Chapter 1

6.6K 110 1
                                    

Chapter 1

Fifteen years later...

NAPATINGALA si Alyana sa langit habang lihim na nagdadasal na sana ay dumating na ang kanyang Kuya Marcus. Nandito pa rin siya sa lugar na pinag-iwanan sa kanya ng kapatid. Umaasa siya na isang araw ay bigla na lang itong susulpot.

Pero wala, eh. Labing-limang taon na ang lumipas. Babalikan pa kaya siya nito tulad nang pangako nito sa kanya noong bago ito umalis? Sa totoo lang ay hindi niya maiwasan ang makaramdam nang tampo kay Kuya Marcus. Pakiramdam niya kasi ay pinaasa lang siya nito sa wala. Magkagano'n man ay umaasa pa rin siya, maliit na porsyento na nga lang. Kung babalik ito, salamat, pero kung hindi man at tuluyan na sila nitong kinalimutan ay hiling lang niya na sana ay masaya ito at maginhawa ang pamumuhay tulad nang pangarap nito.

Nasa mansyon pa rin siya. Hanggang ngayon nandito pa rin siya. Pinagtitiisan niya ang masungit na si Doña Vicitacion Vergara. Doña Tacion ang tawag nila dito.

Napabuntong-hininga siya. Nandito siya sa mansion dahil sila ng kapatid na si Marcus ay naging bayad-utang. May malaking utang kasi ang kanilang ama. Ginamit nito ang perang hiniram kay Doña Tacion para makabili ng lupa na maaaring masakahan pero naloko ito. Hindi matanggap ng ama niya ang nangyari dahil nabaon sila sa utang. Malaki kasi ang patubo ng Doña. Dahil sa bigat ng problema nila ay inatake tuloy ito sa puso at naging sanhi para maulila sila sa ama. Ang kanyang ina naman na problemado kung paano babayaran ang utang kay Doña Tacion ay hiniling na sila na lamang ng kanyang Kuya Marcus ang gawing pambayad. Noong mga panahon na iyon ay wala silang kamuwang-muwang na ginawa pala silang pambayad ng sariling ina.

Pumayag naman ang matanda. Kinuha sila ng Doña para gawing katulong. Pinapasweldo sila ng Doña pero ang kalahati ay ibinibigay rin nila dito. Kaya naman halos ay wala din silang naiipon. Ito rin ang naging dahilan kung bakit pinili ng kapatid na umalis at makipagsapalaran sa magulong siyudad sa Maynila.

Anyway, wala namang pagtatampo sa ina si Alyana. Naintindihan niya kung bakit nito iyon nagawa noon. Ngayon ay may edad na ang kanyang ina. Nakatira pa rin ito sa kanilang bahay kasama ang pinsan niyang si Ivan, ito ang pansamantalang nag-aalaga sa kanyang ina sa tuwing wala siya. Tuwing restday lang kasi siya nakakadalaw sa ina. Hindi pa kasi sila tapos sa pagbabayad ng utang sa Doña.

Pero kahit na isa siyang katulong ay hindi nakalimutan ni Alyana ang mag-aral. Gamit ang perang naipon niya kahit na paano ay nag-enroll siya sa public highschool sa kanilang probinsya sa Bicol. Pumayag naman ang Doña na mag-aral siya basta lang hindi makakaapekto sa trabaho niya sa mansion. Hindi naman siya nahirapan na makatapos dahil halos ay wala rin siyang binabayaran sa school. Nag-apply kasi siya ng schoolarship at swerte niya dahil isa siya sa napili ng kanilang Mayor para pag-aralin. Sa wakas ay nakapagtapos siya ng highschool. Ngayon ay kakatapos lang niyang mag-take ng isang vocasional course sa TESDA.

Maaari na siyang makahanap ng matinong trabaho. Maaari na siyang magpaalam sa Doña na maghahanap na siya ng ibang trabaho para mabayaran na niya nang buo ang natitirang utang nila dito pero may pumipigil sa kanya. Ayaw niyang umalis dito. Kahit paano ay umaasa siyang darating si Kuya Marcus.

Napabuntong-hininga na lang siya saka napahawak sa kwentas niya. Hanggang ngayon ay nasa kanya pa rin ito. Hindi niya kailanman hinubad ito. Ang kwentas na lang kasi na ito ang nagsisilbi niyang pag-asa na babalik si Kuya Marcus. Kailangan lang niya na maghintay. Pero hanggang kailan naman kaya?

"Alyana!"

Ilang sandali pa ay narinig niya ang malakas na boses ni Doña Tacion. Mabilis siyang pumasok sa loob ng bahay at doon ay naabutan niya ang Doña na pababa ng marangyang hagdan ng mansyon. Ang Doña ay nakapostura, may hawak-hawak din itong pamaypay. Hindi halata sa edad nitong sixty-five ang anyo dahil magaling manamit. Ang aura ng matanda ay mala-aristokrato. Palibhasa ay may lahing kastila. Maputi ang kulay ng balat nito at ang pisngi ay namumula-mula pa. Deretso pa rin itong nakatayo at hindi tulad sa iba na parang kuba na kapag humantong sa ganitong edad. Sa totoo lang ay kahit na masungit ito ay hindi niya maiwasan ang mamangha sa pananamit nito. Hiling lang niya ay sana mabigyan din niya ng ganito ang kanyang ina. Tulad ng Doña na maginhawa ang buhay.

Making Her Mine (Approved under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon