Chapter 14 - Room 148

84 35 0
                                    

MAAGA pa'y nakarating na si Alex sa pinapasukang ospital. Magkasabay sila ni Ram sa pagpasok ngunit parang wala rin siyang kasabay dahil halos hindi sila nagkibuan ng kaibigan sa kabuuan ng biyahe. Ang mga sinabi ng kanyang ate Myrna ang gumugulo sa kanyang isip kaya naman tila wala siya sa mood na makipagtsikahan, si Ram naman sa tingin niya ay iniisip si Tessa kaya hindi rin makausap ng maayos. Kaya naman nang makarating siya sa ospital ay parang wala ring anumang sumibat na ang lalaki paalis.

Dinatnan naman ni Alex ang isang pumpon ng bulaklak sa kanyang locker, gaya nang mga nagdaang mga araw. Ngunit ngayon ay may pangalan na ang dedication na kalakip niyon. Galing nga kay Allan. Napangiti tuloy si Alex at muli ay sumagi sa isip niya ang mga sinabi ng kanyang kapatid. Ano nga kaya kung sagutin niya ang lalaki?

Ilang sandali pa'y itinuon na ni Alex ang atensyon sa kanyang trabaho. Ipinasya niyang unahing bisitahin ang kinaroroonan ng lolo ni Tessa na si lolo Julian sa room 148. Nasa pintuan pa lang siya ng pribadong silid ng matanda nang maulinigan niya ang pag-uusap ng mag-asawa.

"Wala ka bang napapansin sa apo mong si Tessa, Pacita? Sa tingin ko'y napakatamlay ng bata, na tila may dinaramdam. Baka naman may sakit na ang apo natin ay hindi pa natin alam," tinig iyon ng matandang lalaki.

"Napansin ko nga ang pananamlay niya pero inakala ko lang na dahil lang iyon sa pressure sa pag-aaral niya. Aba'y alam mo naman kung gaano kahirap ang kursong kinukuha ni Tessa."

"Nag-aalala kasi ako sa bata, kung ganyang nahihirapan siya e mabuti pang itigil na niya 'yan. Baka naman makatapos nga siya sa pag-aaral niya'y magkasakit naman siya."

"Hayaan mo't kakausapin ko," tinig iyon ni lola Pacita.

Naalala tuloy ni Alex ang mga napag-usapan nila ni Tessa. Kung paanong sinabi nito na para bang mamamatay na ito. Inakala niyang ito'y isang eksaheradong reaksyon lamang sa pagkabigo nito sa pag-ibig ngunit maaari rin naman na may bahid ito ng katotohanan. Maaari ngang may sakit na nakamamatay ang babae kung kaya't nagmadali na itong sagutin si Ram.

Pilit na pinalis ni Alex ang isiping iyon sa kanyang utak. Nagtuloy na siya sa loob ng silid ng matandang lalaki. Gaya ng dati ay masigla siyang sinalubong ng ngiti at pagbati ng dalawang matanda. Pilit na ikinukubli ng mga ito ang pag-aalala at pangamba sa kalagayan ng kanilang pinakamamahal na apo.

"Good morning po!" bati niya sa mag-asawa.

"Magandang umaga rin sa'yo, iha."

"Si Tessa po ba'y dadalaw ngayon?" nagawang itanong ni Alex. Baka nga naman swertihin siya at sabihin sa kanya ng mag-asawa ang problema ng mga ito sa apo.

"Naku, hindi ko alam sa batang iyon. E, basta na lang sumusulpot dito nang walang pasabi," si lola Pacita.

"Naku, e manang-mana sa'yo," sabad naman ni lolo Julian. "E, di ba't noon din ay basta ka na lang pumupunta sa trabaho ko nang walang pasabi para makita ako? Talagang patay na patay ka sa akin noon," natatawang sabi ni lolo Julian.

"Aba't ang kapal ng mukha ng matandang ito," nahihiyang sabi ng matandang babae. At hinampas niya ng unan ang asawa. "Kung anu-ano ang sinasabi mo."
Hindi na napigilan ni Alex ang matawa. "Natutuwa po talaga ako sa inyong mag-asawa."

"Kaya kapag kukuha ka ng mapapangasawa, iyong kagaya ko. Iyong mapapatawa ka, at mapapaligaya sa habang buhay."

"Hayaan niyo po at uumpisahan ko na pong maghanap, lolo," biro lamang niya iyon ngunit ewan niya kung bakit sumagi sa isip niyang sa kwalipikasyong sinabi ni lolo Julian ay bagsak na agad dito si Allan.


My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon