10

4.4K 217 47
                                    

Nakatitig si Kaiden sa pader ng kwarto niya habang nakaupo sa kama niya.

Madaming tumatakbo sa isipan ni Kaiden lalo na’t kailangan niyang makapagdesisyon ng maayos dahil para din ito sa kaniya. 

Ilang beses sinubukan unawain ni Kaiden ang sinabi ng nanay niya. Nagkaroon ito ng lakas ng loob upang ipakulong ang tatay niya. Naisip ni Kaiden, siguro masyado nang napuno ang nanay niya kaya nito nagawa. May bahagi ng utak ni Kaiden na naawa siya sa tatay niya ngunit sinubukan niya itong labanan dahil para sa kanya, ito ang nararapat dito. Upang matuto sa mga ginagawa at maranasan ang himasin ang rehas.

Sa tingin ni Kaiden ito rin ang huling paraan upang magtino ito. 

Sana nga lang may magandang epekto itong pagkakulong ng tatay niya. 
Mabigat ang paghinga ni Kaiden at tanging ang tunog ng electric fan sa tabi ng kama niya ang naririnig niya. 

Okay lang ba talagang umuwi na siya sa kanila at iwan si Mamang Teresa?

Matapos ang dalawang taong pamamalagi niya dito? At pagtulong nito sa pagkamit ng pagiging totoong babae niya?

Halos mapatalon sa kinauupuan niya si Kaiden nang biglang may kumatok sa pinto. 

“Kaiden, anak?” rinig niyang pagtawag sa kanya ni Mamang Teresa sa kanya. Nakakagaan ng loob na marinig ang boses nito matapos ang ilang oras na pag-iisip. 

Ngunit hindi parin nakakahanap ng sagot si Kaiden. 

“Pwede ba akong pumasok?” tanong muli ni Mamang Teresa mula sa kabilang bahagi ng pinto. 

Bumuntong hininga si Kaiden bago sumagot dito. 

“Yes, Mamang,” maikling tugon niya dito. 

Bumukas naman ang pinto at iniluwa nito ang naging magulang ni Kaiden sa loob ng dalawang taon. Bagong kulay ang buhok nitong pink kaya wala kang makikitang puting buhok sa tuktok ng ulo nito. Nakalugay at hanggang balikat. Sa mukha nito, nakapaskil ang pinakapaborito ni Kaiden na nakikita sa tuwing umuuwi siya dahil pakiramdam niya ligtas siya. Ito ang nagbigay ng bubong sa kanya sa panahong wala siyang matutuluyan, ito ang nagpakain sa kanya sa tuwing gutom siya, at ito ang magulang niya sa panahong walang nandyan para sa kanya. 

Hindi kaya ni Kaiden na iwan ito ng basta-basta dahil malaki ang utang loob niya dito. 

Kaya napagdesisyonan niyang hindi siya aalis. 

Ang nanay niya pinili ang tatay niya noong panahong inaapi siya nito at ninakawan. Hindi kailangan ni Kaiden na mamili pa at timbangin kung sino ang mahala dahil si Mamang Teresa ang unang pipiliin niya. 

Umupo sa tabi ni Kaiden si Mamang Teresa at hinawakan siya nito sa ulo na parang isang paslit. Pinagmamasdan siya nito na para bang kinakabisado ang itsura niya. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi habang patuloy sa paghawak sa nakalugay na buhok ni Kaiden. 

“Napakalaki ng pinagbago mo sa loob ng dalawang taon,” ika ni Mamang Teresa. “Babaeng-babae kana, anak,” dagdag pa nito na nagpangiti kay Kaiden. 

“Hindi mangyayari ito Mamang kung wala ka. Sigurado ako kung hindi ko napagdesisyunang umalis doon sa amin, hindi ako nakapag-aral sa gusto kong unibersidad at hindi ko mabibigyang pansin ang transition ko from boy to girl,” tugon niya dito.

DYOSA (TRANS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon