Pinatay Siya... Kahapon! (7)

200 8 4
                                    

Kulay puti: simbolo ng kalinisan at ng kapayapaan. Wala akong ibang makita sa paligid ko kundi puro puti. Yung karo kung saan nakasakay yung himlayan ni Jomari, kulay puti. Yung suot ng mga taong naglalakad kasama ko, kulay puti. Yung mga nakababatang pinsan ni Jomari, may hawak na lobong puti. Maski yung mga paru-parong pumapagaspas at mga kalapating napadaan, kulay puti.

Kasalukuyan kaming naglalakad sa kalsada. Marami kami --mga isandaan mahigit siguro. Hindi ko inaasahang ganito karami ang mga makikipaglibing. Buong buhay ko, inakala kong kami lang ni Jude ang mga kaibigan ni Jomari. Kami kasi yung madalas niyang kasama. Mas marami pa pala ang nagmamahal sa kanya, o baka dahil na rin sa malaki ang pamilya nina Jomari kaya marami ang kasama sa parada.

Tirik na tirik ang araw. Tumatagaktak ang pawis ng bawat taong nakikita kong naglalakad. Walang nagpapayong. Sakripisyo man lang daw para sa namatay. Yung iba nag-shades na lang. Masakit kasi sa mata yung sikat ng araw.

Mahaba-habang paglalakad ang ginagawa namin mula bahay nina Jom hanggang sementeryo. Nakahawak nang mahigpit sa kamay ko si Jude. Ano ito, HHWW? Ang awkward tuloy ng pakiramdam ko. Pero sige, kailangan lang siguro niya ng masasandalan kaya siya ganito ngayon.

Paulit-ulit na tumutugtog yung musikong pampatay. Kabisado ko na nga. "Di kita malilimutan... Kailanman ma'y di pababayaan...." Yun lang yata yung nasa playlist ng karo.

Teka, may naririnig akong malakas na humahagulgol. Sino yun? Hinanap ko iyon sa paligid. Naroon pala sa bandang likuran. Nakita ko ang ilan sa mga kaklase namin ni Jomari. Hindi ko alam kung napansin nila ako. Hindi siguro. Hindi naman kasi nila ako binati. Busy kasi sa pag-ngawa. Teka, si... si Jomari ba yung nakikita ko? Katabi siya ng isang kaklase namin! Tinitigan ko siyang mabuti. Siya nga talaga! Kinukusot niya pa yung mga mata niya habang... lumulutang sa ere.

"OMG! Ililibing na ako!" Narinig kong sinabi niya. Ang lakas ng boses! Pakiramdam ko nakikipag-usap siya sa isip ko. May iba kayang nakaririnig sa kanya bukod sa akin? Hindi ko alam kung malulungkot ako o matatawa ako sa kinikilos niya. Saan ka ba naman nakakita ng patay na iniiyakan ang sarili? Ilang sandali pa ay nakita niya akong nakatingin sa kanya. Nakisama na rin siya sa mga kaklase naming humahagulgol.

Biglang nagtanong si Jude na ikinagulat ko, "Bianca, sino'ng tinitingnan mo?"

"A, nakita ko kasi si Zharina," pagsisinungaling ko. Inalis ko na ang tingin kay Jomari at nagpatuloy na kami sa paglalakad.

Isang tolda ang nadatnan namin nang makarating kami sa sementeryo. May mga nakalatag na upuan at iilang lamesa. Hindi yata makakaupo lahat sa dami ng nakikipaglibing. May nakasabit na tarpaulin na may mukha ni Jomari. Bigla ko tuloy siyang na-miss.

May mga lalaking nagbuhat sa kabaong ni Jomari. Inilagay iyon sa isang patungang nagsisilbi na ring mekanismong magdadala ng kabaong sa hukay sa ilalim. Kung susukatin ko kaya, six feet below the ground kaya talaga yung hukay na yun?

Nagsiupuan ang mga tao. Gaya ng inaasahan ko, tumayo na lang yung iba dahil sa kakulangan ng upuan. Naglabas ng pamaypay ang iilan. Sa unahang hilera kami ni Jude umupo. Parang hinang-hina siya. Sumandal siya sa balikat ko. Hinayaan ko lang. Hinintay namin ang pagdating ng pari. Ilang sandali pa'y dumating na iyon. Pinatayo kami at nagsimula ang misa.

Habang nagaganap ang misa, nakita ko si Jomari na pumunta sa ataul niya. Gusto yata niyang silipin yung sarili niya bago tuluyang uurin yung katawan niya sa ilalim ng lupa. Umiiyak siya. Ang lakas ng hagulgol. Parang baboy na ngumangawa! Tiningnan ko ang paligid. Busy ang lahat sa pakikinig sa misa. May ilang nakayuko at humihikbi. Mukhang ako lang din naman ang nakakakita sa kanya at kunwari e patay-malisya na lang ako.

Tumingin si Jomari sa hukay sa ilalim ng kabaong niya at nagtanong sa akin, "Bianca, six feet ba talaga ito o mas malalim pa? Baka makita ko na si Taning sa sobrang lalim pala nito." Balik uli ang tingin niya sa ataul, sa nakahigang katawan niya. "Sinong nag-make up sa akin at bakit ang kapal ng foundation ko? Mukha akong sasali sa Ms. Gay!" angal niya.

Pinatay Siya... Kahapon! (MNA...B! and PK... M! Series) [ON HOLD]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon