Kambal

2.7K 145 18
                                    

"Ayoko nga! Ikaw na lang!" pasigaw na saad ni Tori. Nakahalukipkip pa ito at nakairap sa kakambal na si Tara. Identical twins sila nito kaya nalilito ang mga tao kung sino ba sa kanila ang sino.

Nakangisi pang binalingan siya ng kakambal.

"Kahit kailan duwag ka. Magpapaalam ka lang naman kay papa, a?" sabay pa silang napatingin sa amang nakaharap sa laptop nito.

Nakasimangot pa ring umirap si Tori. Pareho silang takot sa ama at ayaw niyang pinapagalitan.

Huminga nang malalim si Tara bago pumasok sa silid ng ama. Marahan namang sumilip si Tori. Narinig niyang nagpapaalam si Tara sa ama na pupunta lang sila saglit sa mall. Subalit, hindi man lang ito sinulyapan ng ama. Busy sa kung anong tina-type nito.

Inulit muli ni Tara subalit, hindi pa rin ito pinansin ng ama. Nakasimangot na lumabas na lang ng silid si Tara.

"Sabi sa 'yo hindi siya papayag." saad ni Tori bago sabay na lang silang pumasok sa loob ng kanilang silid.

***

"May tampuhan ba kayo ni mama?" isang tuwalya lang kasi ang iniabot ng kanilang ina at kay Tori iyon ibinigay. Sabagay, siya lang naman ang naligo sa swimming pool at hindi ang kakambal.

Nagkibit-balikat ito habang nakatingin sa swimming pool. Ilang araw na kasi niyang napapansin na hindi nagkikibuan ang mga ito.

"Nagbakasyon lang ako saglit kina lola tapos pagbalik ko ganiyan na kayo ni mama." Kinusot-kusot pa ni Tori ang sariling buhok bago sumulyap sa nakaismid na kakambal.

"Alam naman nating ikaw ang paborito nila mama at papa." nakahalukipkip pa itong malungkot na tumingin sa tubig.

Nakangiting inakbayan naman ito ni Tori. "Ito naman, masiyado kang matampuhin, siyempre namis lang ako ng mga iyon. Matagal rin akong nawala kala mo ba. Siguro, hindi mo ako namis kaya ganiyan ka." pakunwaring nagtampo si Tori sa kakambal.

Ngumiti na rin sa wakas si Tara. Kasabay nito ang paglabas muli ng ina at nakabihis. Alanganing ngumiti ito kay Tori.

"Anak, alis lang ako, may pupuntahan lang." sabay hinalikan siya nito sa pisngi at ni hindi man lang tiningnan si Tara para magpaalam. Tinging humihingi ng paumanhin ang ibinigay ni Tori sa kakambal na malungkot na naupo sa gilid ng pool.

***

"Tara! Ba-bakit... ka may hawak na kutsilyo?" nahihintakutang napabalikwas ng bangon si Tori. Nawala ang antok niya nang mapasulyap sa katabing si Tara na ngayon ay may hawak na kutsilyo at galit na nakatingin lang dito.

"Patawarin mo ako, pero hindi ko na kaya ang ginagawang pambabalewala sa akin ng sarili ko pang magulang. Kung sa 'yo e, okay lang na ganito ang ginagawa, sa 'kin hindi! Sabagay, ikaw kasi ang paborito nila." at bigla na lang itong bumaba ng kama.

"Ano ka ba!? Magulang natin sila. Kung gusto mo, kakausapin ko sina mama at papa. Tara naman, bakit ka nagkakaganiyan? Ang laki ng ipinagbago mo." natatarantang napapaiyak na bumaba na rin ng kama si Tori.

Para iyon lang nagkakaganito na ito?

Pilit niyang kinukuha ang may kahabaan ding kutsilyong tangan nito, subalit nakangisi lang itong tumakbo palabas. Nalilitong napasunod siya rito dahil baka kung ano ang gawin nito sa magulang. Nababaliw na ata si Tara!

***

Napaluhod na lang si Tori nang makitang nasaksak na pala ni Tara ang ama sa likod, paulit-ulit na ginawa iyon ng kakambal kahit pa nagmamakaawa siyang tigilan nito. Subalit, parang wala itong narinig at patuloy lang nitong ginagawa ang kahindik-hindik na bagay na iyon. Kahit pa wala nang buhay ang ama na bumagsak sa harap ng laptop nito.

"'Yan ang bagay sa kaniya. Puro kasi siya trabaho! Ngayon, asaan kaya si mommy?" at nagsimula nang maglakad ang kakambal papuntang pintuan para hanapin ang ina.

Dahil sa narinig, agad na inunahan ni Tori ang kakambal sa paglabas ng silid at sumisigaw na tinatawag ang ina.

Umakyat siya ng ikalawang palapag at dumiretso ng kuwarto nito. Lumingon siya at kita niyang nakasunod ang nakangising kakambal.

Paulit-ulit na kinatok ni Tori ang kuwarto ng ina.

Pupungas-pungas pang binuksan ng ina si Tori. Subalit, ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata nito. At bago pa man maisatinig ni Tori ang panganib na nakaamba rito ay pilit nitong isinasara ang pinto.

Gulat na napalingon si Tori sa katabing si Tara na ngayon ay pilit na hinaharang ang katawan para hindi ganap na maisara ng ina ang pinto.

Galit na tinutulak niya ang kakambal subalit may kung anong lakas itong tuluyang nabuksan ang pinto at palapit na sa inang napapaatras sa takot.

Pipigilan sana niya si Tara nang biglang sumigaw ang ina.

"Tori, ano bang nangyayari sa 'yo!? Ina mo ako, pero bakit gusto mo akong patayin?" Naiiyak na ang ina sa kawalan ng pag-asa dahil sa nakaambang panganib.

Natigilan si Tori sa narinig.

"Ma, hindi ako. Si Tara ang may kagagawan ng lahat, siya ang pumatay kay daddy." naluluhang sambit niya.

Hindi ba nito nakikilala si Tara porke magkahawig sila?

"Ano bang pinagsasabi mo?! Matagal ng patay si Tara at ang akala namin na sa napakahabang panahon na nilagi mo sa mental e, magaling ka na. Hindi pa pala. Tori, please si mommy ako, bitawan mo 'yan" naiiyak na napasiksik pa ang ina sa gilid.

Nalilitong napasulyap si Tori sa malaking salaming nasa gilid lang niya. At doon, kitang-kita niya ang suot na puting pantulog na puno ng dugo. May mga talsik din ang ibang bahagi ng kaniyang mukha at braso. Napatingin din s'ya sa kanang kamay na may hawak na... kutsilyo?

Paanong napunta sa kaniya ang kutsilyo ni Tara?

Nilingon niya ang kakambal na nasa tabi niya. Subalit, wala na ito sa puwesto nito kanina. Agad din siyang napatingin sa lumuluhang ina.

"Ma, maniwala ka hindi ako..." naibagsak niya ang hawak na kutsilyo, kasabay nang paghagulgol niya ng iyak. Napapaluhod siyang hindi makapaniwala sa mga nangyari.

Mabilis namang lumapit sa kaniya ang ina at agad na niyakap siya. Iyak nang iyak si Tori sa balikat ng ina.

Biglang nag-rewind sa isip niya ang mga pangyayari. No'ng nagpaalam si Tara at hindi pinapansin ng ama, kaya pala dahil wala naman palang Tara na nagpaalam, siya lang ang naroon ng mga sandaling iyon.

At nang abutan siya ng ina ng tuwalya, wala ring siyang Tara na katabi. At kaya sa kaniya lang nagpaalam ang ina dahil wala pa talaga roon si Tara.

Wala na si Tara!

"Bukas na bukas din, darating ang doktor mo at..." binitawan siya nito at pinahid ang sariling luha.

"Ma, si Papa..." biglang nanlaki ang mga mata ng ina nang mapagtanto kung ano pala ang nangyari sa asawa.

Tumayo ito at kagyat na tinakbo ang pinto. Subalit, nanlaki ang mata ni Tori nang makitang dinampot ng kakambal ang kutsilyo at nakangising sumunod sa ina.

Sumisigaw na tinatawag ni Tori ang ina at tumatakbo na ring sumunod sa mga ito.

Biglang napalingon ang ina ni Tori at bago pa man niya mapigilan ang kakambal pinagsasaksak na nito ang ina at hindi tinitigilan hangga't may buhay na natitira rito.

Hindik na hindik si Tori sa nakikita kaya kagyat niyang nilapitan ang kakambal para pigilan subalit hindi makapaniwala si Tori na siya na ang may hawak ng kutsilyo at ngayon ay nag-iisang nakatingin sa wala ng buhay ng inang nakahandusay sa harapan niya.

Naiiyak na napapailing si Tori.

Anong nangyayari?

Bakit?!

--end---

Kakaba ka ba?
Kambal
© 2016 jhavril

Kakaba Ka Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon