Chapter 15 - Celebration

73 34 2
                                    

NANG ihatid siya ni Allan kinagabihan ay natukso si Alex na sundin ang ipinayo ng kanyang ate Myrna na sagutin ang manliligaw. Ngunit nanaig pa rin ang takot niya, hindi pa rin niya maatim na paasahin ang lalaki gayong hindi pa siya sigurado sa nararamdaman niya para rito.

"Bigyan mo pa ako ng sapat na panahon upang mapag-isipan ko ang bagay na iyan, Allan," iyon ang isinagot niya sa lalaki nang usisain siya nito sa iniluluhog nitong pag-ibig.

"Hindi naman ako nagmamadali, Alex. Handa akong maghintay, at umasa kang kahit gaano man katagal hindi magbabago ang nararamdaman ko para sa'yo," seryosong sabi nito.

Ngumiti siya sa lalaki. At sa isip niya'y itinatanong kung ano nga kaya't sagutin niya ang binata? Magiging masaya kaya siya sa piling nito? O lolokohin lamang din siya ni Allan gaya ng mga dinanas ng kanyang ina at mga kapatid?

Inanyayahan niyang pumasok sa bahay si Allan ngunit tumanggi na ito, babalik pa umano ito sa ospital. Buong pagkamaginoong ipinagbukas siya nito ng pinto ng sasakyan at inalalayang makababa, pagkatapos ay nagmamadali na rin itong bumalik sa driver's seat.

Nang makaalis ang sasakyan ng manliligaw ay saka lamang napansin ni Alex ang isang lalaking nakaupo sa harap ng kanilang bahay. Nakilala niya agad si Ram, tila malungkot at malalim ang iniisip.

"Oh, ano na naman ang drama mo at para ka na namang nalugi riyan?" bungad na tanong niya sa kaibigan.

"Nag-dinner ka na ba?" ganting tanong nito.

"Tapos na, nag-dinner na kami ni Allan. Pero kung ililibre mo ako, pwede akong mag-dinner uli," nakangiting sabi niya rito.

"Sandali lang, kunin ko lang ang sasakyan."

"Aba't seryoso ka talaga, ano ba talaga ang problema mo?" naiintrigang tanong niya bagama't meron na siyang hinala kung ano ang ipinagpuputok ng butse ng kaibigan.

"Mamaya ko na lang sasabihin," malungkot na sabi nito at saka nagtuloy na sa katapat na bahay.

Nagpalit lang din ng damit si Alex bago sila umalis ni Ram sakay ng kotse nito. Tahimik sila pareho habang bumabaybay ang kanilang sasakyan sa kalsada. Pinipigil ni Alex ang sarili na mag-usisa sa kaibigan pero ang totoo hindi na siya makapaghintay na malaman kung tama nga ba ang kaniyang hinala.

Nang huminto ang sasakyan sa harap ng isang ktv bar, nasiguro ni Alex na hindi lang basta dinner ang ipinunta nila roon. Natitiyak niyang handang lumaklak ng alak ang kaniyang kaibigan, natiyak niya ring may mabigat na problema si Ram. Inihanda na rin niya ang sarili na magmaneho ng sasakyan, minsan na kasing nangyari na hindi na makagulapay sa kalasingan si Ram nang minsang uminom ito kaya napilitan siyang mag-drive pauwi. Wala pa naman siyang praktis sa pagmamaneho.

"Tsong, akala ko ba magdi-dinner lang tayo?" tanong niya habang papasok na sila sa bar.

"May pagkain naman dito, ah. Tsaka sabi mo tapos ka nang mag-dinner. Relax ka lang diyan, ako ang bahala."

Limang beer agad ang inorder ni Ram nang makaupo sila, umorder din ito ng pagkain. Kumindat pa ito sa kanya kaya hindi na siya nakatutol pa.

"Sabi ko na nga ba't may balak kang lumaklak, e. Ano ba talaga ang problema mo at kanina ka pa nag-e-emote?"

Napailing at naglayo ng tingin si Ram. Ang sarap sapakin!, isip-isip ni Alex. "Si Tessa kasi, e..."

"Huwag mo nang sabihin, tsong. Alam ko na kung bakit nag-iinarte ka," sansala ni Alex. "Nag-break na kayo ni Tessa, ano? Ikaw naman kasi, e, wala kang kadala-dala. Binasted ka na nga noon, sige ka pa rin. E, maliwanag pa sa sikat ng araw na wala kang dating sa babaeng iyon," kunwa'y para siyang nanay na naglilitanya. Si Ram naman ay parang batang pinagagalitan, ngunit maya-maya'y bigla itong ngumiti kay Alex, ngiting nakakaloko!

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon