Sampung Bagay Na Kailangan Matutunan Para Makamove- On

1.9K 15 3
                                    

Una, magiging mahirap sa umpisa. Hindi mo alam kung saan at paano magsisimula pero magtiwala ka,kung nakaya niya, maniwala ka, kaya mo ring kalimutan siya. Gabi- gabi kang iiyak at wala kang magagawa,hayaan mong hugasan ng iyong luha ang sugat na iniwan niya dahil darating rin ang araw na maghihilom at magiging pilat na lamang ang mga ito. Mawawala na ang sakit pero hindi ang marka. Pero wag kang mag alala,ang pilat na iyong dala- dala ang magtuturo sa'yo para mas maging matibay pa.

Pangalawa, alam ko hindi ka pa handa pero kailangan mo matutunang maging handa.Ihanda ang sarili sa mga susunod pang mangyayari. Hindi lang pagluha ang maaring mangyari gabi- gabi, nariyan rin ang pagtatanong na madalas nagsisimula sa "bakit?" at sa "paano kung?". Magtanong ka lang ng magtanong at sa paglipas ng panahon ikaw rin mismo ang makakahanap ng sagot sa mga tanong na nabuo sa mga gabing ika'y pira-piraso.

Pangatlo, wag ka ng umasang babalik pa siya
Dahil ang pinangako niyang tapat at wagas ay tuluyan ng nagwakas at kung mananatili ka pa rin sa iyong kinatatayuan ay mapag iiwanan ka na ng panahon at pagkakataon. Nakausad na ang traffic sa edsa kaya umabante ka na dahil kung di ka pa kikilos ay mahuhuli ka. Huwag mo na siyang habulin pa, tandaan mo hindi ka aso para maghabol sakanya,tao ka.

Kapag nagawa mo ang pangatlo kaya mo na rin gawin ang pang- apat.

Matuto kang makalimot. Alam ko hindi ganon kadali ang kalimutan siya at ang inyong pinagsamahan pero kailangan.Kalimutan mo na ang mga araw na mahalaga sainyo,ang kaarawan ng bawat isa, ang anibersaryo ninyong dalawa at kung anu ano pa. Kalimutan mo na ang mga lugar na dating tagpuan ng mga pusong nagmamahalan dahil ang mga lugar na ito ay tambayan na lamang ng mga nasirang pangako ng isat isa.

Panlima, matuto kang umiwas sa mga bagay na makakapagpaalala sayo sakanya,sa pagmamahal na binigay niya, sa mga pangarap na plinanong bubuuhin ng magkasama dahil kinalimutan ka na niya. Iwasan ng tingnan ang mga bagay na binigay niya kasama na rin dito ang mga litrato ninyong dalawa. Iwasan ng basahin ang mga liham na sinulat niya at ang mga mahahabang text messages niya dahil lalo ka lang masasaktan.

Pang- anim, matuto kang maging bingi sa mga awiting sabay niyong kinakanta noong kayo pa dahil iba na ang nagbibigay musika sa buhay niya. Hindi makatutulong ang mga awiting ito sa pag- usad mo sa halip ay makinig sa musikang sinasambit ng isip,huwag muna sa puso dahil alam mo sa sarili mo na siya pa rin ang sinisigaw nito. Makinig sa mga kantang hindi tungkol sa pag- ibig o pagkabigo, matutulungan ka nito upang paunti- unti siyang mawala sa isip mo.

Pang pito, maging malaya. Palayain ang sarili mula sa pagkakakulong sa rehas ng nakaraan. Palayain ang sarili sa mga pangakong sinumpaan. Maging malayang gawin ang mga bagay na sa tingin mo'y makakapagpasaya sa'yo. Matuto ka ng mabuhay ng mag- isa, malayang gawin ang kahit na ano, lumandi dito, lumandi doon, pero huwag ka munang mahulog. Higit sa lahat, palayain mo na siya dahil matagal ka na niyang binitawan.

Pagkatapos nito ay magagawa mo na ang pangwalo.

Ngumiti ka, ngitian ang problema. Huwag mong hayaan na lamunin ka ng sistema. Huwag mong hayaan ang problema na sirain ang buhay mo. Tandaan mo na lahat ng bagay na nangyayari sa mundo ay may dahilan. Tandaan mo na may mga bagay na nawawala sayo dahil hindi sila nakalaan para sa'yo. Kapag may nawala may darating na bago na mas maganda at mas magpapatibay sayo at sa pagkatao mo.

Pang siyam, mahalin mo muna ang iyong sarili bago muling magbigay ng pagmamahal sa iba. Dahil sabi nga nila, hindi mo maibibigay ang anumang bagay na wala ka. Marahil isa ito sa naging dahilan kung bakit siya nawala. Maging masaya ka, lumabas ng mag- isa o kasama ang mga baliw na barkada. Maging masaya ka dahil masaya na siya sa iba. Tanggapin mo ng nasa ilalim na siya ng bisig ng iba at maging masaya ka na para sakanya.

Kapag nagawa mo simula sa una hanggang pang siyam, kayang kaya mo ng gawin ang pang sampu.

Bumuo ng mga bagong pangarap ng mag- isa. Matuto kang bumangon ng mag- isa, tanggapin mo na wala na siya at hindi na siya kailanman babalik pa. Bigyang pansin ang magagandang bagay sa mundo,tulad ng pagsikat at paglubog ng araw, mga kaibigan mong baliw na laging nandiyan para pasayahin ka at sa lahat ng tao na binibigyan ka ng halaga. Darating rin ang taong nakalaan para sa'yo, ang taong ibibigay ang pagmamahal na higit pa sa naibigay niya noon sa'yo.

Kapag nagawa mo ang sampung bagay na ito, hindi man ngayon, pero sa darating na panahon, makakaya mong makamove on. Magiging totoo na ang mga ngiti at tawa mo. Mawawala na ang lungkot at galit sa puso mo. Magiging makulay na ang mundo mo at higit sa lahat, makikita mo ang tunay na halaga mo.Tandaan mo, kaya mo magmove on.

-------------------------------------------------------------------------------------

I dedicate this piece to erickato thank you sa votes :) :* and sa mga nagbabasa nito.thank you din po :*

Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon