"BAWAL sa batas ang ginagawa mo, Bernadette."
Lumingon siya sa pinanggalingan ng tinig at maang na tumitig sa kasamahang si Roxanne. "What?"
"Ang sabi ko, bawal as in bawal 'yang pagpapabayang ginagawa mo sa katawan mo. Bawal sa batas ng katawan ang magpakamatay sa gutom dahil sa trabaho." Naupo ito sa stool na nasa tabi niya at saka tinunghayan ang screen ng computer na nasa kanyang harapan. "Kailan kaya kita daratnang nagpi-Facebook o naglalaro ng computer games dito?"
Napailing siya. "Roxanne, una sa lahat ay hindi ako marunong niyan. Pangalawa, wala akong tiyagang pag-aralan ang mga iyan at pangatlo—"
"Oras ng trabaho kaya hindi mo ginagawa?" putol ng kaibigan sa kanyang sinasabi.
"Alam mo naman pala eh."
"Hoy, FYI lang, hindi lang isa o dalawang tao ang gumagawa ng ganoon, Bernadette! Halos lahat na ng empleyado sa mundo ay nagpi-Facebook kahit pa oras ng trabaho. I don't see anything wrong with that as long as you are performing your duties and responsibilities."
"Oh, bakit defensive ka? Wala naman akong sinasabi," nakatawa niyang puna rito. Tumayo siya upang magsubo ng papel sa printer. Nang ready na iyon ay saka siya muling naupo sa harap ng computer.
"Hindi ha. Sinasabi ko lang sa iyo na puwede mo iyong gawin. Makakatulong rin iyon sa trabaho mo dito. Alam mo na, ang mga tao ay nabubuhay sa impluwensiya...contacts at social networks ang papasukin mo para maka-penetrate sa mundo nila."
"Pero wala naman ako sa marketing kaya hindi ko kailangan iyan. Sa'yo siguro, helpful ang mga ganyan."
Nagkibit ng balikat ang dalaga. "Kumusta na nga pala si Andrew?"
Sinulyapan niya si Roxanne bago sumagot. Ang totoo ay iyon ang dahilan kung bakit hindi niya namalayan ang oras. Nasa isip niya kasi si Andrew at nag-aalala siya para dito. "Maayos naman siya. Iyon nga lang, hindi ko na alam kung paano pa kami tatagal sa bahay ni Tiyang Helena."
"Bakit naman kasi ayaw mo pang bumukod, eh. Alam mo naman ang ugali ng mga pinsan mong nagmana sa bruha mong tiyahin. Kung puwede nga lang kitang isama sa amin."
"Nakakahiya naman sa mga magulang mo kung dadagan pa kaming mag-ina sa inyo. Ang mahalaga ay may natutuluyan kaming mag-ina. Huwag kang mag-alala sa ugali ng mga kamag-anak ko dahil kayang-kaya ko namang pakibagayan ang mga iyon."
"Dahil kumikita ka at tumutulong sa kanila. Paano kung magkasakit ka sa ginagawa mo at wala na silang mapala sa iyo? Paano na?"
Hindi siya sumagot sa puntong iyon. Totoo naman ang sinasabi ni Roxanne pero wala naman siyang pagpipilian. Wala siyang magagawa kundi ang magtiis sa bahay ng tiyahin niya lalo pa at madalas nitong isumbat na ito ang nagpaaral sa kanya.
Nagsimulang maging komplikado ang buhay niya nang hindi tuparin ni Leandro ang pangako nito. Asang-asa siyang babalik ito upang pakasalan siya pero hindi nangyari iyon. Nakatanggap siya ng tawag buhat sa ina ng nobyo at sinabi nito nang malinaw sa kanya na hindi na babalik ang lalaki. Hindi na raw nito tatapusin ang tatlong araw na pananatili sa Davao dahil papunta na raw doon ang babaeng totoong pakakasalan nito. Hindi raw magtatagal ang dalawa dahil kailangang lumipad ng mga ito pa-Australia upang doon tuluyang manirahan.
She wouldn't forget the kind of pain that slashed her heart that time. Pakiwari niya ay literal na hinati ang kanyang puso sa maliliit na piraso sanhi ng sobrang sakit. Maiintindihan niya ang mama ni Leandro pero hindi ito. His mom never showed any sympathy in her. Hindi siya umaasang makakasumpong ng kahit kaunting amor dito pero bakit pati si Leandro? Hindi niya maintindihan kung paanong isang araw lang ang nakalipas at nagbago na agad ang isip nito.
Nangako ito sa kanya. Ang sabi nito ay hindi siya iiwan. Hindi raw siya nito pababayaan maging ang kanilang anak pero hindi nangyari iyon. Hindi na ito nagbalik pa at ang isang maikling tawag na iyon sa telepono ang naging huling pag-uusap nila.
Kaya pala ang sabi nito ay may sorpresa sa kanya. Iyon na pala ang sorpresang sinasabi nito. At totoo namang nasorpresa siya dahil sa sunud-sunod na paghihirap at sakit na dinaanan niya nang mga panahong iyon. Muntik na siyang makunan nang araw na tawagan siya ni Mrs. Imperial. Agad siyang isinugod ng kanyang ina sa ospital at suwerteng hindi napahamak ang kanyang sanggol. Pero hindi doon natapos ang lahat dahil hindi pa man nakalalabas ng pagamutan ay inatake naman sa puso ang kanyang mama. Sinubukang i-revive ng doctor ang buhay nito pero ilang sandali lang ay idineklara na itong walang buhay.
Mula noon, ang natitira niyang kaunting pag-asa para sa kanila ni Leandro ay tuluyan nang naglaho. Kung may damdamin man siyang natira para sa lalaki ay walang iba iyon kundi galit. Galit at pagkasuklam dahil sa mga kasalanan nito. Niloko siya nito at pinaasa. Ginawang tanga. Ito rin ang dahilan ng maagang kamatayan ng mama niya at muntik na ring mawala sa kanya ang kanyang anak dahil sa pangyayaring iyon. Ah, paano ba niya maaalis ang galit sa dibdib sa nakalipas na tatlong taon?
"Bernadette? Okay ka lang ba, friend?"
Mabilis na nagbalik sa kasalukuyan ang isip niya. Nakatunghay na pala si Roxanne sa kanya at tila naghihintay ng kung ano ang anyo nito. "Ano nga iyon?" tanong niya.
"Ang sabi ko, sasabay ka bang lumabas sa akin o hindi ka na naman magla-lunch?"
Umiling siya. "May baon ako. Sige, mauna ka na," pagsisinungaling niya. Nang tuluyang makalayo ang kaibigan ay saka siya napailing sa sarili.
BINABASA MO ANG
Because Heart Never Forgets
RomanceIsang kuwentong tungkol sa dalawang taong nagmamahalan na pinaglayo ng masakit na biro ng tadhana...