ANG kabang nadarama ni Bernadette kanina ay unti-unting tila nabuhusan ng yelo. Ang sabi ni Mrs. Raymundo ay alas nueve sila magkikita ng asawa nito pero halos alas-diyes na ay wala pa rin ang lalaki. Sa restaurant din kung saan sila nagkita ni Mrs. Raymundo ang lugar na itinext sa kanya ni Esme.
Tinawag niya ang isang waiter at humingi pa siyang muli ng iced tea. Ikatlo na iyon mula kanina. Siguro, kapag naubos na niya ang laman niyon ay magdedesisyon na siyang umuwi. Hindi madaling maghintay sa loob ng mahabang oras para sa isang taong ni hindi naman niya alam kung darating. Ni wala siyang text o tawag na natatanggap buhat dito.
DANIEL tapped his fingers vigorously on the steering wheel. Hindi niya alam kung susundin ba niya ang sinabi ni Hasmin na makipagkita sa babaeng binayaran nito para bigyan silang mag-asawa ng anak. Kung siya ang masusunod ay ayos lang kahit hindi na. Kung maaari nga ay naka-blindfold ito sa oras na isagawa nila ang plano. Ang kaso, hindi naman maaari dahil taliwas iyon sa gusto ng kanyang asawa.
Mula sa kotseng sinasakyan ay kitang-kita niya sa tinted na salamin nito ang kinaroroonan ng babaeng nagngangalang Bernadette Polintan. Maganda ito at maputi bagaman hindi kataasan. Alam niyang naiinis na rin ito kung ang pagbabasehan ay ang ilang beses nitong pagtingin sa relong pambisig at pagkalukot ng mukha nito pero hindi talaga siya magkaroon ng lakas na harapin ang babae.
Hindi nagtagal ay tumayo na ito at saka lumabas. Ngayon ay mas nakikita niya ito nang malapitan habang nakatayo sa main door ng restaurant. A particular scene suddenly flashed in his head. May isang babaeng nakatayo sa malayo pero nakangiti itong kumakaway sa kanya. He felt a vigorous heart beat in his chest. Pakiramdam niya ay napakatagal niya itong hindi nakita at nasasabik siyang mayakap ito at mahagkan.
Napadilat siya nang sumulpot sa imahinasyon niya ang asawa. Si Hasmin ba ang babaeng iyon? Bakit hindi yata gayon ang pakiramdam niya? Namalayan na lang niya ang sariling nakatitig nang mataman sa babaeng nag-aabang ng taxi sa harap ng restaurant.
"HINDI siya dumating?" gulat na bulalas ni Roxanne. Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang hindi niya nakilala si Mr. Raymundo.
"Hindi. Sa tingin ko, hindi siya interesado sa plano ng asawa niya. Ano sa tingin mo? Nagkakaindintihan kaya sila?"
"Imposibleng hindi dahil malinaw na narinig ko kay Esme na magkatabi pa ang mag-asawa nang ibigay sa kanya ang paunang bayad sa iyo. Ang tanong, bakit nga hindi dumating ang taong iyon?"
Nagkibit siya ng balikat. "I don't care. Mas mabuti na nga iyon dahil hindi ko rin naman siya gustong makita. Tama lang na hindi siya dumating."
"Pero tama rin si Mrs. Raymundo nang sabihin niyang kailangan munang maakit ang asawa niya sa'yo bago ninyo gawin si Jarred. That way, mapapadali nga naman ang trabaho mo."
Kumunot ang kanyang noo at napalingon siya kay Roxanne. "Sinong Jarred?"
"'Yung baby ninyo ni Sir Daniel."
Daniel pala ang pangalan niya.
"Nasisiraan ka talaga, Roxanne. Sino naman ang nagsabi sa iyo na puwede nating pakialaman ang pangalan ng bata? Ni hindi ko nga siya puwedeng makita paglabas niya." Natigilan siya, tila noon lang din niya na-absorb sa sarili ang kahulugan ng sinabi.
"Ows? Ikaw ang nanay eh 'di siyempre, kailangan ka ng anak mo paglabas."
"Ako ang nanay biologically, pero sa lahat ng aspeto ay hindi ako ang ina. Baka nakakalimutan mong isa lang akong bayaran dito, friend." Iniiwas niya ang tingin at nagkunwaring abala sa pagta-tally ng figures sa computer.
BINABASA MO ANG
Because Heart Never Forgets
RomantizmIsang kuwentong tungkol sa dalawang taong nagmamahalan na pinaglayo ng masakit na biro ng tadhana...