Ikalabinwalong Kabanata Ang Pulong

43 1 0
                                    

Hithit. Buga. Hithit muli. Malalim ang hugot ng kanyang hininga. Kinuha niya ang basong may lamang pulang alak. Inalog-alog ang yelo. Sinaid ang laman. Kinuha ang boteng sisidlan ng alak. Bakas sa kanyang mukha ang lubos na pag-aalala. Hindi pa dumarating ang kanyang inaasahan. Kailangan niya ng mabuting balita. Dahil kung hindi, masisira ang lahat ng plano niya sa mga susunod na araw. Tiningnan niya ang kanyang Rolex. Pasado ala-siyete na ng gabi. Nasaan na ba sila? May narinig siyang mahinang katok sa kanyang bintana. Nakita niyang nakadapo ang isang uwak sa humba ng bintana. Pinigil niya ang kanyang hininga habang binubuksan ang bintana upang papasukin ang ibon. Agad itong lumipad patungo sa isang swivel chair at ang ibon ay napalitan ng mga umaalon na kulay itim hanggang sa ito ay nag-anyong isang tao. Ang Hukluban.

"Sa tingin ko'y hindi maganda ang balitang dala mo, tama ba?"

Hindi kumibo ang bruha. Tumungo ito at pilit na iniiwas ang tingin sa kausap. Kinapa niya ang kanyang lalamunan. Sa pakiwari niya'y nawalan siya ng boses para sagutin ang tanong sa kanya. Biglang kumabog ang kanyang dibdib ng ibagsak ng kausap ang basong kaninang nilalaro-laro nito.

"Inutil! Hindi mo ba alam ang epekto ng kapalpakan mo?" namumula sigaw ng kausap.

"Hindi ko inaasahang may makakahuli sa akin. Kaya ko namang labanan ang dalawang sumugod sa akin, pero sa kanya... wala akong laban sa liwanag niya." Garalgal na tugon ng Hukluban.

Bumaling sa may bintana ang kanyang kausap. Binubuksan at sinasara niya ang kanyang mga palad. Hindi na niya napigilan ang kanyang damdamin. Sa kanyang pagharap ay iniangat niya ang Hukluban sa upuan nito at idiniin nito ang kanyang mga daliri sa leeg nito. Pilit namang inaalis ng Hukuban ang pagkakakapit ng bakal na kamay sa kanyang leeg ngunit kahit ibaon niya ang mga matatalas na kuko ay hindi ito lumuluwag.

"Huwag. Huwag... mo akong... patayin. Isang pagkakataon pa... Paraang awa mo na..."

"Walang puwang ang mga walang silbi sa aking mga plano. Hindi ka kawalan. Alam mong kaya kong makagawa ulit ng katulad mo."

"Awa... Maawa ka... Panginoon... Mayroon ka pang... dapat malaman. Nakita ko... nakita ko ang sugo."

Natigilan ang kanyang kausap. Nanlaki ang mga mata. Ramdam ng Hukluban na nanginig ang kamay na may kapit sa kanyang leeg. Unti-unti niyang binitawan ang Hukluban at bumagsak ito sa semento. Ngayon niya lang nakita ang kanyang Panginoon na parang maiiyak.

"Si-sigurado ka ba sa sinasabi mo...?

"Opo, sigurado ako. Nakasagupa ko siya kamakailan lang. Malakas siya, Panginoon. Isang delikadong kalaban." Tugon ng Hukluban habang hinihimas ang masakit na lalamunan. Bumukas ng marahan ang pintuan. Isa-isang pumasok ang iba pang taong kanyang inaasahan. Walang nagsalita sa kanila. Pasalit-salit ang tingin nila sa kanilang Panginoon at sa Hukluban.

"Magsiupo kayong lahat. Simulan na natin ang ating pulong. "

Agad na sumunod ang kanyang mga kausap at dali-dali nilang inayos ang kanilang hanay. Nakapako pa rin ang tingin nila sa kanilang pinuno. Siya man ay umupo na rin, maaliwalas na ang mukha na para bang walang nangyari.

"Hindi tayo dapat mabigo sa ating gagawin. Wala akong planong magpatalo sa kalaban. Kung totoong natagpuan na ang sugo, mayroon tayong malaking tsansa. Kung makukubinsi lang natin siyang kilalanin ang kasamaan na nasa dugo niya."

Nagkatinginan ang kanyang mga kausap. Pailing-iling ang Hukluban. Nagsalita ang isa sa kanila, ang kanilang maalam na manggagamot.

"Pero hindi ba, kinuha ang sugo ng kalaban? Sa palagay ko ay naturuan na siya ng gawi ng kabutihan."

HelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon