Prologue

7.7K 132 2
                                    

Making Her Mine

Prologue

"K-KUYA MARCUS?" tawag ng batang si Alyana na nasa walo ang edad sa kapatid nang makita ito na palabas ng bahay. May dala-dala itong malaking supot na naglalaman ng sa hula niya ay mga damit nito.

"A-alyana..." para namang maiiyak ang batang si Marcus na nasa edad kinse nang makita ang kapatid.

"S-saan ka pupunta, Kuya? Bakit ka aalis?" Lumapit si Alyana sa kapatid pero pinatigil siya nito at iniharang ang hintuturo sa sariling labi. Sinasabi nito na huwag siyang maingay. Ilang sandali pa ay hinila siya nito palabas at nagtungo sila sa likod-bahay. "Kuya Marcus..."

"Aalis ako. Hindi na ako makakatagal na manatili dito, Alyana. Ayokong lumaki na inaalila tayo."

"Kung gano'n ay sasama ako."

"Hindi puwede, Alyana. Mahirap ang gagawin ko. Ayoko ng may aalagaan pa ako sa pupuntahan ko."

Napaiyak naman si Alyana. "Bakit Kuya? Pabigat ba ako? Ayoko mo na ba sa 'kin?"

Napabuntong-hininga naman ang batang si Marcus. "Hindi sa gano'n, Alyana, pero sa lungsod ako pupunta. Makikipagsapalaran ako doon. Pauunlarin ko ang sarili ko."

"P-paano ako?"

"Maghintay ka lang dito. Babalik ako, pangako."

"Pero..."

"Pangako, babalikan ko kayo. Kapag mayaman na ako ay kukunin ko kayo ni Inay."

Hindi sumagot si Alyana at naiiyak na yumuko na lang habang panay ang punas sa mga mata. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na parang may inilagay ito sa leeg niya. Nang mag-angat siya nang tingin ay nakita niya ang kwentas ng kapatid. Ang kwentas ay handmade. Ang pendant niyon ay isang maliit na bato na nakuha nito sa ilog ng Busay na madalas nilang gawing playground noong wala pa sila sa poder ng Doña. Makinang iyon kaya naman naisipan nilang butasan para maging pendant. Ang string naman na ginamit ay galing sa sintas ng sapatos.

"Sa 'yo muna ang kwentas ko. Ingatan mo dahil kukunin ko 'yan sa 'yo."

"Pangako, babalik ka ba talaga?"

"Pangako. Basta, huwag kang aalis sa mansyon na ito. Dito kita hahanapin."

Tumango naman si Alyana. Ngumiti si Marcus saka hinalikan sa noo ang kapatid. Matapos niyon ay maingat na itong lumabas ng bakuran.

Habang si Alyana ay nasundan na lang ito nang tingin. Naghintay siya. Isang araw, dalawang araw, hanggang sa naging linggo na. Taon na ang lumipas pero walang dumating na Marcus para balikan siya.

Making Her Mine (Approved under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon