Kaiden
Matindi ang sikat ng araw, mabuti na lang nasa lilim sila Kaiden kasama ang mga kalaro niya. Mabigat ang paghinga niya dahil sa simoy ng hangin. Tumatagaktak ang pawis niya, ginamit niya ang likuran ng kamay niya pamunas dito.
Umaasa ang tingin ng mga kakampi niya, nagdadasal na sana manalo sila. Habang ang kabilang grupo naman ay hindi maintindihan ang itsura, nananalangin na sana magkamali si Kaiden.
"Ten! Twenty! Thirty! Fourty!..." patuloy na bilang ng mga kakampi at kalaban niya. Mabilis ang tibok ng puso ni Kaiden habang tumatalon sa chinese garter, humihingal.
Huminga siya ng malalim, sinukat ang taas ng garter mula sa lupa, at bumwelo sabay tumalon.
Maswerte si Kaiden na pinanganak siyang parang sawa na madaling galawin ang katawan dahil kung hindi, baka nabali na ang buto niya sa likuran.
"One hundred!" sigaw niya at ng mga kakampi niya nang natalon niya ang garter papunta sa kabila.
Tumalon si Kaiden habang pumapalakpak, tuwang tuwa siya.
"Ang galing ng mother natin! Buti si Kaiden!" saad ng isang babaeng kalaro niya.
"Sobra! Sana kasing galing din kita Kaiden!" ika naman ng isa pa.
"Mga bakla, 'wag kayong mag-alala dahil parating nasa akin ang korona," sabi niya sabay wagayway ng kanyang palad na parang Miss Universe. Ang hirap maging maganda, isip niya. "Hangga't nasa team ninyo ako, tayo ang mananalo."
"Yay!' yinakap siya ng isa pang kakampi niya.
Nang lumingon naman si Kaiden sa mga kalaban nila, nakabusangot ang mga ito at matulis na nakatingin kay Kaiden.
"O' e, ba't ganyan mga tinginan ninyo? Mga balagong!" pang-aasar niya sa mga ito.
"Talaga ba? At least hindi adik tatay ko kagaya nang sa'yo!" wika ng isang babae na mayroon pang muta.
"Aba, baklang 'to, dinamay ko tatay mo?" pagtataray niya dito. Humakbang siya palapit dito na nakatingala at taas ang isang kilay.
Hindi nakasagot ang kaaway niya.
"Ano?" pagdiin niya dito.
"Bakla!" sigaw nito sa mukha niya sabay takbo palayo sa kanya. "Masunog ka sana sa impyerno!' sigaw pa nito muli. Bumuntot naman ang mga alipores nito hanggang sa nagsialisan na ang lahat.
"Mamatay kana at ang buong pamilya mo!" sigaw ni Kaiden dito pabalik. "Na-stress ako, need ko na magretouch," wika niya sa mga kakampi niya.
"Inang Reyna, hindi ka dapat na stress sa mga bagay na 'yan, matatanggal ang beauty mo niyan," saad ng isa sa mga alagad ni Kaiden na nakahawak sa kanan na braso niya.
Narindi siya sa sinabi nito, tumingin siya dito at tinaasan ng kilay. "Anong matatanggal? Hindi natatanggal ang kagandahan kong ito."
"A-ay, patawad inang Reyna," paghingi nito ng tawad.
"Tinatanggap ko ang iyong paghingi ng tawad, tayo'y maglakbay na sa mundo ng encantadia o ang tinatawag din ng mga mortal na aking tahanan." Pakiramdam ni Kaiden siya si Amihan at hawak niya ang birlyante ng hangin.
Rumampa siya patungo sa iskinita ng kanilang lugar habang nasa likuran niya at nakasunod ang mga kalaro niya. Kumunot ang ilong ni Kaiden nang makaamoy siya ng masangsang na amoy, ngunit hindi na siya umalma dahil madalas niyang maamoy ang mga ganitong bagay dito sa Baseco compound sa Tondo Maynila. Kopong-kopong ang kadalasan ang mga tirahan dito at mga pinagtagpi na yero at lumang kahoy. Ganoon din ang tirahan nila Kaiden, sa pinaka dulong iskinita sila nakatira dahil mas liblib doon at ito ang gusto ng tatay niya.
BINABASA MO ANG
DYOSA (TRANS)
General FictionMarcus feels alone. Wala siyang kaibigan at pamilya. Tahimik lang niyang sinusubukang lampasan ang araw-araw. Madalas kinukulong ang sarili sa loob ng condo, nilalayo ang sarili sa ingay ng mundo. Ang akala niyang paulit-ulit na daloy ng buhay niya...