CHAPTER TWO

11.4K 234 5
                                    

NATIGIL sa pagwawalis sa bakuran si Yani ng maramdaman niyang may bumato ng kung ano sa likod niya. Kunot-noong nilingon niya kung sino ang may gawa niyon.

"Robin! Sira-ulo ka talaga. Masakit 'yon, ha?" aniya sa kanyang kaibigan at dating kaklase sa elementary. Sa kabilang Sitio pa ito nakatira, pero madalas ay dinadaanan siya nito para mangumusta sa tuwing may hinahatid itong pasahero malapit sa kanila. Isa itong tricycle driver.

Maliban kay Patras at sa bestfriend niyang si Ana—na nakatira malapit sa kanila—ay isa si Robin sa masasabi niyang malapit niyang kaibigan.

Nginitian siya nito at pasimpleng sumenyas upang itanong kung nandoon ba ang kanyang tiyahin. Alam kasi nito na allergic dito ang tiyahin at mga pinsan niya. Akala kasi ng mga ito ay nobyo niya si Robin. At dahil may pagkamapag-mataas ang mga kamag-anak niya, ayaw ng mga ito sa binata.

Umiling siya. "Wala sila dito ngayon, pumunta sila sa bayan para mamili ng mga damit."

"Mabuti naman. Tamang-tama, makakapag-usap tayo ng matagal dahil wala ang evil stepmother at mga evil stepsisters mo, Cinderella," pabirong sabi nito bago mabilis na naglakad palapit sa kanya.

Natatawang napailing na lang siya. Iyon ang tawag nito sa tiya Conchita at mga pinsan niya magmula ng makita nito ang "pang-aalipin" ng mga kamag-anak niya sa kanya.

"Sira ka talaga. O teka, ano ba ang sa atin? Bakit nadalaw ka?" tanong niya rito kapagkuwan. Hindi na siya nag-abalang yayain ito papasok sa loob ng bahay dahil sigurado siyang tatanggi rin ito. Noong minsan kasing yayain niya ito sa loob ng bahay ay naabutan ito ng tiyahin niya. Walang habas na pinalayas ito ng tiyahin niya at pagkatapos ay pinaratangan pa sila ng kung anu-ano. Siya ay nasabihan ng malandi dahil nagpapapasok daw siya ng lalaki sa loob ng pamamahay nito. Pinarusahan pa siya ni Tiya Conchita pagkatapos siya nitong sermunan ng bonggang-bongga.

"Gusto ko lang kumustahin ang lagay mo rito. Ilang araw rin akong hindi nakadaan dito dahil ilang araw akong walang biyahe. Nasira kasi iyong tricycle ni Ka Domeng na pinapasada ko. Ano, kumusta ka naman?" ani Robin.

"Ayun, ganoon pa rin. Cinderella pa rin ang drama ko," kibit-balikat na sabi niya.

Bumuntong-hininga ito at nakikisimpatyang tiningnan siya. "Pasensiya ka na, Yani, ha? Gustuhin man kitang tulungan na umalis sa poder ng tiyahin mo, hindi ko rin magagawa. Alam mo namang wala rin akong permanenteng tirahan. Baka mas lalo ka lang mahihirapan kung isasama kita sa tinutuluyan ko," anito. Tipid na nginitian niya ito. Lihim siyang nagpapasalamat dahil sa nakikita niyang concern nito sa kanya. Kung tutuusin, higit na mas mahirap ang sitwasyon nito kaysa sa kanya, pero naiisip nitong tulungan siya.

Ulilang-lubos na rin si Robin. Ang kaibahan lang nila, ito ay walang kamag-anak na kumukupkop dito. Wala rin itong permanenteng bahay na tinutuluyan dahil wala namang naipundar na bahay ang mga magulang nito noon. Sa ngayon ay nakatira ito sa bodega ng bahay ni Ka Domeng na kapitan sa kanilang baranggay at siya ring may-ari ng tricycle na pinapasada nito. Kapag naiisip niya ang sitwasyon nito, kahit papaano ay nababawasan ang negatibong tingin niya sa kanyang sitwasyon sa piling ng tiyahin niya. Naiisip niya na mas masuwerte pa rin pala siya kahit papaano.

"Ano ka ba? Okay lang, 'no. 'Wag mo akong alalahanin. Teka, kung sira ang tricycle ni Ka Domeng, saan ka kumukuha ng panggastos mo sa araw-araw?"

"Pansamantala muna akong nagtatrabaho diyan sa Buena Cleofe. Pinasok ako ni Ka Domeng bilang construction boy dahil kinulang sa tao ang construction na nagre-renovate ng resort," anito.

"Buena Cleofe? 'Yong resort diyan sa kabilang Sitio? Hindi ba at matagal ng sarado 'yon?" curious na tanong niya.

Matagal na niyang nakikita ang Buena Cleofe resort. Madalas niya iyong nadadaanan sa tuwing pumupunta siya sa kabisera. Noon ay nagagawa pa niyang makapasok roon. Doon kasi nagtatrabaho ang Lola at Lolo ni Ana na sina Lola Dely at Lolo Tonying. Ang dalawang matanda ang caretaker ng resort. Noon ay madalas siyang isama doon ni Ana kapag nagkakasabay sila sa pamamalengke, kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataon na makita ang loob niyon. Maganda ang Buena Cleofe resort. Napakalinaw at napakalinis ng tubig dagat roon. Pino at puting-puti ang buhangin. Para sa kanya ay iyon na ang pinakamagandang beach resort sa lugar nila. Labis pa nga siyang nanghinayang dahil hindi iyon bukas sa publiko. Ayon kina Lola Dely at Lolo Tonying, napabayaan daw ang resort dahil naging abala na ang may-ari niyon sa iba pang negosyo ng mga iyon. Mas marami daw kasing mas malalaking negosyo na mina-manage ang mga Hernandez—ang pamilyang may-ari ng resort—kaya hindi na gaanong nabigyan ng atensyon ang resort.

Cinderella And Her Mr. Right (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon