Pinatay Siya... Kahapon! (2)

228 7 8
                                    

Nababalot ng kakarampot na liwanag ang paligid. Sa kailaliman ng gabi, dalawang babae ang nagnanais na maisalba ang kanilang buhay. Kapit na kapit ang kanilang mga kamay habang tinatahak ang madilim na daan. Kapwa sila hinihingal dahil sa pagtakbo nang walang direksyon. Ilang saglit pa ay huminto sila. Bumitiw ang nakatatanda sa nakababata.

"Magtago ka roon, dali!" utos ng babae sa kanyang kasama. May katamtaman siyang pangangatawan. Hindi rin naman ganoon katangkaran. Mala-anghel at maamo ang kanyang mukha, ngunit sa kabila nito, nakikitaan ko siya ang bahid ng takot --takot na hangga't maaari ay ayaw niyang ipahalata sa kasama niya. Itinuro niya ang isang kotse sa madilim na sulok ng kalsada. Humahalo ang itim na kulay ng sasakyan sa kadiliman.

Tiningnan siya ng kasama na puno ng pag-aalala. "Paano ka, ate?" tanong nito. Teka... Kilala ko siya, si Rhee!

Umiling ang babae, tila gustong iparating na huwag siyang intindihin. "Basta, magtago ka roon! Kung sakaling mahuli ako, hindi ka nila magagalaw."

Nag-alinlangan ang sinabihan. Imbis na sundin ang gustong mangyari ng ate niya ay lalo lang siyang kumapit sa bisig ng nakatatandang kapatid. "Ate, huwag mo akong iwan, natatakot ako," sabi niyang papaiyak na.

"Shhhhh! Huwag kang matakot. Hindi natin alam kung ano ang takot, di ba?" pagpapagaang-loob nito sa kanya, at nagbitaw ito ng pangako, "Huwag kang mag-alala, di kita iiwan. Kahit kailan, hindi kita iiwan! Basta, magtago ka roon!" Siya na mismo ang nag-alis sa kamay ng kapatid niyang kapit na kapit sa bisig niya. "Bilis na, Ehrie! Takbo na!" at itinulak niya ang kapatid papalayo.

Sinunod ng isa ang sinabi ng kanyang ate. Naghiwalay ng daan ang magkapatid, pero bago pa sila maghiwalay, nilingon niya ang kapatid. Ngumiti ito sa kanya --isang mapait na ngiti! Sinundan iyon ng pagbuka ng bibig at pag-usal ng mga salitang...

"Mahal kita..." Napaluha si Rhee sa sinabi ng kapatid niya.

"Bahala na!" ang nasa isip siguro ni Rhee nang mga sandaling iyon habang tumatakbo papalayo.

Sa kailaliman ng gabi, nakikita ko si Rhee, takut na takot, habang tumatakbo papunta sa kotseng itinuro ng kanyang ate. Nagtago siya sa ilalim ng kotse, pumikit at umusal ng panalangin na sana ay walang masamang mangyari sa kanila. Sana!

Hanggang sa... nakarinig ako ng sigaw --nakabibinging sigaw!

"Mga walang hiya! Mamatay na kayo!" sigaw ng babae --ng ate ni Rhee!

Walang magawa si Rhee kundi ang magmasid. Hindi niya nakikita kung sino ang kasa-kasama ng ate niya, mga masasamang taong gusto silang bihagin! Sinundan iyon ng putok ng baril na sadyang ikinagulat ni Rhee. Kitang-kita niya kung paano bumagsak ang ate niya, nakadilat. Pakiwari niya'y nakatingin sa kanya ang magagandang mata nito. Sa ulo nito ay walang tigil na umaagos ang dugo! Gustong sumigaw ni Rhee! Yung malakas na malakas! At sumpain ang mga walang hiyang pumaslang sa kanyang kapatid!

"Mga animal kayo!" nasa isip lang niya.

Pero wala na siyang ibang nasambit kundi pigil na impit. Kasunod nun, may humila sa paa niya!

"Ahhhhhh!" ang pinakawalan niyang sigaw.

Nagulat ako bigla. Doon natapos ang pangitain. Nang magbalik ako sa reyalidad, namalayan ko na lang na nakatingin ako sa magkahawak na kamay namin ni Rhee.

"Bianca, let go!" naiinis na pagkakasabi ni Rhee habang inuuga ang mga kamay namin para magbitiw ang mga iyon. Nabigla ako.

"S-sorry," paumanhin ko. Bumitiw ako agad.

Hinawakan niya ang kamay niyang nadiinan ko ng paghawak at hinimas iyon. "May galit ka rin ba sa akin? Ang higpit ng hawak mo sa kamay ko."

"Sorry," nasabi kong muli. Naguguluhan ako. Tiningnan niya ako nang naka-kunot noo, marahil ay sadyang nasaktan sa ginawa ko. Humingi muli ako ng paumanhin bago tuluyang lumabas ng silid.

Pinatay Siya... Kahapon! (MNA...B! and PK... M! Series) [ON HOLD]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon