Malakas na sampal ang iginawad ni Mika kay Loyd. Halos tumabingi ang mukha ng lalaki pero nakangisi pa rin itong bumaling kay Mika na puno na ng luha ang magkabilang pisngi.
"Wala ka nang magagawa kung ayoko na. Ang boring mo kasing kasama." Tatalikod na sana ito nang biglang hawakan ni Mika ang braso niya.
"Bakit? Ibinigay ko na naman ang lahat sa 'yo, a? Kulang pa ba?" Mahal na mahal niya ito at gagawin niya ang lahat huwag lang itong mawala.
Pero ipiniksi lang iyon ni Loyd at nang-uuyam pang tiningnan siya nito bago lumabas ng apartment niya.
Nanghihinang napaupo si Mika. Anim na taon na naging sila nito at basta na lang siya nitong iniwan!
Bakit?
Tanging iyon lang ang kaniyang nasambit, bago dinampot ang blade na nasa drawer.
Paalam!
***
Isang linggo rin na hindi nakita ni Mika si Loyd, o kahit ang magparamdam man lang. Ang huling balita niya, nakisama na ito sa babaeng ipinalit sa kaniya. Para mabilis na makapag-move on, lahat ng may kaugnayan dito ay inalis na niya sa kaniyang buhay.
Hindi siya nagbubukas ng kahit anumang social media at hindi rin siya nakikibalita sa mga kaibigan nito. At wala rin siyang balak lumabas ng bahay. Nakakatamad ang gumala at maglibang. Ilang araw na pagmumukmok pa at makaka-move on din siya.
Bukas ay araw ng kanilang anniversary. Kahit anong pilit na alisin niya sa sistema si Loyd, still naaalala niya pa rin ito, mahal niya pa rin ang lalaking nanakit sa kaniya.
Eksaktong alas-dose ng madaling-araw may kumatok sa pinto. Kinakabahang tinungo niya ang pinto.
"Sino 'yan?" Nagulat pa siya ng tinig ni Loyd ang kaniyang narinig.
"Mahal..." sapat na ang mga salitang iyon para mabilis na pagbuksan niya ito ng pinto.
Walang pagsidlan ang kaniyang tuwa nang muling masilayan ang mahal. Nakangiting niyakap niya ito. Hindi naman gumanti ng yakap si Loyd, bagkus ay tuwid lang itong nakatayo.
Masayang pinapasok ito ni Mika sa loob. Pinaupo sa sofa at hinawakan ang mga kamay.
"B-babalik ka na ba rito?" alanganing tanong niya. Napansin niyang malamig ang mga palad nito at namumutla rin. Pero wala siyang pakialam. Masaya na siya at narito na ito ngayon.
Hindi man lang ito lumingon o tumugon sa kaniya. Nanatiling tuwid lang ang tingin nito.
"Inaantok na ako." nangilabot man sa tono ng boses nito, nakangiting tumango si Mika at magkahawak-kamay silang pumasok sa loob ng kuwarto.
"A, sa'n ka nga pala galing? Para kasing may sugat ka sa noo?" sumulyap pa siya kay Loyd na nanatiling nakatayo lang sa pinto, bago pinagpatuloy ang pag-aayos ng higaan.
Subalit, walang tugon mula rito. Sinenyasan niyang lumapit na ito na marahan naman nitong ginawa.
Hinaplos nito ang mukha niya, napapikit si Mika kahit pa napakalamig ng palad nito. Iginiya siya nito sa kama at magkatabi silang natulog ng gabing iyon. Ang pinakamasayang gabi sa buhay ni Mika.
***
Nakangiting gumising si Mika. Tulog pa rin si Loyd. Maghahanda siya ng almusal para sa kanilang anibersaryo.
Papunta na siya ng kusina ng may mahagip ang kaniyang mga mata. Nilapitan niya ang mga nakalapag na diyaryo. Oo nga pala, sa sobrang lungkot niya, hindi na siya nakakapagbasa. Dinala niya ang mga ito para sa kusina na lang basahin.
Habang naglalakad, nagbuklat-buklat siya ng mamabasa. Subalit, agad na nanlaki ang kaniyang mga mata, nanginig at napasandal sa dingding.
Hindi!
"ISANG LALAKI, PATAY SA BANGGAAN!"
at nakapetsa iyon isang linggo na ang nakakaraan!
"Mika..." nahigit ni Mika ang hininga nang marinig ang boses ni Loyd. Ayaw niyang lumingon pa.
Kaya pala...
Malamig na palad...
Maputlang mukha at sugat...
Pinigilan niyang mapasigaw nang hawakan ni Loyd ang balikat niya. Halos hindi na siya humihinga nang iharap siya ng lalaki. At tuluyan na siyang napasigaw nang masilayan ang totoong itsura nito; basag ang kalahating mukha at walang kaliwang braso.
Napaatras si Mika nang magsimulang lumapit sa Loyd sa kaniya, hila-hila nito ang kanang paang putol na.
"Loyd, huwag..." umiiyak na nagmamakaawa na si Mika.
Ngumisi naman si Loyd.
"Bakit ka natatakot, mahal ko?" halos isang dipa na lang ang layo ng pagmumukha nila sa isa't isa.
Naitakip ni Mika ang kaliwang palad sa bibig at napahagulgol ng iyak.
"Patay ka na! Tigilan mo na ako!" mahinang saad niya sa pagitan ng hikbi.
Nanatiling nakangisi ang lalaki. Hinawakan pa nito ang kaniyang mukha. Halos masuka si Mika nang umalingasaw ang mabahong amoy mula sa kamay nito, kahit pa may takip ang kaniyang ilong at bibig.
"Bakit? Ikaw ba hindi?" nagulantang si Mika sa sinabi ni Loyd. Lumayo ito nang bahagya sa kaniya at tumingin sa diyaryo.
Napatingin na rin dito si Mika at nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita sa kabilang pahina nito ang kaniyang litrato!
"NASAWI SA PAG-IBIG, NAGPAKAMATAY!"
Nalilitong marahan niyang ibinaba ang kaliwang palad at tiningnan ang pulso. Kita ang hiwa ng blade dito at nanginginig na hinawakan niya pa ito.
Napatingin pa siya sa salaming naroon. Marahang lumapit at hindi makapaniwala sa nakikita! Naagnas na ang kaniyang mukha at maputlang-maputla.
"Patay ka na rin. Ang mga katulad natin, sa impyerno mapupunta kaya sinusundo na kita!" saad ni Loyd na nasa kaniyang likuran, sa salamin din nakatingin.
"Hindi!!!!!!!!!!!!!!!"
---end---
Kakaba ka ba?
"Ex"
© 2016 jhavril
BINABASA MO ANG
Kakaba Ka Ba?
Horrorcompilation of horror stories... all original stories... PLAGIARISM IS A CRIME! kinakabahan ka na ba??? © jhavril All rights reserved 2016 January 29, 2016