Hinog na Bunga

352 2 0
                                    

Nakagawian kong bilang isang makata na magmasid-masid sa paligid habang naglalakad, patungo man o pauwi galing sa aking mga kailangan puntahan araw-araw na ilarawan ang aking mga nasa paligid, patula man o kagaya ngayon na pasalaysay. Madalas na sa mga puno sa paligid ako nakatingin o sa bughaw na kalangitan sa aking itaas na hindi mawari kung saan ang hangganan kung kaya't ang mga ibong lumilipad ay nilulubos ang kanilang kalayaan.

Minsan ay may dalawang ibon akong nasilayan, nagkakahid ng makakain sa damuhan. Ako ay nagtaka sa dalawang ibon na ito sapagkat napakaraming puno ang namumunga sa paligid at nagkataon ding tagsibol na. Maaari naman silang lumipad patungo sa mga sanga ng mga puno at mamitas sa mga bungang nakakaakit sa mga mata. Mas pinili pa nila na magkahid sa damuhan upang makahanap ng pagkain.

Ilang araw kong pinag-isipan kung bakit sa damuhan naghahanap ang dalawang ibon na iyon. Nakapagtataka na sa dinami dami ng mga bunga sa itaas ngunit sa ibaba sila naghahanap. Napagtanto ko sa aking sarili na ako ay isang mangmang. Hindi maaring kainin ang mga bunga na nakalaylay pa sa taas ng mga sanga ng puno. Kung ang mga ito ay nasa tamang kahinugan na, sila ay kusang babagsak mula sa taas. Mas marunong pa pala minsan ang mga ibon kaysa sa akin. Alam nila na hindi pa nararapat ang isang bagay, kahit na nakakaakit sa mata o sa desisyong maaari na ngunit hindi pa pala sa sapat, dahil hindi pa ito hinog na bunga.

Kung susuriin ngang mabuti, hinog nga lang ang nahuhulog mula sa itaas upang tumubo mula sa lupa at lumago at mamunga ng masagana. Ang mga bunga na mahuhulog mula sa sanga na hindi pa hinog ay walang maidudulot na mabuti, kahit ang mga ibon ay hindi rin sila kakainin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 31, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Haynayang ParabulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon