Chapter 3
GABI na pero hindi makatulog si Alyana kaya bumaba siya sa kusina at uminom ng tubig. Paano ay hindi niya makalimutan ang naging usapan nila ni Doña Tacion. Kanina pala ay nakita siya nito na kausap si Rozen. Kinausap siya nito nang maipasok na niya ang vase sa kuwarto nito. Sabi ng matanda ay huwag niyang tatangkain na mahulog ang loob sa apo nito. Huwag daw siyang ambisyosa. Hindi raw por que nagpapakita ito ng kabaitan sa kanya ay aabusuhin niya.
Naintindihan naman niya. Sino ba naman kasi siya? Isang hamak na katulong lang tapos maghahangad pa siya na maangkin ang apo nito? Napabuntong-hininga na lang siya. Sabi na nga ba at walang mapapala itong nararamdaman niya. Wala pa man din ay may humaharang na.
Naiiling na binalik na niya sa ref ang pitsil. Palabas na siya ng kusina nang makasalubong naman niya si Rozen. Nakasuot lang ito ng roba. Bukas pa sa may bandang dibdib kaya naman kitang-kita niya kung gaano kalapad iyon. May pumintig na kung ano sa kanyang puson. Napailing siya. Ano ba naman itong nararamdaman niya? Kababae niyang tao ay siya pa talaga ang nakaramdam niyon!
"Magandang gabi po, Señorito." Nakayuko niyang sabi.
Hindi sumagot ang binata at lumapit pa nang husto sa kanya. Napaatras na lang siya hanggang sa naramdaman niya ang matigas na bagay sa kanyang likod."Hindi ka rin ba makatulog?" Swabe ang boses na tanong nito. At nang dahil nagsalita ito ay naamoy ni Alyana ang hininga nito na amoy alak. Bigla tuloy siyang naging alerto.
"L-lasing po kayo."
"I know..." sagot nito saka hinawakan ang kanyang baywang at hinapit siya palapit sa nagbabaga nitong katawan.
Napasinghap na lang siya. Ngayon ay palapit ang mukha nito sa kanya. Nakatitig ito sa kanyang mga mata kaya naman natutulala rin siya. Bahagyang nakaawang ang kanyang mga labi.
"Natatakot ba kita, Alyana?"
Napalunok si Alyana. Natatakot ba siya? "H-hindi."
"Good." 'yon lang at umalis na ito sa kanyang harapan.
Nang mawala na ito ay nakahinga naman nang maluwag si Alyana. Napahawak siya sa tapat ng kanyang puso.Diyos ko! Ano ba naman ang lalaking iyon. Bakit ganoon siya?
_____MAAGA na gumising si Alyana. Ito kasi ang araw ng restday niya. Ito rin ang araw kung saan makakasama niya ng isang buong araw ang kanyang ina na nasa Legazpi pa nakatira. Sandali lang ang biyahe mula sa Daraga pero gusto niya na mas maaga para mas mahaba ang oras.
Matapos mag-ayos ng sarili ay lumabas na siya agad. Nasa bungad pa lang siya ay naabutan na niya si Rozen na nakasandal sa kotse nito. Nakaayos din ito at parang may pupuntahan.
"Hi, good morning." Nakangiting bati nito sa kanya.Bigla namang napatulala si Alyana. Paano noong nakaraang gabi lang ay halos halikan na siya nito sa sobrang lapit nito sa kanya. Ano ba ang nakain nito? Hindi kaya "natapik" ito ng aswang? Napailing siya. Lumalayo naman masyado ang iniisip niya. Saka masama ba na maging mabait ito? Ayaw niya niyon, sa wakas ay may amo siyang mabait!
"G-good morning din po."
"Saan ka pala pupunta?"
"Sa Inay ko po. Restday ko po kasi ngayon kaya pupuntahan ko siya sa Legazpi."
Napatango-tango naman ito. Ilang sandali pa ay biglang dumating si Doña Tacion. Nakapostura din ang matanda, kasunod nito ay sina Lyn, Kat at Ann na may dala-dalang mga maleta.
"Saan po kayo pupunta, Doña Tacion?"
"Sa Maynila. Dadalawin ko ang mga amiga ko." Nakataas ang kilay na sagot nito saka pumasok na sa loob ng kotse. Sumunod naman si Rozen na siyang driver pala ng matanda.
BINABASA MO ANG
Making Her Mine (Approved under PHR)
Romance(Soon to be publish) Making Her Mine Naiwan si Alyana sa mansyon ni Doña Tacion upang magtrabaho sa murang edad pa lang niya. Ang kanyang kapatid na si Marcus na dapat na kasama niya ay umalis at nangako na babalikan siya. Pero labing-limang taon na...