Darating Din ang Bagong Pag-asa

68 1 0
                                    

Nasa ikatlong taon noon sa elementarya si Shiela nang umalis ang kaniyang ama na si Mang Pedring, patungo sa Saudi. Ayaw sanang umalis ng kaniyang ama, subalit hirap na rin ng buhay ang nagtaboy dito.

Kahit malungkot ang pamilya ni Shiela ay nauunawaan naman nila na ang pag-alis ng ama ay may dalang pag-asa.

Apat silang magkakapatid, dalawang babae at dalawang lalake. Mahirap lamang naman kasi ang kanilang buhay.

Mabuti na lamang at tinulungan sila ng kaniyang Tito Roland; kapatid ng kaniyang ama. Ang Tito Roland niya ang sumagot sa placement fee at nakaalis patungong Saudi si Mang Pedring. Pero bakit ganoon, hindi nagpapadala ng pera ang kaniyang ama? Alalang-alala sila lalo na ang kaniyang Ina.

Lumipas ang ilang buwan, at isang araw ay biglang umuwi ang kaniyang ama.

"Anong nangyari sa iyo"tanong ni Aling Mila, ang ina ni Shiela

Maluha-luha si Mang Pedring nang ito ay magsalita.

"Niloko kami ng ahensiya. Nang dumating ako roon kasama ng iba pa ay wala palang naghihintay na trabaho sa amin. Sinikap naming makahanap ng trabaho, pero pinilit na kaming pauwiin ng agency; kung hindi raw ay irereport at ipakukulong kami. Kaya heto umuwi akong bigo" tuluyan na nga itong napahagulgol.

Niyakap ito ni Aling Mila "Bayaan mo na, ang mahalaga, buhay ka at maayos ang kalagayan. Salamat na rin sa Diyos at nakauwi ka na. Nag-aalala na nga kami ng mga bata sa iyo."

Ngunit may isa pa palang problema. Isang araw ay pumunta ang Tito Roland ni Shiela. Binanggit nito ang pinang-placement fee ni Mang Pedring. Ang akala nila na tulong ay utang pala na may napakalaking interes. Hindi nila malaman ang gagawin, wala naman silang ibang pagkukuhanan ng ipambabayad.

Lumipas ang mga araw at tuluyan nang kinuha ng Tito ni Shiela ang kanilang lupa. Ganoon pa man ay itinira nito ang kanilang maliit na bahay. Iyak na lamang ang kanilang nagawa.

Pagtitinda ng gulay ang kanilang hanapbuhay. Ayos na rin iyon dahil kahit paano ay nakakakain sila nang tatlong beses sa isang araw at nakapag-aaral silang magkakapatid. Kahit ganoon ay masaya ang kanilang pamilya, nagsasama-sama sila sa hirap at ginhawa.

Sa awa ng Diyos ay nakatapos si Shiela sa Haiskul, ganoon din ang isa pa niyang kapatid.

Dahil na rin sa kahirapan sa buhay kaya hindi na nagpatuloy sa kolehiyo si Shiela at ang kapatid niya.

Para makatulong sa mga magulang ay lumuwas sila sa Maynila. Naghanap sila ng trabaho sa mga malls at pinalad na matanggap naman. Ang problema ay hindi naman sila ma-regular kaya palipat-lipat sila ng mall na pinagtatrabahuhan.

Taong 2002 nang dumating ang unang pag-ibig ni Shiela sa katauhan ni Nomer. Mabait ito, naging magkasintahan sila. Dahil na rin siguro sa kapusukan ng kabataan ay nabuntis si Shiela; taong 2004 nang isilang niya ang kaniyang anak na lalaki.

Gusto naman siyang pakasalan ni Nomer, subalit ayaw ng pamiya ni Nomer sa kaniyang pamilya. Kaya walang nangyaring kasal, masakit ang pinagdaanan ni Shiela. Mahirap maging single Mom. Lagi rin niyang naririnig ang panlalait ng kaniyang mga kapit-bahay at iba pang kamag-anak.

"Grabe pala iyong batang iyan, akala mo hindi makabasag- pinggan, malikot din pala."

"Eh kunsintidor naman yata kasi ang mga magulang eh."

Bayaan ninyo, ginusto niya iyan, pangatawanan niya."

Lagi niya iyang naririnig sa mga taong mapanghusga. Subalit ang ipinagpapasalamat niya ay hindi naman siya pinabayaan ng mga magulang. Sinuportahan siya nito at tinanggap. Tinulungan rin siya ng mga ito na alagaan ang kanilang apo.

Isang magandang oportunidad ang dumating. Nakapunta sa Dubai ang kaniyang nakatatandang kapatid para maging Domestic Helper. Mabait ang naging amo nito at ito ang tumulong para makapunta rin si Shiela sa Dubai. Ipinasok siya ng amo ng kapatid sa kaibigan din nito. Masakit para kay Shiela ang umalis at iwan ang kaniyang anak. Pero kailangan niyang gawin iyon, para sa kinabukasan nito.

Naranasan ni Shiela ang hirap ng paninilbihan sa mga Arabo. Gusto ng mga ito na laging malinis. Tinitipid rin siya ng mga ito sa pagkain. Ang isa pang nagpapahirap sa kaniyang kalooban ay yung parang alipin at napakababa ng tingin sa kaniya ng mga amo. Nakapapagod ang maghapong paggawa, ngunit napakababa naman ng kaniyang sahod. Pero uliran si Shiela, maayos niyang ginampanan ang kaniyang trabaho. Minahal siya ng mga bata na kaniyang inaalagaan hanggang sa gusto pa ng mga ito na tumabi siya sa kanilang pagtulog.

Minsan sa isang Linggo ay may dalawang oras naman siyang off. Doon ay pinipilit niyang makabili ng pagkaing pinoy at itatago niya ito sa kaniyang bag. Kapag gabi at tulog na ang lahat ay saka na lamang niya ito kakainin.

Ngunit isang bagay ang kaniyang ikinatatakot. Kapag umaga kasi at naglilinis siya ay nakikita niya ang kaniyang among lalaki na gigising din at maglalakad nang nakahubo. Para bang pilit na ipinakikita sa kaniya ang sandata nito. Natakot si Shiela, kaya nang minsang ginawa nito ulit iyon ay kumuha siya ng kutsilyo at ipinakita ang talas nito. Natakot yata ang kaniyang amo at hindi na nga nito inulit.

Ganoon pa man ay hindi pa rin siya napanatag. Kaya sinabi niya ito sa amo ng kaniyang Ate. Naunawaan siya nito kaya tinulungan siya nitong makapasok sa isang opisina. May mga nakasama siya roong mga Pilipino na naging mababait sa kaniya. Noong una, ang trabaho niya lamang ay parang utusan ng mga empleyado. Tagabili ng kanilang meryenda, taga- photocopy at mga bagay na maaari niyang maitulong.

Dahil na rin sa baba ng suweldo ay nakiusap si Shiela na sa opisina na lamang din matulog para hindi na siya umupa pa ng bahay. Mabait naman ang kaniyang employer, pumayag ito sa hiling niya. Kapag gabi na at wala na ang mga tao ay binubuksan niya ang computer at pinilit niyang matuto. Sa umaga kapag mayroon pa rin siyang hindi maunawaan ay nagpapaturo siya sa mga kababayan at siya naman ay tinuturuan ng mga ito.

Naging napakabilis ng kaniyang pagkatuto at napansin ito ng employer. Ginawa siya nitong receptionist. Patuloy pa rin niyang tinuklas ang mga bagay na hindi niya alam at sa tulong na rin ng computer ay natuto siya. Ngayon ay isa na siyang Executive secretary sa isang opisina sa Abu Dhabi.

Unti-unti ay gumaganda na ang kanilang buhay. Lumipat ng bansa ang kaniyang ate at isa na iyong caregiversa Taiwan. Ang kaniyang kapatid na lalaki naman ay nasa Engineering section sa Robinson's Galeria. Ang bunsong lalaki na lamang ang nasa piling ng mga magulang kasama ang kaniyang anak. Malapit na rin nilang mabawi ang kanilang lupa na inangkin ng kaniyang Tito Roland.

Ang ama ng kaniyang anak ay nagkaroon na rin ng sariling pamilya at may dalawa nang anak. Hindi nga lamang maganda ang balita na kaniyang nasagap dahil naging user at pusher daw ito ng ipinagbabawal na droga.

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw ay napatunayan niya na ang kailangan lamang sa buhay ay pananalig sa Diyos, pagpapatawad na rin sa mga tao na nagpahirap sa kaniyang buhay at kalooban. Samahan na rin ito ng tiyaga at pagtitiis. Dahil kahit ano ang pagsubok sa buhay ay makakayanan ito at malalampasan at darating ang bagong umaga.

Note: Ito ay tunay na kuwento, itinago lamang siya sa pangalang Shiela. Salamat sa aking kaibigan sa pagbabahagi nito at sa pagpayag na ibahagi ang kaniyang kuwento upang kapulutan ng aral at inspirasyon.

The Promise of the WordTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon