Chapter 13 - The Family

89 34 0
                                    


MUKHANG mabait naman ang Allan na iyon, iha," kaswal na sabi ng kanyang ina kahit na hindi naman niya tinatanong ang opinyon nito.

"Ang totoo, 'nay, mabait nga si Allan at alam kong hindi ako mahihirapang mahalin siya. Pero..."

Napangiti si Aling Alice. "Pero tinatalo ka ng mga takot at pangamba mo? Natatakot kang makatagpo ng lalaking kaparis ng papa mo?"

Natigilan si Alex. Gaano man niya itanggi, totoong natatakot siyang makatagpo ng lalaking sa bandang huli ay aabandona sa kanya, natatakot siyang magtiwala pagkatapos ay mabibigo lamang sa huli. Nakita niya kung paanong hirap ang dinanas ng kanyang ina, kung paanong naglatay ang pangyayaring iyon sa kanyang pagkatao. Ayaw niyang danasin muli ang ganoon o ng mga magiging anak niya.

"Anak, bawat tao may pagkakaiba. Hindi tayo magkakapareho, maling ipalagay na lahat ng lalaki ay manloloko. Kung nagawa man akong iwan ng tatay mo, hindi nangangahulugan na lahat ng lalaki ay gagawin din sa'yo ang gayon. Kung naging bigo man ako sa pag-ibig ko, hindi iyon nangangahulugan na kabiguan din ang sasapitin mo. Magkaiba tayo, at hindi lahat ng lalaki ay paris ng tatay mo."

"Sino naman po ba ang hindi matatakot? Iniwan na tayo ni tatay, tapos si Ate Myrna matapos siyang mabuntis ay nawala na ring parang bula ang lalaking pinagkatiwalaan niya. Si ate Grace, hindi ba't ipinagpalit din siya ng boyfriend niya sa ibang babae? Mukha pong malas ang pamilya natin sa pag-ibig." Ang kanyang ate Myrna ang kanilang panganay , isa itong single-parent at nagtatrabaho ito ngayon bilang isang real estate agent. Ang kanyang ate Grace naman ay isang nurse sa America, dati ay ayaw rin nitong mag-abroad ngunit nang iwan ito ng boyfriend nito ay napilitang mangibang-bansa upang makalimot.

Ginulo ng ina ang buhok ni Alex. "Huwag mong isipin na malas ang nangyari sa amin ng mga kapatid mo. Dahil hindi ko pinagsisisihan ang nangyari sa amin ng tatay mo. Dahil kong pinagsisisihan ko iyon, para ko na ring pinagsisisihan na naging anak ko kayong magkakapatid. Naniniwala akong may dahilan ang Diyos kung bakit ninais niyang magkahiwalay kami ng tatay mo. Siya ang higit na nakakaalam."

Yumakap siya sa ina. "Pasensya na po kayo, nay. Hayaan niyo po at pag-iisipan kong mabuti."

Napabuntung hininga si Aling Alice. "Ang ate Myrna mo nga pala, nagpasabi na darating sila ni Miki bukas."

"Talaga po!" excited na naibulalas ni Alex. Natutuwa siyang nakikita ang kapatid at ang kaisa-isa niyang pamangkin. Magtatatlong taon na ang kanyang pamangkin.

"Sabi ko nga, siguradong matutuwa ka. Hindi na nga ako makapaghintay na mayakap ang apo ko," masayang sabi ni Aling Alice.



DAY-OFF pala ni Alex kaya naman napakabigat ng katawan niyang gumising. Alas-siyete na nang kalampagin ni Ram ang pinto ng kuwarto niya. Nakapikit pa siya nang pagbuksan ang pinto.

"Ano ka ba? Papasok ka ba o ano? Hindi ka pa nga nakapag-aalis ng muta," inis na sabi ng lalaki.

"Day-off ko pala ngayon, e, nakalimutan ko kagabi."

"Anak ng ...," naibulalas ni Ram. "Naghihintay pala ako sa wala."

"Sori na, nawala talaga sa isip ko."

"Sige na, aalis na ako," sabi nito at tumalikod na ito nang tila may maalala. "Napasarap ang tulog mo kagabi, ano?" nangingiting sabi.

"Bakit?"

"Kasi may ebidensya pa ng pagtulo ng laway mo e," hindi na nito napigilan ang tumawa ng tumawa habang humahakbang palayo.

Inis na inis si Alex. Mabilis siyang nagtungo sa salamin at pinagmasdan ang sariling repleksyon. Totoo nga, para siyang bruha sa ayos niya, may muta pa siya sa mga mata at may panis na laway pa siya sa pisngi. Nakakahiya!

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon