Buong araw lang akong nagkulong sa bahay. Walang ibang naiwang kasama ko kundi si Jude dahil umalis si mama at si papa naman ay sa makalawa pa ang uwi dahil may trabaho sa ibang lugar. Tumawag nga siya sa akin kanina. Tamang-tama naman at nandito lang si Jude; humiling siyang magkausap sila para maghatid ng pakikiramay.
Yung TV lang ang nag-iingay sa loob ng bahay. Magdamag lang kaming nasa sofa ni Jude at nanonood. Magkalayo kami nang kaunti. Napagigitnaan kami ng tambak na throw pillows. Kanina pa niya ako kinakausap pero hindi ako nagsasalita, tumatango lang ako o kaya ngumingiti pag may sinasabi siya. Ewan ko kung bakit naging ganun yung pakiramdam ko matapos niyang sabihing aalagaan niya ako. Siguro, hindi ko lang talaga maiwasang mailang kahit na gusto kong isiping wala lang yun. Kahit paano naman kaya kong bumasa ng kilos ng mga lalaki.
Naubos lang ang oras namin sa panonood ng balita at paglipat-lipat ng channel. Nang gumabi at nang mapagod na yung mga mata ko, pinatay ko na yung TV. Nagpaalam naman ako sa kanya e. Ayaw na rin naman niyang manood. Nakapikit na ako nang marinig ko siyang magtanong,
"Bored ka ba?"
Dinilat ko bahagya ang mga mata ko, "Medyo." Naniningkit na ang mga iyon dahil sa antok.
"Nalulungkot ka siguro."
"Ba't naman ako malulungkot?" matamlay kong itinanong.
"Uhhh.... Kasi... kasi nailibing na si Jom?"
Saka lang pumasok sa isip ko yung tungkol sa libing ni Jomari. Hindi ko man lang nasaksihan yun dahil noong mga oras sigurong hinuhulog na siya roon sa hukay ay kasalukuyan akong nasa banyo at walang malay. Sayang... Hindi man lang ako nakapagpaalam bago pa siya ilibing. Hindi man lang ako nakapaghulog ng bulaklak para sa kanya.
"Nakalimutan mo na ba?" tanong ni Jude.
Kinapa ko ang gilid ko, kumuha ng isang throw pillow at niyakap iyon, "Nawala sa isip ko. Ayoko kasi isiping patay na siya."
"Sa tingin mo, wala na ba talaga siya?"
"Nandiyan lang siya. Nakabantay sa atin."
Nasaan na nga kaya ngayon si Jomari? Siguro umakyat na siya sa langit. Sinundo na siya ng liwanag. Kasama niya na yung mga anghel. Kasalukuyan na siyang nagpapadulas sa rainbow. Sabi nila maganda raw sa langit. Kulay ginto lahat ng paligid... Maraming bulaklak. Puro kasiyahan. Walang problema... Parang isang paraiso.
"Hindi mo naman siya basta-basta makakalimutan, di ba? Ganun din siguro siya sa iyo. Ang bait mo kasi sa amin."
Sino ba naman ang makalilimot sa kanya? Napakabuti niyang tao. Kahit madalas binabaliwala ko yung nararamdaman niya para sa akin, pursigido pa rin siyang suyuin ako (na dinadaan niya sa mga biro niya). Madalas akong mainis sa mga kakulitan niya, pero lahat ng yun, yung mga pang-aasar niya sa akin, pangungurot, pangingiliti, pag-ipit sa kamay ko o paghila sa buhok ko, ay memorable sa akin.
Dumilat ako. "Jude, ba't ang weird ng mga sinasabi mo?" naitanong ko.
"Weird? Bakit? Anong weird?" pagtataka niya.
Yung pagigiging weird na tinutukoy ko ay hindi yung pagiging weird niya dahil paranormal freak siya. Ang napansin ko lang naman ay bigla siyang naging ROMANTIC sa akin. Yun talaga ang lubusan kong ipinagtataka.
"Wala... para kasing..."
"Parang ano?"
"Parang masyado kang mabait ngayon."
Natawa si Jude sa sinabi ko, "Haha! Bakit, hindi ka ba sanay na ganito ako?"
"Obvious ba? Di kita maintindihan. Parang masyado kang malalim, masyadong seryoso."
BINABASA MO ANG