Ang Wika
Tunay nga na ang wika ay buhay. Ito ay patuloy na nagbabago at umuunlad sa paglipas ng panahon. Ito ay yumayaman at yumayabong dala ng iba't-ibang salik na nakaaapekto rito. Ang pag-unlad ng teknolohiya ay isa sa pangunahing dahilan sa pagkakalikha o pagkakabuo ng mga bagong salita na tinatanggap at tinutugunan ng lipunan. Ang mga salitang ito ay nagkakaroon ng kanya-kanyang kahulugan at kahalagahan sa lipunang pinaggagamitan nito.
Ang wikang buhay ay dinamiko, nahuhubog ito ng panahon upang makaagapay sa pangangailangan at makatugon sa kaunlaran. Higit na mabisa ang wika kung ito ay patuloy na umuunlad kasabay sa pagsulong ng kaunlaran ng bayan, edukasyon, lipunan, pulitika, pamahalaan, relihiyon, kultura, komunikasyon at iba pang larangan. (Rodrigo, 2001)
Ang wika ay buhay at patuloy na nagbabago, kasabay ng pagbabago ang panahon upang makasunod sa pag-unlad ng daigdig. Ang tao upang makapagpahayag ng ideya, kaisipan, at anumang larangan ay maaring lumikha, bumuo, humiram ng mga bagong salita, maaaring katutubo o dayuhang wika.
Ayon kay Benjamin Lee Whorf, binubuo ang wika ng mga payak na salitang nililikha bunga ng pagtugon ng indibidwal sa kanyang kapaligiran. Halos ganito rin ang pakahulugan ni Emile Durkheim (1985), ang tao raw ay nabubuhay, nakikipagtalastasan, at nakikisama sa lipunan o kapaligirang kinabibilangan niya.
Ang lipunan ang nagsisilbing batayan ng wika sa tulong ng mga kodong binuo ukol dito, ito ay ayon naman kay Basil Bernstein.
Ayon sa Italyanong si Giambattista Vicosa sa aklat na Komunikasyon sa Akademikong Filipino (2012), ang wika ay natuklasan bilang pagtugon ng tao sa mga naririnig sa kalikasan partikular ang malalakas at nakayayanig na mga pangyayari sa kapaligiran. Kaugnay sa pahayag ni Noam Chomsky na ang kahusayan sa pagtalima sa tunog ng kapaligiran.
Batay sa prinsipyo ni Ferdinand de Saussure, isang functionalist, mas kailangan daw pagtuunan ng pansin ang anyo at paraan ng wikang ginagamit sa halip na pagtuunan ang kahulugan nito (Komunikasyon sa Akademikong Filipino 2008).
Ayon naman kay Jose Villa Panganiban, ang wika ay paraan ng pagpapahayag ng damdamin o opinyon sa pamamagitan ng mga salita upang magkaunawaan ang mga tao.
Ang paggamit ng wika ay nakasalalay sa kasarian ng taong gumagamit nito (sexism), ayon kay Ronald Wardhaugh (Komunikasyon sa Akademikong Filipino 2009). Kaugnay nito, nakasalalay raw ang wika sa mga karanasang natatangi sa isang nilalang ayon kay Hudson.
Sa pahayag nina Aguilar, et al. (1995) ang wika ay sinasalita higit sa sinusulat. Ang wikang sinasalita o ginagamit sa kasalukuyan ang siyang wikang naiintindihan. Ang wikang nakasulat ay maaaring hindi na maging mabisa kung ang kahulugan ay hindi bahagi ng pang-araw-araw na sitwasyon o karanasan.
Ayon kay Tumangan, Sr. et al. (1997) ang wika ay isang likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pasulat at pasalitang paraan.
Ayon kay Archibald A. Hill, "Ang wika ang pinakaelaboreyt na anyo ng simbolismong isinaayos sa isang kompleks na istruktura at mayroong kahulugang arbitraryo para sa lipunan.
Pinagmulan ng Wika
Sa aklat na Komunikasyong Epektibo sa Wikang Akademiko nina Bernales et al. (2013), may ebidensya na nagpapatunay na ang ating mga ninuno, ang Homo erectus, na nabuhay ng isang milyon hanggang isa't kalahating milyon na ang nakararaan ay may mga wikang nabuo. Gumamit sila ng mga kagamitan sa pagbuo ng apoy at pangangaso. Ang ganitong mga gawain ay nangangailangan ng pagpaplano at nakasalalay ang pagbuo ng plano sa isang wika. Gayon pa man, hindi lubusang maipaliwanag kung kalian at sa kung paanong paraan umusbong at nagsimulang gumamit ng wika ang mga tao. Dahil sa likas na pagiging mapag-isip ang mga tao, nagsimulang magsulputan ang iba't ibang teorya sa pinagmulan ng wika noong ikalabingdalawang siglo. Nagkaroon ng walong teorya ang ating mga ninuno hinggil sa pinagmulan ng wika. Teryang Bow-wow ang teoryang naninindigang ang wika ay nagsimula sa pamamagitan ng paggaya ng tao sa mga tunog ng kalikasan. Sa Teoryang Yum-yum, sinasabing ginaya ng tao ang mga galaw sa paligid sa pamamagitan ng kanyang bibig na kalaunan ay may kaakibat ng tunog. Teoryang Pooh-pooh naman ang nagsasabi na sa kagustuhan ng tao na maipahayag ang kanilang damdamin, ang mga ito ay nakalikha ng tunog na may kahulugan. Iminungkahi naman sa teoryang Yo-he-ho na ang tao ay nakalilikha ng tunog kapag ang mga ito ay gumagamit ng puwersang pisikal. Sa Teoryang Tarara-boom-de-ay sinasabing ang wika ay nag-ugat sa mga bulong ng mga sinaunang tao kapag nagsasagawa ang mga ito ng ritwal. Sa Teoryang Ta-ta, nag-ugat ang wika sa paggaya ng dila sa iba't ibang galaw ng kamay. Ang Teoryang Ding-dong ay may kaugnayan sa teoryang Bow-wow subalit limitado lamang ito sa tunog ng kalikasan. Ang panghuling teorya ay ang Teoryang Sing-song na nagsasabing ang wika ay nabuo sa pamamagitan ng mga awit at sayaw ng mga sinaunang tao.
BINABASA MO ANG
Diksyunaryo ng mga Salitang Balbal
No FicciónIto ay isang diksyunaryo na nabuo mula sa pag-aaral/pananaliksik /tesis ng mga awtor. Binubuo ito ng mga salitang balbal, ang bahagi ng panalita na kinabibilangan ng mga ito, ang kahulugan at mga halimbawang pangungusap na ginagamitan nito. Umaasa a...