Madalas sabihin ng aking inang si Marcela na mapalad kami.
Mapalad, dahil nakatira kami—ako, si ina, at si Tiya Agata—sa isang bahay-na-bato. Mapalad, dahil nakapag-aral ako sa ilalim ng mga maestro. Mapalad, dahil ako ay anak ng isang mayamang Kastila. Hindi kinakailangan na magbayad kami ng tributes, hindi ko kinakailangang tumigil sa pag-aaral para magtrabaho sa bukid—hindi katulad ng ibang mga bata dito sa San Antonio. Kung saan ang kanilang mga kamay ay may lipak dahil sa pagtrabaho, ang aking mga daliri ay magaspang dahil lamang sa pagsulat.
Ngunit hindi ko mapigilan, bilang isang bata, na mainggit sa mga batang iyon. Dahil sila ay may buong pamilya, at ang mga magulang nila ay kasal; ang kanilang panganganak ay may basbas ng Simbahan at ng Diyos. Hindi sila sinusundan ng mga tingin. Kailanman walang taong nagturo sa kanila at nagbulong ng 'bastardo.'
Bastardo, bastarda, un falso pecador.
Una kong narinig ang pangalang 'yon nang ako'y anim na taong gulang, sa araw ng una kong pagpasok sa paaralan ni Maestro Queriazon.
Gumising ako nang nakangiti at nananabik; mahilig ako sa pag-aaral, at ang pinaka-iniibig kong pakiramdam ay ang pakiramdam ng pag-unawa. Pagkatapos kainin ang almusal na hinanda ng aming katulong na si Aling Junia, pinaliguan ako ng aking Tiya, sinuklay ang buhok ko't pinarte ito sa kanan, at binihis sa bagong kamisa at pantalon. Ngumingiti si Tiya Agata habang ginagawa nya ito at nagsasalaysay ng kanyang mga sariling kwento nang siya'y estudyante sa kumbento... habang ang aking ina ay tahimik na tinititigan ako mula sa isang tabi.
Kung saan ang Tiya ko ay masiyahin at may pagkamula sa mukha, ang nanay ko naman ay katulad ng yelo na dumadating mula sa Maynila—matigas at malamig. Palagi mukhang nag-iisip ang kanyang mga itim na itim na mata—mukhang nag-iisip ukol sa pagugunaw ng mundo. Bukod sa kanyang mga munting ngiti tuwing tinuturuan nya ako ng pagsusulat, pagbabasa at pagdadasal, lamig lang ang nararamdaman ko mula kay ina. Hindi ko alam kung bakit, at hindi ko rin sinubukang alamin kung bakit. Ito'y tinanggap lamang, naging isang pangkaraniwang elemento sa aking buhay.
Nang isarado ang huling butones, tinignan ako nang maigi ni tita.
"Kay ka-ibig-ibig," ani nya nang nakangiti... at nag-buntong-hininga. "Mas ka-ibig-ibig sana kung ang suot mo ay munting saya." Bulong nya ito sa sarili, halos hindi ko narinig, pero ang ina ko ay biglaang tumayo.
"Gusto mo bang sampalin kita?" sutsot ni ina. "Gusto mo bang magka-watak-watak ang bahay na ito?!"
Binaba nalang ni Tiya Agata ang kanyang tingin. Nilapitan ako ni ina, galit na galit pa rin ang mga mata. Kung hindi ako kanyang anak at hasa na sa kanyang mga silakbo, sigurado na umiyak na ako at nagtago.
Lumuhod sya sa harap ko at tinitigan ako. Hinawak ang mukha ko nang mahigpit, halos nakakasakit.
"Isa kang lalake," hungkag ang kanyang tinig, na pawang siya'y galing sa isang digmaan.
"Isa akong lalake," inulit ko lamang ang kanyang mga salita; alam ko ang katotohanan, si Marcela at Agata ang nagsabi nito sa akin. Paminsan, kapag kaming dalawa lamang ni tiya ang nasa silid, tinatawag niya akong Eva imbes na Eván. Ngunit, katulad ng lamig ni ina, hindi ko naiintindihan kung bakit iginigiit nila ang kasalungat. Ngunit hindi ito pinag-inda, dahil pawang isang aktor sa entablado, ang pagtatago ay laro sa isip ng mga bata.
"Sa paaralan, h'wag kang gumawa ng gawain na mag-aani ng palo. Kung ika'y papaluin, ihandog mo lamang ang iyong kamay o likod. Naiintindihan?"
"Opo."
"Kung kailangan mong magbawas ng tubig, gawin mo ito sa lugar na walang makakakita sa iyo. H'wag ka nalang uminom ng madaming tubig. Naiintindihan?"
"Opo."
"H'wag ka rin umani ng mga tingin sa paaralan. Matuto ka nalang nang tahimik. Naiintindihan?"
Nang tahimik. Para sa anim-na-taong-gulang na mahilig magpakitang-gilas, ito ay parusa. May pagka-lungkot ang boses nang sinabi ko ang "opo."
Ang titig ni ina ay kasing-tigas ng bato. Ngunit, pagkatapos ng ilang segundo, lumambot ang kanyang mga mata at hinalikan nya ako sa pisngi. "Mag-ingat ka," bulong nya. Isang multo ng malungkot na ngiti ang nasa kanyang labi.
"Opo!" Kung anong lumbay ang naramdaman ko, ito ay nawala at pinalitan ng sigla. Hindi ko madalas makita ang aking ina na ngumiti. Para sa akin, ito'y isang mirakulo! Kung kaya't hindi nawala ang aking ngiti, kahit na lumabas na ako ng bahay at namaalam kay ina at Tiya, na kasama na lamang ang isa pa naming katulong, si Mang Donis.
"Mukhang magandang-maganda ang umaga natin ngayon, Eván!" Bati nya. Suot nya ang isang naninilaw na kamisa at sombrerong may butas.
Isang buwan nang nagsisilbi ang mag-asawang si Mang Donis at Aling Junia sa aming bahay. Kitang-kita na indio si Aling Junia, kung kaya't hindi nakakapukaw ng isip kung bakit siya naging katulong... ngunit si Mang Donis ay may mukha ng isang kreolo. Natibo, ngunit may halo ng magiting na dugo ng mga Kastila.
Tinanong ko ito sa lalaki nang una ko syang nakilala—'bakit po kayo katulong?' Kaagad naman akong pinalo ni Tiya Agata, na sinabi na bastos ang tanong 'yon habang ngumingiti nang mahinhin ang kreolo.
Tumango ako, bumati ng magandang umaga po at hinawakan ang pulsuhan ni Mang Donis. Kinuha na nya rin ang aking maletin na naghahawak sa aking kwaderno, tinta at pluma. Nagsimula na kaming maglakad patungo sa paaralan ng Maestro gamit ng maalikabok na daanan. Hiwalay ang aming bahay-na-bato mula ibang mga mumunting bahay; isang detalye na hindi ko ipagtataka hanggang mamaya.
Mabilis ang tibok ng aking puso; hindi ako madalas na hayaang lumabas ni ina, kung kaya't ang mga tingin ko sa mga tao, kubo at iilang gusali ay parang pagtitig ng isang baliw na kakalabas sa asilo pagkatapos ng ilang taong pagkabilanggo. Sa pasikot-sikot na daan, ningingitian ko ang mga tao, at ilan ay bumalik ng ngiti... ngunit ang ilan ay nandilat. May dalawang dalaga na nagbulong sa isa't isa habang tumitingin sa akin. Isang prayle ay nagturo at nagsalita sa kanyang mga sacristan sa wikang Kastila. At isang batang katapat ko sa gulang ay sinubukang lumapit sa akin, may hawak na bola at may suot na ngiti—
At kaagad siyang sinunggaban ng isang ale at halos kinaladkad paalis.
'Yan ang mga nakita ko patungo sa paaralan ng maestro. Mga titig, mga turo, mga bumubulong, na pawang ako'y isang sinumpa. Ang tibok ng puso na dati ay bunga ng pananabik ay ngayo'y bunga ng takot. Napuna ito ni Mang Donis at hinigpitan nya ang hawak sa aking kamay, palatandaan na bilisan ko ang lakad.
Sa wakas ay nakarating na kami sa paaralan, isang gusali na kawangis ng bahay-na-bato at may bandila ng Espanya sa taas ng pintuan. Pero hindi na pananabik ang laman ng dibdib ko—ngayon ito ay pangangamba. Isip ko, kung ganoon ang mga tao sa labas, paano pa ang mga iba na nasa loob? At, bakit ganoon silang makatingin?
Hindi ko napansin ang panginginig ko, ngunit ito'y nakita ni Mang Donis at siya'y nagbuntong-hininga. Tinapik nya ang aking balikat.
"H'wag kang mag-aalala, magkakaroon ka ng madaming kaibigan!"
"Paano po kung hindi?"
Kinurot nya ang pisngi ko. "Ang bawat tao ay nagkakaroon ng kaibigan. At... kung wala kang kaibigan sa paaralang ito," ngumiti sya, "magkakaroon ka pa rin ng kaibigan sa bahay. May dadating."
Kumulubot ang noo ko. "Sino po?"
"Ang mga anak ko—si Narciso, si Artemio at si Sandra. Manggagaling mula sa bahay namin sa Malolos para magsilbi rin sa bahay ninyo." May ngiti pa si Mang Donis nang sinabi nya ito, ngunit ang kanyang mukha ay may panghihinayang. Na parang hindi nya ninanais na magsilbi ang anak. Na parang ikinakahiya nya na hindi ito mapigilan.
Nagmano nalang ako at namaalam, at pumasok. Hindi man lang alam kung anong klaseng mandaragit ang naghihintay para sa'kin.
----
*San Antonio - isang maalamat na bayan na matatagpuan sa Bulacan.
BINABASA MO ANG
Kay Paraluman: Isang Nobela sa Lumang Tagalog
Tarihi KurguFilipinas, 1892. Malapit nang sumiklab ang apoy ng himagsikan. Sa gitna nito, isang anak sa labas ay lumalakbay patungong Europa kasama ng Kastilang ama, para maging isang ilustrado. Hindi nya alam kung anong klaseng mandaragit ang naghihintay para...