Ang Kwago, ang Lawin at ang Uwak

723 5 0
                                    

May tatlong ibon ang nagugutom sa kagubatan at naghahanap ng pagkain, isang kwago, isang lawin at isang uwak. Nagkataon naman na isang bagyo ang dumating. Tumuloy ang kwago at lawin sa paghahanap habang ang uwak ay bumalik sa kaniyang pugad at nagtiis sa gutom habang binabayo ng bagyo ang akasyang kinalalagyan ng kaniyang pugad.

Patuloy ang kwago at lawin sa paghahanap ng pagkain sa gitna ng bagyo. Tuloy rin naman ang buhos ng rumagarasang ulan at ang hipan ng mabagsik na hangin. Kinalaunan ay napagod ang lawin at kwago. Bumaba ang kwago sa kalupaan at nagsimulang naghukay ng malalim upang makaiwas mula sa ulan at hangin. Nagpahinga ang kwago sa ginawa nitong hukay at nakatulog. Nang lalo pang lumakas ang ulan, bumaha sa kagubatan at pinasok ng tubig ang ginawang hukay ng kwago. Hindi nito namalayan ang baha kung kaya't ito ay nalunod at namatay.

Nagtiis ang lawin sa malakas na hangin at ulan habang ito ay lumilipad. Maya-maya ay kumalma ang paligid at panahon. Napansin ng lawin ang isang liwanag mula sa itaas na pinaiikutan ng maitim na kaulapan kung kaya't nilakasan niya ang pagaspas ng kaniyang pakpak at lumipad papaitas upang mapuntahan ang liwanag na nasilayan. Lumipad ito ng pataas at pataas hanggang sa may naramdaman siyang kakaibang malamig na hangin. Nilamig ang lawin sa puntong hindi na kaya ng kaniyang mga balahibo bigyan ng init ang kaniyang pagal na katawan. Nahimatay ang lawin sa paglipad at tinangay ng malakas na hangin. Bumagsak ito sa batuhan at nagtamo ng sugat.

Matapos ang bagyo, lumipad muli ang uwak sa kagubatan. Una nitong nakita ang lawin na nakahandusay sa batuhan at duguan. Kumuha siya ng mga dahon ng bayabas at nilagay ito sa isang bao ng buko. Sinalukan niya ito ng tubig na tumutulo galing sa mga sanga ng puno. Kumuha ito ng maliliit na bato at inilagay rin sa bao. Gamit ang kaniyang tuka, idinikdik niya ang mga bato sa mga dahon ng bayabas. Pagkatapos ay ibinuhos ng uwak ang katas ng bayabas sa ulo ng lawin. Dinala ng uwak ang bao at pumunta sa batis; doon rin nakahuli ang uwak ng isang dalag. Kinain nito ang kalahati at sumalok ng tubig mula sa batis. Dinala ng uwak ang natirang dalag at baong may tubig sa lawin. Kinain ng lawin ang dalag nang ito ay magising muli at uminom ng tubig. Muli itong lumakas at bumalik sa kaniyang pugad.

Haynayang ParabulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon