Naging matalik tayong magkaibigan pero tulad ng iba, nagsimula rin tayo bilang estranghero sa isa't isa. Nakikita kita araw-araw dahil nasa iisang klase tayo. Naging interisado ako sa'yo dahil sa malabong dahilan, siguro ay iba ka sa lahat, ibang-iba.
Nagsimula tayo... nagsimula akong kilalanin ka sa kakaibang paraan. Hinanap ko kung saan ka madaling maasar, hindi ko alam kung bakit iyon ang naging trip ko. At ikaw nga ang trip ko. Inaasar kita halos araw-araw, at naasar ka naman. Napapangiti ako tuwing makikita kitang maiinis tapos ilang sandali lang ay tatawa ka na para bang sira-ulo at ibabato sa akin ang hawak mong libro na tatama naman sa suot kong salamin.
Gumagaan ang loob ko sa tuwing nakikita ang mala-anghel mong mga ngiti, nakakatanggal ng pagod ang tawa mong musika sa aking tenga.
"Baliw ka talaga." Iyan ang lagi mong litanya sa akin habang ika'y pailing-iling.
Hanggang sa nakapante akong inaasar kita, at sa sobrang napanatag ako bigla ko na lang inagaw ang salamin mo sa mata. Nagulat ka noon kaya bigla mong inagaw ang salamin mo pabalik sa iyo, kaya lang nasira ito. Nanalo ako, naasar kita at nainis ka. Pero hindi ka tumawa, hindi mo rin hinagis ang hawak mong libro bagkus ay padabog kang lumayo sa akin. Nagkamali ako, hindi ko dapat ginawa ang bagay na iyon, hindi na dapat pa akong umabot sa sukdulan.
Lumipas ang mga araw at para bang nagbalik muli tayo sa pagiging estranghero sa isa't isa. Nagkikita tayo araw-araw dahil nasa iisang klase lang tayo, pero parang hindi tayo naging magkakilala kung ituring mo ako. Naisip kong gawing katatawanan ang salamin mong pinagdikit lang ng scotchtape sa gitna ngunit naisip kong baka masaktan ka at lalong lumayo ang loob mo sa akin. Tulad noon, aasarin kita ngunit hindi ka na matatawa, hindi ka na rin maiinis, naging malamig na ang pakikitungo mo.
Isang araw naabutan kitang natutulog sa silid-aklatan, nakatulog ka siguro kakabasa sa mga libro. Kaya naman dali-dali kong kinuha ang salamin mo at tumakbo papalayo. Hindi ito parte ng pang-iinis ko sa iyo, ito ang paraan ko ng paghingi ng tawad sa iyo. Nang makauwi ako sa bahay ay agad akong pumanik sa aking kuwarto at hinagilap ang aking alkansya, binasag ko ito at binilang ang laman. Nang araw ding iyon, nagpunta ako sa pagawaan ng salamin, sinabi kong gusto ko ng salamin na may grado na gaya sa dala ko at gusto kong mas maganda pa rito ang malikha.
Kinabukasan, ibinalik ko sa iyo ang salamin mo. Akala ko ay magagalit ka ngunit hindi pala dahil niyakap mo ako nang mahigpit at humingi ka ng pasasalamat. Napakabuti mong tao dahil tinanggap mo ulit ako sa iyong buhay bilang isang kabigan. Mula nang araw na iyon, tumibok ang puso ko sa iyo. Tibok ng puso na sa iyo ko lang naramdaman.
Dumating ang Disyembre... ang Pasko, ang kaarawan mo, masaya akong nagtungo sa bahay ninyo para ibigay ang regalo ko. Iyong salamin sa mata na pinagawa ko ay ibinalot ko pa sa paraang alam ko na magugustuhan mo. Kilala na ako ng mga magulang mo dahil ilang beses na rin akong nagpabalik-balik sa inyo tuwing magpapaturo ako sa iyong mag-aral. Pagkapasok sa inyo ay agad kitang nakita sa harapan ng isang keyk na may kandila na numerong 18 sa ibabaw. Napansin kong hindi mo na suot ang salamin mo, baka nasira na nang tuluyan. Hindi bale, may kapalait naman na iyon.
Lumapit pa ako sa iyo at ngumiti nang napakatamis. Kakaibang tibok ng puso na naman ang nadarama ko sa tuwing magtatagpo tayo.
"Maligayang kaarawan," masiglang bati ko sa iyo sabay abot ng dala kong regalo.
Napakunot ang noo ko dahil isang ngiti lamang ang isinukli mo sa akin, ni-hindi mo manlang ako tiningnan. Hinawakan mo ang regalo ko sa iyo at binuksan ito. Napapikit ka nang mahawakan mo kung ano ang laman ng kahon na iniabot ko sa iyo.
"Mukhang hindi ko na magagamit ang regalo mo." At umagos ang luha sa iyong mga mata.
Noong una ay naguguluhan pa ako. Tinanong pa kita kung bakit, kung ayaw mo ba? Kung mali ba ang sukat? Pero iba ang sinagot mo.
"Hindi ko na iyan magagamit dahil... dahil hindi na ako makakakita."
Nabasag ang puso ko sa sinabi mong iyon, nanatili akong malakas sa harapan mo kaya hindi ako nagpakawala ng luha ng kalungkutan. Ipinagdiwang natin ang kaarawan mo na para bang wala kang problemang kinakaharap. Humanga ako lalo sa iyo, iba ka talaga sa lahat, ibang-iba. Sa iyong kaarawan ay nawalan ka ng paningin, kasabay nito ang paglaho ng pangarap mo. Kahit na gusto mong magpatuloy sa pag-aaral ay hindi na pwede, walang sapat na programa ang lugar natin para sa mga espesyal na tulad mo.
Pero iba talaga ang hangarin mo, iba ang dedikasyon mo, gusto mong magpatuloy at iyon ang hiniling mo sa akin. Kaya kung dati ay ikaw ang tumutulong ka sa akin, ngayon naman ay ako ang tumutulong sa iyo. Tuwing matatapos ang klase ay nagpupunta ako sa bahay ninyo para ituro sa iyo ang leksyon sa araw na iyon. Binabasa ko rin sa iyo ang mga sulat ng kaklase at guro natin na nangungumusta. Nakakapagod man pero isang ngiti mo lang ay napapawi na ang pagod ko, at dahil sa mga ngiti mong iyan ay ninananais kong magtungo muli sa bahay ninyo sa mga susunod pang araw.
Naging matalik tayong magkaibigan, araw-araw kitang tinuturuan ng mga leksyon, dinadalhan ng pagkain, kakantahan at papatulugin.
Hanggang sa dumating ang araw na nagsawa na ako sa paulit-ulit na nangyayari, ayaw ko na, ayaw ko nang hanggang maging matalik na magkaibigan lang tayo. Mahal kita, mahal na mahal at gusto kong malaman mo iyon. Nagtungo ako sa bahay ninyo, bihis na bihis kahit na alam kong hindi mo naman ako nakikita, may bitbit akong gitara at bulaklak na alay ko sa iyo. Kinakabahan akong umupo sa tambayan natin sa likod ng bahay ninyo habang hinihintay kita.
Ilang sandali pa ay nakita na kitang palakad patungo sa akin gamit ang isang tungkod suot ang ngiti mong nagwalis ng kaba sa aking dibdib. Umupo ka sa tabi ko at natabig mo ang dala kong gitara.
"Ah, para sa'yo." Inabot ko ang hawak kong bulaklak ngunit napatigil ako nang mapansin ang itsura nitong halos masira na dahil sa higpit ng hawak ko. Pero hindi na kita napigilan, nahawakn mo na ang bulaklak kong handog sa iyo.
"Kantahan mo naman ako."
Walang anu-ano ay sinunod ko ang utos mo. Sinimulan ko nang laruin ang bawat nota ng aking gitara at nilapatan ko ito ng liriko na buong puso kong binibigkas. Ito na yata ang pinakamahalagang awit na inalalay ko sa iyo, ramdam na ramdam ko pa ang bawat salita na ibinubuga ng puso ko. Ang kantang ito ang eksatong gusto kong sabihin sa iyo, ang kantang ito na ilang araw kong pinaghandaan.
"Mahal na mahal kita, higit pa sa iniisip mo." Tinapos ko na ang pagkalabit sa aking gitara at tinitigan ang maganda mong mukha. Ang ganda, ganda mong tanawin na kahit na dinaanan ng ilang bagyo ay hindi pa rin nagmamaliw. Ang sarap mong tingnan.
Napuno ng katahimikan ang paligid. Itinabi ko ang aking gitara sa gawing kanan ko at hinawakan ang kamay mo.
"May sasabihin ako sa iyo." Nagulat ako dahil sabay pa tayong nagbigkas ng magkaparehong linya.
"Sige ikaw muna," pagpapaubaya ko.
Sinagot mo ako ng isang ngiti at mabilis na sinunggaban ng yakap, isang mahigpit na yakap. Huminto ang mundo ng mga oras na iyon. Sumasabog ang puso ko sa sobrang saya dahil sa ginawa mo.
"Pupunta na kami ng Maynila, ipapaopera na ang mata ko!" buong sigla mong pagbabalita sa akin.
Nabasag ang puso ko sa ibinalita mong iyon. Pero ano nga bang karapatan kong malungkot sa kaligayahan ng taong mahal ko? Mahal kita kaya mahal ko rin ang makapagsasaya sa iyo. Mahal kita kaya mahal ko rin ang mga mahal mo.
"Ano nga pala ang sasabihin mo?"
Hindi kita sinagot. Walang salita ang lumabas sa aking mga labi. Niyakap kita at kumawala ang inipom kong luha sa aking mga mata. Masaya ako para sa iyo, dahil magkakaroon ka na ng pagkakataong muling makakita, pagkakataon na matupad ang iyong mga pangarap, pagkakataong magkaroon ng pag-asa.
Nang araw ding iyon ay naglayo ang ating mga landas, nilisan mo ang ating lugar at nagtungo sa Maynila. Nang araw ding iyon ay naghiwalay ang ating mga kamay. Mahal kita ng higit pa sa akala mo kaya nang araw na iyon ay nagpakatatag ako para sa iyo.
Ngunit hanggang sa ngayon... matapos ang limang taon, hindi ko na muli pang nasulyapan ang iyong ngiti, hindi ko na muli narinig pa ang iyong tawa, hindi na kita uli nasilayan. Nawalan na ako ng balita tungkol sa iyo.
Gusto kong malaman mo mahal ko, na hanggang sa ngayon ay hinihintay ko pa rin ang iyong pagbabalik. Nawala man ang aking paningin ay nakaukit pa rin sa aking puso't isipan ang maganda mong katangian. Gusto kong malaman mo na ikaw lang ang aking minahal, minamahal at mamahalin hanggang sa dulo ng buhay ko.

BINABASA MO ANG
Tales In The City
HumorThis is how love moves in different ways, maybe your story is as same as others but there is no such thing as cliché, there is some unique on you which made your tale special.