CHAPTER THREE
IBANG-IBA sa akin ang araw na iyon. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang nararamdaman ko no'ng umagang iyon. Pinaghalong excitement at happiness na hindi ko matukoy kung bakit.
Habang ang mga kasabayan ko ay nagmamadaling umaakyat sa hadgan patungo sa MRT station ng Cubao, ako naman ay parang naglalakad sa mga ulap. Deadma lang ako sa mga tao na kung makahawi sa akin ay halos masadsad na ako sa pader.
It was a brand new day for me. Dahil sa unang pagkakataon ay hindi ako nagsuot ng headband at hindi ako nagpusod ng buhok. Suot ko ang nahalbat kong T-shirt ng kapatid ko; over sized shirt na may naka-print na I <3 K-Pop at tight blue faded jeans.
Kalimitan na ay iniiwasan ko talaga ang sumakay ng MRT lalo na kung hindi rin naman ako nagmamadali. Ang dami kasing walang modong pasahero. Maraming pagkakataon na akong nagsungit sa mga walang pakundangan at ungentleman na mga pasahero. Karamihan ay hindi inaalintana na isa akong babae na kung gitgitin, balyahin at ipagtulakan nila para lamang makapasok kaagad sila sa train ay ganoon na lang. Kaya paglabas mo mandirigma ka na.
Puno ng pananabik at kalituhan ang pagkatao ko ng araw na iyon. Ni hindi ko naramdaman ang nagdaang kinse minutos na ipinila ko sa pagbili ng train pass.
Wala pang train nang makarating ako sa platform ng estasyon. But I didn't mind. Umalis ako nang maaga upang masigurado ko na hindi ako mali-late. Kahit na ba apat na oras lang ang itinulog ko dahil napuyat ako kase-search at kapapanood sa Youtube ng mga music video ni Sir.
Maging ang mga variety shows na na-guest ito ay pinanood ko rin. May mga napanood pa akong mga cute na CF nito.
I became an instant fan.
Sabi ni Love ay member ito ng fan club ni Sir sa Pilipinas. Magpa-sign up kaya ako? I rolled my eyes, mocking myself.
Naglakad ako patungo sa female area nang mapahinto ako sa paghakbang sa nakita ko. Ibinaba ko ang salamin ko sa mata ng ilang sentimetro mula sa ilong at napadako ang tingin ko sa malaking billboard ng isang sikat na clothing line na nakikita sa labas ng estasyon.
Nakatayo ang billboard sa bandang Araneta. Binilisan ko ang paglalakad upang tiyakin kung tama ba ang nakikita ko na model sa billboard.
And there he was... si Sir... smiling that gorgeous smile. Lalong naningkit pa ang singkit na nitong mga mata sa mahabang ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Sa pisngi ay ang cute na mababaw na dimple. He looked so sweet and boyishly handsome.
Nakatitig lamang ako sa billboard. Feeling ko ba ay sa akin lamang nakatuon ang tingin ni Sir doon. Na kahit saan ako humakbang ay hindi naaalis ang tingin nito sa akin.
Sa unang pagkakataon ay natitigan ko ito na walang halong takot na mahuli nitong nakatingin ako.
Hindi ko alam kung kailan pa nakatayo ang billboard na iyon at kung bakit noon ko lamang iyon napansin sa unang pagkakataon. Pero mukhang matagal nang na-shoot ang billboard dahil mahaba pa roon ang buhok nito. Ang dulo ng buhok nito ay umabot pa sa likod ng collar ng suot nitong T-shirt at halos natatakpan ang mga tainga nito.
"Miss..." Kinalabit ko ang kung sinomang babae sa unahan ko na kaagad naman akong nilingon. "Matagal na ba 'yang billboard na 'yan diyan?" tanong ko na hindi inaalis ang tingin sa billboard.
"Matagal na," naiilang na sagot ng babae na agad akong tinalikuran at nagbigay kaagad ng distansiya sa pagitan namin.
I suddenly wished na huwag munang dumating ang train. Gusto ko lang munang manatili roon. Sa ilalim ng tingin at ngiti nito.