Wedding Dress

2.8K 145 1
                                    

Hindi makapaniwala si Sally na ikakasal na siya. Tatlong taon din naman silang naging magkasintahan ni Danny bago ito lumuhod sa kaniya at ialay ang singsing. Walang pagsidlan ang kaniyang tuwa dahil talagang inasam-asam niya ito.

Inaayos niya ang mga wedding invitation nang makarinig ng pag-doorbell. Napakunot-noong sinulyapan ang orasan sa dingding ng sala. Alas tres na pala ng hapon. Nag-inat muna siya dahil nangalay siya sa pagkakayuko para sa mga isinisulat na pangalan ng mga imbitado.

Nagpatuloy ang pag-door bell. Sinilip naman ni Sally sa bintana kung sino ang may gawa niyon. Mag-isa na lang siya sa buhay dahil parehong naaksidente ang magulang 2 years ago at wala naman siyang kapatid.

Wala naman siyang nakitang tao sa labas. Agad niyang tinungo ang pinto at tuluyang lumabas. Palapit na siya sa maliit na gate nang may mapansing nakalapag sa harapan nito. Binuksan niya ang gate at isang kahon na kulay puti ang kaniyang nakita. Parihaba ito at hindi naman kalakihan.

Kaliwa't kanan ang kaniyang ginawang pagmasid sa paligid subalit wala siyang nakitang ibang tao maliban sa kaniya. Kinuha niya ang card na nasa ibabaw at nakapangalan iyon sa kaniya. Subalit, walang pangalan kung kanino ba galing.

Nagdadalawang-isip pa siya kung kukunin o iiwanan na lang. Pero sa kaniya naman nakapangalan kaya binuksan niyang maigi ang gate bago binuhat ito papasok. Hindi naman mabigat kaya naisara niya ang gate ng isang kamay habang hawak ang isa pa.

Nalilito pa rin siya kung kanino ba galing ang box. Matapos ilapag ito sa lamesa ay agad niyang binuksan ito. Tumambad sa kaniya ang isang damit pangkasal.

Napangiti siya habang hinahaplos ito. Agad na kinuha ito at inilabas sa box. Napakaganda at napakaelegante.

Kahit pa ang tabas e, parang sa sinauna, gandang-ganda pa rin siya. Mahilig naman siya sa mga ganitong klaseng damit. Basta ba bagay sa kaniya ay walang problema.

Pero, kanino kaya ito galing?

Hinagilap niya ulit ang kasamang card, subalit tanging pangalan lang niya ang nakalagay at best wishes.

May nagregalo kaya? Naisip niya si Danny, ang katipan, pero ang alam niya ay sa kaniya na nito ipinaubaya ang pagpili ng wedding dress. At ayaw niyang magpatahi, mas gusto niya ang ganito, gawa na at kaunting alter na lang ang gagawin. Siyempre, dahil nagtitipid nga sila. At wala pa ring pumapasa sa taste niya. Eto pa lang kung sakali.

Nasisiyahang pumasok siya sa loob ng kuwarto at binalak isukat ito. Hindi naman siya naniniwala sa mga pamahiing bawal magsukat ng damit pangkasal.

Iniabot niya muna ang cellphone at tatawagan niya ang kasintahan, baka sorpresa naman nito iyon.

Subalit, nakakailang ring na ay hindi man lang nito sinasagot. Engineer ito sa isang di-kalakihang firm. Baka busy.

Ibinaba na niya ang cellphone at mamaya na lang niya ito kakausapin. Sa ngayon ay magsusukat muna siya ng wedding dress.

Excited na naghubad si Sally at isinuot iyon. Humarap sa full size mirror at pinagmasdan ang sarili. May mga tali ito sa likuran para masikipan o maluwagan ang damit at dahil hindi niya abot iyon kaya hindi niya ito maisara nang maayos. Pero parang isinukat sa kaniya dahil hakab sa katawan at kasukat niya iyon. Nakangiti pang iniabot ang belo at isinuot din.

Kahit makaluma ang estilo ng wedding dress ay elegante naman pagdating sa mga nakadikit na mga maliliit na bato. Kumikinang iyon pag tinatamaan ng ilaw. Kahit ang belo ay mayroon ito. Hindi naman ganoon kahaba ang dalawa, sakto lang para sa kaniya.

Umikot-ikot pa siya sa harap ng salamin at natutuwang pinagmasdan ang sarili.

"Ang ganda-ganda ko naman dito! Kung sino man ang nagbigay nito, salamat." at kumuha pa siya ng suklay at nagkunwaring bulaklak ito bago bahagyang lumayo sa salamin.

At parang nasa aisle na marahang naglakad palapit habang nagha-hum ng tunog na ginagamit sa kasal.

Nang ganap nang masiyahan ay ninais na niyang hubarin ang wedding dress. Pero sa hindi malamang dahilan ay biglang sumara ang taling hugpungan nito sa likuran niya. Nabigla si Sally at ilang segundo na hindi nakahuma. Huminga nang malalim at bahagyang tumalikod sa salamin para silipin ang likuran. Nakasara na nga at parang may nagtali pa nito. Pilit niyang iniaabot dahil iba na ang kutob niya.

Kinakabahang nahawakan na niya ang dulo subalit nangangalay na siya't lahat ay hindi pa rin niya natatanggal. Naiinis na hinila niya ang belo sa ulo para alisin subalit kahit ito ay hindi niya rin matanggal!

Parang idinikit sa ulo niya at nang pilitin niyang hilahin ay sumasama ang anit niya kaya nasasaktan siya. Sinubukan niya pang muli at tiniis ang sakit subalit naramdaman na lang niyang umaagos na ang sariling dugo mula sa ulo. Pero hindi pa rin natatanggal ang belo!

Ano bang klaseng kasuotan ito?

Mabilis niyang hinagilap ang cellphone. Kailangan makahingi na siya nang tulong. Itinapat na niya ang cellphone sa tainga at naririnig na niyang nagri-ring sa kabila ang tinatawagang kasintahan. Subalit, bigla na lang parang may umagaw ng kaniyang cellphone at malakas na bumagsak ito sa sahig! Wasak na itong pinagmasdan ni Sally.

Naiiyak na tinungo niya ang pinto palabas ng kuwarto subalit, mabilis ito sumara ng kusa.

Pinagbabayo ito ni Sally habang humihingi ng tulong. Habang pinipilit pa ring sinusubukang buksan gamit ang paulit-ulit na pagpihit sa doorknob.

Napalingon si Sally sa bintana. Pupuntahan na sana niya ito nang maramdamang parang sumisikip ang damit pangkasal na suot niya. Napasulyap siya sa salamin at nanlaki ang mga mata niya habang nakaawang ang labi.

Kitang-kita niya kasi sa likuran ang isang naagnas na babae. Bali ang leeg nito at nakalungayngay sa kanan niya.

Hawak-hawak nito ang tali para mahigpitan pang lalo ang damit na suot niya. Habang nagha-hum sa tainga niya ng kantang pangkasal.

Nais mang sumigaw ni Sally ay hindi niya magawa. Sabay na paghigpit ng damit pangkasal ay ang pagtakip sa mukha niya ng belo. Halos hindi na siya makahinga dahil pahigpit na nang pahigpit ang mga ito.

Napaluhod na sa sahig si Sally at sumuka na ng dugo dahil halos ang liit na nang kaniyang tiyan dahil sa higpit na taling ginawa sa kaniya at hindi pa siya makahinga dahil sa belong sumaklob sa kaniyang mukha.

Humigit muna ng isang panghuling hininga si Sally bago pabagsak na nakamulat pa ang mga matang wala ng buhay. May tumutulo pang dugo sa labi nito.

Nakangisi namang pinagmasdan ito ng babae, walang sinuman ang puwedeng maging masaya at ikasal. Tanging siya lang at si Danny na nauna na niyang pinatay kanina lang.

Dalawang taon ang nakalipas ng hindi siya siputin ni Danny, ang fiancee' ng babaeng ito, at nalaman na lang niya na lumuwas na pala ito ng Maynila at iniwan siya.

Isinumpa niyang hindi ito magiging masaya kahit kailan bago nagbigti.

Ngayon ay matatahimik na siya.. sila sa kabilang buhay...

--end---

Kakaba ka ba?
Wedding Dress
© 2016 jhavril

Kakaba Ka Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon