Lumipas ang ilang araw nang sa maliit na sitio tumigil at nanirahan sina Fate at Lia. Ayon sa ginang na labis-labis ang pasasalamat sa batang gumamot sa kanya ay nararapat lang na suklian niya ang kabutihang ipinakita nito. Nang malaman kasi nito na walang tahanan ang dalawa ay napagdesisyonan nitong sa sitio nalang sila manirahan. Walang pag-aalinlangan din silang tinanggap ng ibang mamamayan ng sitio kaya nama'y buong puso itong tinanggap ni Lia habang si Fate naman ay tila nagpatianod na lang sa nangyari.
Sa loob ng mga araw na nanirahan sila kasama ang mga normal na mamamayan ng sitio ay nananatili pa ring walang imik si Fate. Pinagmamasdan niya lamang ang mga tao, lalo na si Lia. Para kay Fate ay palaisipan pa rin ang ipinakitang mahika ni Lia noong gamutin niya ang ginang. Sa mahikang nilabas ni Lia ay naramdaman niya ang parehong kaginhawahan noong maglabas din ng ganoong klase ng mahika ang kanyang amo. Hindi man niya matukoy ang eksaktong uri ng mahikang iyon ay alam niyang kabaligtaran iyon ng taglay niyang mahika.
Ilang araw na rin ang nagdaan simula noong tanggapin ni Fate ang misyon galing sa kanyang amo, ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito nagagawa. Hindi niya malaman kung bakit hindi niya matuloy ang kanyang misyon. Maging ang pagkitil sa mga inosenteng tao na dati ay madali niya lang nagagawa ay hindi niya rin maituloy. Kung dati ay walang pag-aalinlangan siyang pumapatay, ngunit simula noong sabay nilang nilisan ni Lia ang lumang pasilidad ay tila may kung ano na ang pumipigil sa kanya para gawin iyon.
"Lia? Fate?" Pagtawag ng isang babae habang kumakatok sa mahuna't yari sa kahoy na pinto. Masigla namang tinungo ni Lia ang pinto at binuksan ito. "Magandang gabi."
"Magandang gabi rin, aling Agnes," balik bati naman ni Lia. "Pasok kayo."
"Ay hindi na, hija. Naparito lang naman ako dahil may gusto akong sabihin," pagtanggi nito na nagbigay kunot sa noo ng bata.
"Alin 'yon?" Pagtataka ni Lia.
"Bukas, may maliit na salu-salo lang ang buong sitio. Kaarawan kasi ng sitio. Hindi man sagana ang aming sitio ay lagi namin itong pinagdiriwang," pagpapaliwanag ng ginang.
"T-talaga!?" Agad lumapad ang mga ngiti ni Lia matapos ang sinabi ni Agnes.
"Oo," nakangiti nitong sagot at bahagyang ginulo ang buhok ni Lia. "Bilang ikaw ang tumulong sa akin ay gusto ko sanang imbitahan ka--" saglit na nahinto si Agnes nang mapadako ang kanyang tingin kay Fate na nasa loob ng maliit na bahay at kasalukuyang nakikinig lang sa kanilang pag-uusap. Doo'y agad ding naglaho ang ngiti ni Agnes. "A-at si Fate k-kung papayag siya."
"Siyempre naman! Alam kong magiging masaya na naman iyon!" Nagagalak na bulalas ni Lia na halos mapatalon pa.
"Aasahan ko iyan, hija," anito kay Lia sabay baling ng tingin kay Fate. "Aasahan ka rin namin, Fate." Kapansin-pansin ang pag-aalinlangan sa boses nito nang kausapin niya si Fate. "Sige, mauuna na ako."
Matapos magpaalam at umalis ng ginang ay hindi mawaglit sa labi ni Lia ang ngiti. Bumalik siya sa tabi ni Fate at nagsalita. "Ang saya naman! May salu-salo bukas," pahayag nito at lumingon kay Fate. Pagkalingon niya rito ay unti-unting tumulis ang kanyang nguso, senyales na nagtatampo siya rito. "Ang daya mo naman, Fate. Bakit hindi mo kinausap si aling Agnes? Hindi mo man lang siya sinagot. Ang supla-suplado mo talaga."
Minsan na ring nagkasiyahan ang mga tao sa sitio, ngunit pinili lamang ni Fate na lumayo at mapag-isa. Naging usap-usapan sa loob ng sitio ang pagiging misteryoso nito na naging dahilan para magkaroon ng alinlangan ang mga tao sa kanya. Hindi iyon lingid sa kanyang kaalaman. Ramdam at alam niyang ilang ang mga tao sa kanya. Gayunpaman ay hinayaan niya lamang ang mga tao sa iniisip nila tungkol sa kanya.
![](https://img.wattpad.com/cover/46349478-288-k705485.jpg)
BINABASA MO ANG
Lakserf Legends
FantasyA compilation of untold stories, legends, folklores and myths around the magical world of Lakserf. Enchanted books of colorful and dark fantasy altogether, filled with adventure, humor, love and action. Short stories that will never fail to bring yo...