Ika-24 ng Marso, 1892

261 2 0
                                    

Aking Paraluman,

Saan ka nanggaling?

Sapantaha ko'y binili ka sa Espanya, yaong pinanggalingan ng aking ama bago ka nya ibinigay sa akin. Pero ang iyong mga pahina? Ang iyong kahoy na pabalat na ibinalot sa bughaw na kuwero? Naglakbay ka din kaya gamit ng isang bapor, katulad ng sakay ko ngayon patungong Europa, sa loob ng isang makitid na kaban at walang magawa kundi maramdaman ang paggiwang ng barko? Kung ganoon, mabilis tayong magiging kaibigan; dahil sa kasalukuyan, ako'y nagdudurusa at walang magawa sa loob ng cabina.

Handog ka sa aking ama--binaggit nya na ang pagsulat sa isang talaarawan ay kaugalian ng mga sabioso sa Europa; ayon sa kanya, magiging malinaw ang iyong tanaw sa hinaharap kung maglilimi ka ukol sa nakalipas.

Isip ko naman ay hambog ang mga sabiosong ito. Isip ba nila'y ganoon silang kahalaga na kailangan nilang isulat ang kanilang pang-araw-araw na gawain? Tingin ba nila sa sarili ay historyador, na tinatatala ang buhay ng isang dakila?

Ngayon, wari akong malabiga, dahil iyan din ang aking ginagawa. Intindihan mo na lamang, dahil wala akong magawa sa loob ng bapor na ito. Kaya sa kabila ng mga mapangutyang salitang nabitawan ko, magsusulat na din ako.

Sabi ng aking ama na ang sinusulatang talaarawan ay halos nagiging kaibigan, dahil dito mo isusulat ang iyong mga kaibuturang iniisip. Kung kaya't, bagong kaibigan, ako ay magpapakilala. Ako ay ibininyag sa pangalang Evandro de la Castillo. Wala akong pangalang sinusundan ng 'y', dahil ginagamit ko na ang apelyido ng aking ina. Hindi ko ginagamit ang Trastámara, bantog na pangalan ng aking ama, dahil isa akong un falso bastardo. Isang anak sa labas.

Babaeng anak sa labas.

Sa tingin ko, madaming pagpapaliwanag ang ngayo'y kailangang isagawa. Gagamitin kong wika ay Tagalog; walang makakaintindi nito dito sa bapor at sa lugar na patutunguhan. Makatwiran, dahil isang malaking kahihiyan ang lahat ng mga maisusulat dito. Sa wakas! Dito ko maisasatitik ang mga bagay na ikinulong nang labing-pitong taon.

Mapalad na madami ang oras.







-----------------------------------------------------------------------------------------------------------

kuwero, png. sa Ingles ay 'leather'

sapantaha, png. hinala

paggiwang, png. 'swaying motion'

sabioso - isang Kastilang salita na nangangahulugang isang intelektwal

maglilimi - mag-muni-muni

hambog - mapagmataas

mapangutya - 'sarcastic'

kaibuturan - 'innermost'





Kay Paraluman: Isang Nobela sa Lumang TagalogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon