Kaiden
Pinagmamasdan ko ang mukha ni mama na natutulog. Mahimbing ang tulog niya at nakakasigurado akong dahil na rin sa gamot para maiwasang maramdaman niya ang sakit na naramdaman niya matapos na mabangga ng tricycle. Ang nabanggit sa akin, namamalengke daw sila ni papa nang biglang may humarurot na tricycle sa kalsada na nagpagewang-gewang hanggang sa maabutan sila sa gilid habang naglalakad.
Ang sabi pa, nawalan daw ng preno ang motor kaya ganoon na lang ang nangyari. Madami ding nabangga pero si mama ang pinaka napuruhan.
Ang sabi sa akin ng doktor, kinailangang operahan si mama sa balakang dahil nabali ang buto niya doon. Dahil na rin daw sa katandaan ni mama at menopause na siya, naging mapurol na ang buto niya kaya madaling nabali ito. Kailangan daw magpahinga ni mama ng ilang buwan at nagkaroon din siya ng major na operasyon sa balakang niya dahil nilagyan ng bakal para maiwasang mawala sa porma ang mga buto. Madami ding kailangang inumin si mama na maintenance at gamot para hindi niya maramdaman ang kirot at maiwasan ang impeksyon.
Marinig ko pa lang ang mga ito, pakiramdam ko nanghihina na ako. Naaawa ako kay mama, ang makita ang mukha niya ngayon na mapayapa ay buo na ang pagpapasalamat ko. Mabuti na lang rin at hindi siya ganon na apektuhan na nagdulot ng mas malalang bagay.
Hindi ko na yata makakaya yon.
Mabuti na lang naidala si mama sa magandang hospital dahil nabigyang lunas kaagad ang mga pangangailangan ni mama. Wala na akong pakialam kung magkano ang gagastusin namin dahil handa akong ilabas lahat para lamang maligtas si mama. Wala na akong pakialam sa sarili ko basta alam kong makakasama ko parin siya.
"Ma, pagaling ka agad ah," sabi ko sa kanya kahit pa alam kong hindi niya ako naririnig. Sinuklay ko ang buhok niya habang pinagmamasdan ko siya.
Bumukas naman ang pinto ng kwarto ng hospital ngunit hindi ako lumingon kung sino ang pumasok. Nakatitig parin ako sa mukha ni mama, natatakot na baka may biglang mangyari.
Hindi naman kaagad nagsalita ang pumasok, naramdaman ko lang ang presensya niya na lumapit sa akin. Hindi ako nagreklamo ng hawakan niya ako sa parehas na balikat, sinusubukang bigyan ako ng comfort sa mga nangyayari. Kahit pa hindi siya nagsasalita, nakakasigurado akong si papa ito. Kahit gaano pa ako kagalit sa kanya, hindi ko na kayang magbuhos ng nararamdaman ngayon. Walang tigil ang sunud-sunod na mga pangyayari, unti-unti na akong napapagod. Kaunti na lang, baka sumuko na ako.
Dahil sa hawak sa akin ni papa, nakaramdam ako ng lungkot. Lumabas ang luha sa aking mga mata at sinubukang pakalmahin ang sarili. Ngayon lang muli bumuhos sa akin ang mga problema. Wala akong ideya kung papaano na lulutasan ang mga ito.
Makaraan ang ilang minuto, tumigil na ring bumuhos ang mga luha ko. Umupo ako ng maayos at lumingon kay papa. Nakaupo na siya sa libreng upuan malapit sa amin. Malungkot ang mukha niya habang nakatitig kay mama. Gusto kong magalit sa kanya pero wala na akong lakas talaga dahil na rin siguro wala pa akong tulog at sinisigawan na ako ng katawan ko na magpahinga.
Ngumiti si papa ng malungkot nang mapansing nakatingin ako sa kanya. Sinubukan niya ding abutin ang kamay ko na iniwas ko naman. Hindi porket nangyari ito kay mama, kukunin niya ang oportunidad na ito para maging tatay sa akin.
"Kaiden, anak," panimula niya. Hindi ako tumugon bagkus sinuporta ko ang aking baba sa may higaan ni mama. "Hindi ako pinakulong ng mama mo."
Nabigla ako sa sinabi niya pero hindi ko sinubukang magsalita. Anong mapapala ni papa kung sasabihin niya ito sa akin? Anong mapapala ko kung makikinig ako sa sasabihin niya?
"Pero ikaw ang pinili ng mama mo," tuloy niya pa. "Ikaw ang pinili ng mama mo ng ilang milyong beses dahil mas mahalaga ka para sa kanya kaysa sa akin. Sa isang rehabilitation facility niya ako pinadala para malinis ang kagaya ko na may problema sa droga. Alam kong hindi mo ako mapapatawad dahil sa mga ginawa ko sa inyo. Ngunit anak...nagbago na ako. Sa maniwala ka man o sa hindi. Nagbago na ako. Tinanggal ko na ang lahat ng bisyo sa katawan ko. Kahit pa huli na ang lahat, gusto kong makabawi sa inyo bilang ama mo. Nakapag-usap kami ng mama mo bago ako umuwi sa bahay, ilang mura din ang natanggap ko mula sa mama mo."
BINABASA MO ANG
DYOSA (TRANS)
General FictionMarcus feels alone. Wala siyang kaibigan at pamilya. Tahimik lang niyang sinusubukang lampasan ang araw-araw. Madalas kinukulong ang sarili sa loob ng condo, nilalayo ang sarili sa ingay ng mundo. Ang akala niyang paulit-ulit na daloy ng buhay niya...