"TOTOO ba ang sinasabi mo, Berna?"
"Hindi ko puwedeng gawing biro ang tungkol sa ama ng anak ko! Hindi ko alam kung bakit kailangan pa naming magkita pagkatapos ng lahat!"
Napailing si Roxanne. Nakabadha sa anyo nito ang matinding pagkabigla.
"Hindi ako makapaniwala. Paanong nangyaring si Mr. Raymundo at ang dati mong nobyong si Leandro ay iisa? Bakit? Bakit hindi na siya umuwi ng Maynila noon? Bakit kailangan niyang magpalit ng pangalan? At ang pinakamatinding bakit, bakit patay-malisya siya nang nagkaharap kayo?"
"Mas maraming bakit ang nasa isip ko, Roxanne. May record ako kay Esme at alam nating pareho na nasa kanila iyon. May picture ako doon at nakalagay din ang tungkol kay Andrew. Wala ba siya kahit kaunting konsensiya at nagawa pa niya akong tanggapin sa kalokohan ng asawa niya?"
"Bernadette..."
"Bakit hindi na lang iba? Bakit kailangang ako pa, Roxanne? Bakit kailangang buhayin na naman niya ang sakit na nadama ko noong tila ako basahan na itinapon na lang niya sa kung saan?""Hindi mo malalaman ang mga sagot sa tanong na iyan kung hindi mo siya kakausapin."
Mabilis siyang napailing. "No. Hindi ko siya kakausapin tungkol sa bagay na iyan. Kung gusto niya ng laro ay ibibigay ko iyon sa kanya. Kung ayaw niya kaming kilalaning mag-ina ay dapat rin niyang malaman na matagal na siyang patay para sa amin ni Andrew."
"Sigurado ka ba?"
Tumango siya at saka niya hinawakan sa kamay si Roxanne. "Ipangako mo sa aking wala kang ibang pagsasabihan ng tungkol dito...kahit pa si Esme."
"Promise," malungkot nitong sabi. Bakas sa anyo ang pakikisimpatya sa kanya.
Mabuti pa ang ibang tao, nakadarama ng awa para sa kanilang mag-ina. Samantalang ang lalaking nagdulot ng ibayong sakit sa kanya ay nakakatulog nang maayos at nakapamumuhay ng maalwan. Iyon ay sa kabila ng paghihirap ng kanyang anak na kasalukuyang nasa ospital. Nang maisip niya si Andrew ay dumoble ang poot na nasa dibdib niya para sa ama nito.
MALAKAS ang tahip ng dibdib ni Bernadette. Ngayon ang first meeting nila ni Leandro o Daniel. Personal siyang tinawagan ni Mrs. Raymundo para ipaalala iyon sa kanya. Napahugot siya ng buntong-hininga. Nang nagdaang gabi ay hindi siya nakatulog sa pag-iisip ng tungkol sa lalaki. Paano niyang tutuparin ang mga kasunduang nakasaad sa kontrata kung ganitong nagsisimula pa lang ay hindi na siya matahimik?
"Sorry, I'm late."
Lumipad ang tingin niya sa lalaking nakatayo sa kanyang tabi. Napatayo siya at agad na itinuro ang katapat na upuan. Nautal pa siya sa pagsasabi niyon.
"Pasensiya ka na. I was trapped on a traffic," wika nito na pilit na naman ang ngiti. Marahil ay tama si Roxanne, napilitan nga lang itong sumunod sa gusto ng asawa.
"Ayos lang," maikli niyang tugon habang nakayuko.
"Lagi na lang kitang pinaghihintay, nakakahiya na sa'yo."
Noon siya nag-angat ng mukha upang salubungin ang mga tingin ng lalaki. "Oo nga. Lagi mo na lang akong pinaghihintay," makahulugan niyang sabi.
He cleared his throat before he got the attention of one of the waiters.
"Choose anything you like," wika nito nang iabot sa kanya ang menu.
BINABASA MO ANG
Because Heart Never Forgets
RomansaIsang kuwentong tungkol sa dalawang taong nagmamahalan na pinaglayo ng masakit na biro ng tadhana...