"Ate! Ate!!!"
Yun yung nakabibinging sigaw na paulit-ulit sa utak ko.
Panaghoy... Walang tigil na pagtangis ni Rhee. Naririnig at nakikita ko siya nang malinaw. Nasa isang silid kami, isang madilim at masikip na silid. Pero kahit gaano kadilim ang paligid, nakikita ko siya. Ang weird lang. Pakiramdam ko para akong nanonood ng sine, na kahit madilim ang eksena ay kita pa rin nang malinaw ang mukha ng bidang artista.
Nakaupo si Rhee sa malamig na semento. Nanginginig siya. Sa lamig? Sa takot? O baka naman pareho? Nilapitan ko siya. Umupo ako nang dahan-dahan. Nasa harapan niya na ako, malapit na malalapit. Tiningnan ko ang inosente niyang mukha. Awang-awa ako sa kalagayan niya. Punong-puno ang mga mata niya ng mga luhang walang patid na tumutulo sa maputla niyang pisngi.
Hinawakan ko ang mukha niya. Pinahid ko ang mga luhang dumadaloy sa kaliwa niyang pisngi, mula sa pagod niyang mga mata, pero hindi natanggal iyon. Teka, ito na nga ba? Nagsisimula na nga ba? Nagsisimula na naman akong makakita ng mga pangitain!
Biglang bumukas ang pinto ng silid. Isang lalaki ang pumasok. Nagulat si Rhee. Panandalian siyang natigil sa pag-iyak. Agaran niyang pinahid ang mga luhang kanina pa tumutulo sa kanyang mga mata. Lumiwanag bahagya ang paligid dahil sa lamparang dala-dala ng taong pumasok sa silid. Lumikha ang lalaki ng ingay nang nilapag niya sa sahig ang isang tray na may lamang pagkain. Inilapag din niya ang lampara. Masarap ang pagkain, inihaw na manok at mainit na kanin. May kasama ring mainit na sabaw at tubig na pamatid-uhaw. Ngunit tinitigan lang iyon lahat ni Rhee. Wala siyang gana.
"Kumain ka na," sabi nito sa kanya. Teka-- ang boses na iyon. Narinig ko na iyon!
Hindi sumagot si Rhee.
"Gusto mo pa bang subuan kita?" tanong ng boses na tila mapanukso.
"Hindi ako nagugutom," ani Rhee.
Hindi ko makita nang buo ang mukha ng taong kausap niya. Ang nakikita ko lang ay ang mga labi nitong nakangisi at tila nang-uuyam, na nasisinagan ng ilaw ng lampara.
"Nagpapakamatay ka ba?" tanong nito kay Rhee.
"Magpapakamatay na lang ako!" pabulong, ngunit galit at matigas na pagkakasabi ni Rhee.
Itinaas ng kausap ang kanang kamay niya at sumenyas, iwinawagayway ang hintuturo, kasabay ng pagsabi ng, "No, no. Uh uh uh," parang nang-aasar pa.
Tiningnan siya nang masama ni Rhee. Nagpatuloy sa pagsasalita ang kausap,
"Hindi ka naman nila papayagang mamatay. Kakailanganin ka pa nila. Bakit kasi hindi ka na lang sumunod?"
Sumunod? Saan? Kakailanganin nila? Nino? Para saan?
"Sumunod?! Matapos ninyong patayin ang ate ko?! Huh! Mga baliw kayo!" galit na pagkakasabi ni Rhee. Nasusuklam siya sa taong kausap!
"Masyado kasing matigas ang ulo niya --ninyong magkapatid! E kung sumunod na lang kayo, edi wala nang problema."
Ikinuyom ni Rhee ang kanyang mga kamay, nagpipigil ng galit. "Wala kayong puso! Anong akala ninyo, hayop lang ang pinapatay ninyo?"
"Hayop naman talaga ang ate mo, di ba?" tugon nun na nakangisi, pero nawala ang nakakalokong ngiti na yun nang sampalin siya bigla ni Rhee. Hindi niya inaasahang gagawin ito ni Rhee sa kanya.
"Huwag mong sabihan nang ganyan ang ate ko! Respeto lang sana sa patay!" Galit na galit si Rhee.
Hinimas ng kausap ni Rhee ang pisnging nasampal kasunod ng pagsabi ng, "Ano bang pinaghihimutok mo? Ano naman kung patay na siya? Hindi ka naman niya iiwan, di ba? Yun yung madalas niyang sabihin sa iyo, di ba? Maniwala ka, mararamdaman mo siya. Makikita mo rin siya. Hindi ba kagaya ka rin namin?"
BINABASA MO ANG