Bakit Ikaw Pa?

4.8K 48 3
                                    

Bakit sa dinami rami ng maaari kong makasalubong sa aking paglalakad, bakit ikaw pa? Ikaw na siyang nagpangiti sakin nung umpisa. Ikaw na siyang nagparamdam sa akin ng walang kwentang pagmamahal, nagpatunay saakin na hindi totoo ang magpakailan pa man, bakit ikaw pa?
Bakit sa dinami rami ng maaari mong gawin noong unang makasalubong kita,bakit ngumiti ka pa? Mga ngiti mong napakaganda,na siyang nagbibigay lakas at enerhiya sa aking nakakatamad na umaga. Mga ngiti na nagbibigay liwanag sa makulimlim na gabi. Ngiti na nagpapainit sa puso kong naninigas na sa lamig satuwing sasapit ang hating gabi, bakit ngumiti ka pa?
Bakit sa dinami rami ng maari mong sabihin noong muli tayong magkita, bakit sinabi mo pa na "mahal kita"? Dalawang salita na noo'y nagpapangiti saakin satuwing ako'y nalulumbay. Dalawang salita na nagpapalakas ng aking kalooban satuwing ako'y nanginginig sa kaba. Dalawang salita na nagbibigay saakin ng pag-asa satuwing ako'y nadarapa.
"Mahal kita" mga salitang aking pinaniwalaan hanggang sa makita kitang may kayakap nang iba. Init na dala ng mga yakap mong mahigpit, ngayo'y nanlalamig na.
"Mahal kita" mga salitang aking pinaniwalaan hanggang sa nakita kitang hinalikan mo siya. Mga halik ng malasutla mong labi na siyang nagbibigay tamis sa aking buhay,ngayo'y pumapait na.
"Mahal kita" mga salitang aking pinaniwalaan hanggang sa nakita ko kung paano mo siyang tingnan, mga titig na satuwing natutuon saakin ay para akong kandilang unti-unting natutunaw. Mga mata mo na nagsasabing "hindi kita iiwan" ngayon ako'y tuluyan ng nilisan.
"Mahal kita" dalawang salitang lubos kong pinaniwalaan hanggang sa nakita kitang masaya na sa iba.
Wala akong ibang ninais kundi ang makita kang masaya,ngunit masakit,masaya ka na nga pala sa iba. Pero bakit nga ba sakanya ka pa naging masaya? Bakit ikaw pa ang unang bumitaw? Ikaw na unang nagsabi na "mahal kita". Mahal, sa huling pagkakataon,nakikiusap ako sumagot ka,nang sa ganon ay matapis ko na rin itong tula. Hayaan mo, huli na to, pagkatapos, bibitawan na rin kita.

Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon