa kanyang kamay. "Ang galing, hindi ba? Pareho tayo ng talento't mahika?" Nagagalak pa nitong dagdag.
Humugot ng lakas si Fate sa kanyang paa upang sumipa, ngunit maagap na nakahakbang pabalik si Lia upang iwasan ito. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon itong makalayo pa sa kanya at sumugod muli. Bawat wasiwas ni Fate ng kanyang mga punyal ay naiiwasan at napipigilan naman ni Lia. Mabibilis at kalkulado ang kanilang mga galaw. Pareho silang nakikipagsabayan sa isa't isa. Kung susuriin nga'y pantay lang ang galing nila sa pakikipaglaban.
"Alam mo bang nakita ko ang record mo sa itaas? Pero bakit gan'on? Kasi 'yung akin nakalagay na babae raw ako. Bakit 'yung sa'yo wala? Bakit gan'on?" Inosente nitong tanong habang nakikipagtagisan ng galing kay Fate sa pakikipaglaban. "Ano ibig sabihin n'on? Hindi ka babae. Hindi ka rin lalake. Eh ano ka?"
Sa naging tanong ni Lia sa kanya ay mas lalo pang tumalim ang mga titig niya rito. Agad naramdaman ni Lia ang pagbago ng timpla ng mahika ni Fate, naging mas agresibo ito't marahas. Hanggang sa nanglaki ang mga mata niya nang unti-unti nang nababalot ng itim na enerhiya ang buong katawan ni Fate. Sumipa si Fate na nagawa namang iwasan ni Lia sa paghakbang niya pabalik, ngunit naramdaman niya ang mas malakas na pwersang nagmula roon.
BINABASA MO ANG
Lakserf Legends
FantasyA compilation of untold stories, legends, folklores and myths around the magical world of Lakserf. Enchanted books of colorful and dark fantasy altogether, filled with adventure, humor, love and action. Short stories that will never fail to bring yo...