I - The Dark Project: Chapter 2

144 12 0
                                        

Maingat na pinadampi ni Fate ang kanyang daliri sa matalas na batong punyal. Pinadausdos niya ang daliri niya papunta sa dulo nito habang mataman niya itong sinusuri. Sa iba't ibang anggulo niya ito tinitignan, kinikilatis upang hanapan ito ng kamalian, ngunit sadyang napakapulido ng pagkakagawa niya nito.

Nang masigurado niyang perpekto ang pagkakagawa ng punyal ay inilapag niya ito sa mesang kaharap niya. Siniguro niyang maayos din ang pagkakalagay nito sa mesa at eksaktong kapantay ng mga iba pang punyal. Doo'y pinagmasdan niya sa ibabaw ng mesa ang maayos na pagkakasalansang ng isang hilera ng mga pulidong punyal na yari sa bato. Para sa kanya ay napakaganda pagmasdan ng mga iyon lalo na't mas nakakaengganyo itong tignan dahil sa liwanag na nanggagaling sa malapit na torch.

Mula sa kawalan, napaangat ito ng mukha nang makaramdam siya ng pamilyar na lakas at mahika. Agad siyang napalingon sa kaliwang gawi kung saan niya nararamdaman ang pinanggagalingan ng lakas. Nag-umpisa siyang humakbang upang salubungin ang may-ari ng lakas na iyon na ngayo'y unti-unti na niyang natatanaw sa labas ng kuweba.

Bago pa siya tuluyang makalapit sa paparating na lalake ay nakatungtong na ito sa loob ng may kadilimang kuweba. Nang ilang metro na lang ang layo niya rito ay agad siyang lumuhod bilang pagsalubong dito. Tanging sa lupa lang siya nakatingin, ni ang saglit na pag-angat ng tingin ay hindi niya ginawa.

"Maaari ka nang tumayo," sabi ng lalake na umalingawngaw sa loob ng kuweba kahit pa mahinahon ang kanyang boses. Agad namang sinunod ito ni Fate at walang emosyong hinarap ang lalake. "Hanggang ngayon pa rin pala'y hindi ka pa rin tumitigil sa pag-uwi ng mga punyal na iyong hinuhulma gamit ang iyong mahika," dagdag nito nang mapansin niya ang bagong hilera ng mga punyal sa mesa. Naglakad ito tungo sa mesa at maging ito ay nagulat sa perpektong pagkalahulma ng mga ito.

Inabot ng lalake ang isa sa mga punyal doon habang naglalakad na rin si Fate malapit sa kanya. "Isa, dalawa... pito?" Pagtataka ng lalake nang matapos niyang bilangin ang mga punyal. Lumingon siya kay Fate na may makahulugang ngiti sa kanyang labi. "Ito ang unang beses na lumagpas sa isa ang mga punyal na inuwi mo galing sa iyong misyon. Marahil ay maging ang katulad mo ay nahirapan sa ipinagawa ko't napilitan kang gumawa ng punyal na higit pa sa isa," pagpapatuloy nito at ibinalik na sa mesa ang punyal. Hinarap nito si Fate saka inayos ang kanyang pang-itaas. "Gayunpaman ay pinupuri kita sa mag-isa mong pagbura ng isang maliit na nasyon sa mapa."

Sa kabila ng papuring natanggap niya sa lalake ay nanatiling walang imik si Fate. Hinihintay niya lamang ang susunod na ipag-uutos nito sa kanya. Ika nga ng lalake ay nabubuhay lamang siya para pagsilbihan ito, kaya nama'y iyon lang ang tanging gusto niyang gawin. Napakalaki naman ng ngiti sa labi ng lalake, isang ngiti na punong-puno ng kasamaan.

Mula noong tinanggap ni Fate ang imbitasyon ng misteryosong lalake ang alok nitong manilbihan sa kanya ay naging sunod-sunod na ang kasamaang ipinagawa nito sa kanya. Napakaikli pa lamang ng panahong nagkaroon ng malay si Fate, ngunit hindi na mabilang ang mga nabawian niya ng buhay. Maraming dugo na ang kanyang nalasap, napakaraming tirahan na ang kanyang winasak. Mga maliliit na bayan, sitio, at maging buong nasyon nga ay hindi nito pinalagpas. Tila napanindigan na nito ang pagiging alagad ng kadiliman. Lahat ng nagawa ni Fate ay para sa lalakeng tinuturing niyang amo na labis naman nitong ikinagagalak.

Umupo ang lalake sa upuang yari sa kahoy. Bahagya niyang ikinumpas ang kanyang kamay at agad nang gumalaw ang isa pang upuan malapit sa kanya at pinaharap kay Fate. "Maupo ka, Fate. May gusto lamang akong ibahagi sa iyo," alok nito at agad sumunod si Fate. Pagkaupo niya ay naglabas ng enerhiya ang lalake sa kanan niyang kamay. Maliwanag ang enerhiyang pinapakawalan nito, nakakakalma't napakagaan sa pakiramdam. Ang init nito na wari ay yumayakap sa buo niyang katawan. Sa paligid ng kamay ng lalake ay makikita ang makikinang na enerhiya na parang mga bituin. Isang mahikang bago sa paningin ni Fate, hindi nito maiwasan ang mapatitig dito.

Lakserf LegendsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon