CHAPTER ONE

22.1K 293 10
                                    

NAPAHINGA ng malalim si Yani matapos niyang simsimin ang mga maruruming damit na pabalibag na hinagis ng tiyahin niyang si Conchita sa harap niya. Pinigilan niya ang sariling ibato sa papalayong pigura nito ang isang maong na pantalon na nahagip ng kanyang kamay. Hindi na talaga ito nagbago. Kahit sa pag-aabot ng labahin ay gustong-gusto pa rin nitong ipakita sa kanya na hindi siya nito itinuturing na kapamilya. Ni katiting na respeto at pagmamalasakit, wala ito para sa kanya.

Muli siyang huminga ng malalim para kalmahin ang sarili. Gusto niyang umiyak pero pinigilan niya ang sarili. Hindi na siya batang munti para gawin iyon. Sa halos sampung taong pananatili niya sa poder nito, natutuhan na niyang maging matigas at maging manhid sa sama ng loob.

Dose anyos si Yani ng mapunta siya sa poder ng Tita Conchita niya. Nag-iisang kapatid ito ng kanyang amang si Dante. Nang mamatay ang Tatay niya sa sakit sa puso ay napunta siya sa poder nito. Kahit ayaw niya ay wala siyang choice noon. Si Tiya Conchita at ang dalawang anak nitong babae na lamang ang natitira niyang pamilya. Bata pa lamang siya ay hindi na niya nakagisnan ang nanay niya. Ayon sa Tatay Dante niya, namatay daw ang nanay niya pagkatapos niyang maipanganak. Ang katotohanang iyon ang nagbibigay ng lakas sa kanya para matutong magtiis. Pilit na lamang niyang tinatanggap ang sitwasyon niya dahil wala naman siyang magagawa para mabago pa iyon.

May kalakasang ungol ang pumukaw sa atensyon niya. Nilingon niya ang pinanggalingan niyon. Medyo nabawasan ang sama ng loob niya ng makita ang alaga niyang askal na si Patras. Tila malungkot na nakatunghay ito sa kanya.

"Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan, Patras. Okay lang ako, 'wag kang mag-aalala," pagkausap niya rito. Kahit hindi ito nagsasalita, batid niyang naiintindihan siya nito. Matalik na kaibigan na niya ito. Ito na lang din ang tinuturing niyang totoo niyang pamilya. Mas may malasakit pa kasi ito sa kanya kaysa sa tiyahin at mga pinsan niya. Umungol ito at kumahol. Pagkatapos ay dinamba siya nito. Dahil doon ay nabitiwan niya ang mga damit na pinulot niya. Akmang bubuhatin na niya si Patras nang biglang may humampas sa kanyang likuran.

"Paano ka makakatapos niyan kung uunahin mo ang pakikipaglaro sa askal na 'yan, Yani?" galit na sabi ni Tiya Conchita na hindi niya namalayang bumalik pala. Mabilis na binitawan niya si Patras at muling hinarap ang bundok-bundok na labahin niya. Lahat ng iyon ay damit lamang ng tiyahin at ng mga anak nito.

"Sorry po, Tiyang," nakayukong sabi niya bago mabilis na binalikan ang mga kinukusot niyang damit kanina.

"Sorry, sorry. Puro ka na lang sorry. Hindi ka naman nagbabago. Matigas pa rin ang ulo mo at hindi ka marunong sumunod sa akin. Hala! Bilisan mo na riyan at magluluto ka pa ng tanghalian!"

"Opo," sagot na lamang niya para hindi na siya malintikan. Mabigat ang kamay nito sa kanya. Konting pagkakamali lang ay sinasaktan na siya nito. Kaya naman hangga't maaari ay ayaw niyang sinusuway ito kahit pa nga gustong-gusto na niya iyong gawin.

Minsan naiisip niyang umalis sa poder ni Tiya Conchita. Hindi naman kasi kapamilya ang turing nito sa kanya kundi katulong. Pero sa tuwina ay hindi rin niya naitutuloy. Wala siyang alam na malayong lugar na puwede niyang puntahan kung aalis siya sa bahay nito. Ang dalawa niyang malalapit na kaibigan na maaari niyang hingan ng tulong ay taga-baryo lamang din nila. Maliban pa doon, wala rin siyang pera. Ni singkong duling ay hindi siya ni binibigyan ni Tiya Conchita. Ni hindi rin siya nito pinag-aral magmula nang mapunta siya sa poder nito. Hanggang grade six lang ang natapos niya. Muli ay parang gusto niyang maiyak sa kamiserablehan ng buhay niya. Pakiramdam niya habang buhay na siyang magiging miserable. Kung sana ay nabubuhay pa ang Tatay Dante niya. Kung sana hindi maagang nawala ang Nanay niya, di sana'y hindi siya ganoon ngayon.

Napasinghot siya sa isiping iyon. Araw-araw ay ipinagdarasal niya na sana mabago naman ang buhay niya. Hindi naman siya humihiling ng labis at imposible. Kahit bumait lang sa kanya ang tiyahin niya, ayos na. O kaya naman, sana makakilala siya ng taong puwedeng tumulong sa kanya para makaalis sa lugar na iyon.

Cinderella And Her Mr. Right (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon