I - Dark Project: Epilogue

208 10 3
                                        

Sinalubong ng matinding sakit sa ulo si Fate nang imulat niya ang kanyang mga mata. Agad din siyang napapikit dahil dito. Minasahe niya ang kanyang ulo upang pahupain ang sakit na nagmumula roon, pilit na nilalabanan ang sakit na ngayon niya lang nararanasan.

Makalipas pa ang ilang saglit ay tila nasanay na siya sa sakit at unti-unti na itong nawawala. Doo'y sinubukan niya muling imulat ang kanyang mga mata at agad sumambulat sa kanya ang kapaligirang napapaligiran ng bato. May katiting na liwanag ng araw man ang umaabot sa loob ng kanyang tinitigilan ay naging sapat na ang liwanag sa loob dahil sa apoy ng nakasinding kandila. Pinagala niya pa ang kanyang tingin, hanggang sa dahan-dahan niya nang namumukhaan ang lugar.

Hirap man dahil sa panghihina ng kanyang katawan ay pinilit niyang bumangon at maupo. Nang gawin niya iyon ay doon niya nakumpirma na kilala niya nga ang lugar na tinitigilan niya. Base sa mabatong dingding, pader at sahig, at mesang may mga punyal sa ibabaw nito kasama ang kandila; alam niyang nasa loob siya ng kuwebang tinitirahan nila ng kanyang amo.

"Sa wakas ay nagkaroon ka na ng malay." Isang boses ng lalake ang kanyang narinig at sa paglingon niya sa kanyang kaliwa ay nakita niya ang dahan-dahan nitong paglalakad papalapit sa kanya. "Huwag mo munang puwersahin ang iyong sarili. Marahil ay nanghihina ka pa rin, hayaan mo munang bumalik ang iyong sigla't lakas."

"Kumusta na ba ang iyong pakiramdam?" Pangungumusta ng lalake nang makaupo na ito sa tabing silya. Kasabay naman nito ay ang muling pagpintog ng sakit sa sentido ni Fate dahilan para mapasapo siya rito't mapapikit. "Ah, masakit pa rin ang iyong ulo," banggit nito. "Normal lamang iyang sakit sa iyong ulo. Makalipas ang ilang araw ay mawawala rin iyan."

Binuksang muli ni Fate ang kanyang mga mata at napatitig siya sa kanyang palad. Sa kung anong kadahilanan ay biglaan siyang napahinto. Ano nga ba ang nangyari? Bakit parang wala akong lakas? Bakit ako nanghihina? Naging sunod-sunod ang tanong sa kanyang isip habang pilit niyang inaalala ang buong nangyari bago siya nawalan ng malay.

"Sabihin mo sa akin, Fate. May naaalala ka ba?" Tanong ng lalake sa kanya na kanya lamang inilangan. Nagpakawala ng marahan na tawa ang lalake na para bang inaasahan niya na ang magiging sagot ni Fate. "Tama. Kaya masakit ang iyong ulo ay dahil wala ka nang naaalala sa mga nangyari-- wala ka nang maaalala sa mga nangyari."

Sa pagpilit ni Fate alalahanin ang kaganapan bago siya mawalan ng malay ay naalala niya ang pag-uusap nila ng kanyang amo tungkol sa kanyang magiging misyon. Naaalala niyang bumalik siya sa lumang pasilidad kung saan siya pinadala ng kanyang amo, ngunit ang mga sumunod pang nangyari matapos noon ay wala na siyang maalala. Ang dahilan ng pagpunta niya roon, ang kanyang magiging misyon at maging ang pakay niya sa pagbalik sa pasilidad ay hindi niya na maalala. Ni katiting na ala-ala tungkol sa pinagsamahan nila ni Lia ay nawala na sa kanyang ala-ala.

"Ginawa ko lang ang mas makakabuti para sa'yo," pahayag ng lalake habang patuloy ang pagtataka ni Fate. "Hindi naging maganda ang naging takbo ng huli mong misyon. Wala iyong magandang maidudulot sa'yo. Magiging hadlang lamang iyon para sa ating dalawa. Kaya nama'y tuluyan ko nang binura sa memorya mo ang mga naganap noon sa iyong huling misyon."

Napabaling ng tingin si Fate sa kanyang amo na tumatayo na sa silya't tinalikuran siya. "Gayunpaman ay nagpapasalamat pa rin ako sa'yo. Marami man ang nangyari, sa huli ay napagtagumpayan mo pa rin ang ibinigay ko sa'yong misyon," bahagya itong luningon kay Fate bago nagpatuloy. "Hindi ba't iyon naman ang importante?"

Walang pag-aalinlangan ay agad nakumbunsi si Fate sa sinabi ng kanyang amo. Tulad ng sinabi nito ay ang tagumpay lamang naman ng misyong inutos sa kanya nito ang importante, dahil iyon lang naman ang pinaniniwalaan niyang dahilan ng kanyang pagkabuhay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 14, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Lakserf LegendsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon