Chapter 8 - The Deal

90 37 1
                                    


ANG higit na ikinagulat ni Alex nang araw na iyon ay nang makita niya sa ospital si Ram. Naghihintay ito sa nurse's station nang lumabas siya mula sa pagra-rounds. At ang ikinakilig pa niya ay nang makitang may dala itong mga bulaklak. Hindi naman siya dating binibigyan ng bulaklak nito, wala rin namang espesyal na okasyon. Naisip niya tuloy kung anong suwerte ba ang hatid sa kanya ng araw na iyon, kanina lang ay nakatanggap siya ng bulaklak mula kay Doc Tamayo ngayon naman ay bibigyan siya ng bulaklak ni Ram?

"O, tsong, anong nakain mo't bigla kang nagpunta rito sa ospital. Hindi ba't ayaw na ayaw mong pumapasok dito?" bungad niya rito.

Nahihiyang napangiti lang ang lalaki. "May kailangan ako sa'yo, tsong."

"At may dala ka pang mga bulaklak, sino naman ang didiskartehan mo rito, aber? Huwag mong sabihing para sa akin 'yan," puna niya.

"Ano ka ba, tsong? Ba't naman kita bibigyan ng bulaklak, batukan mo pa ako."

Napalunok si Alex, dismayado siya. Akala pa naman niya'y para sa kanya na ang bulaklak, false alarm pala. Marami talaga ang napapahiya nang dahil sa akala, naisip niya.

"E, para kanino nga 'yan," sabi niya habang pilit na itinatago ang pagkapahiya.

"Di ba sabi mo nakita mo dito si... si ano, yung ultimate crush ko. Nakita ko nga siya kanina, sinundan ko, dito nga papunta. Kaya napabili ako ng bulaklak," nahihiyang sabi ng lalaki.

Napaismid si Alex. "So, para pala kay Tessa 'yan. Akala ko ba hindi ka na interesado kay Tessa, na hindi ka magkakandarapa kapag nakita mo siya. Wala ka palang isang salita, parang hindi ka lalaki."

"Eto naman, oh, binibiro lang naman kita," suyo ng lalaki. "Saka noong makita ko siya, parang pinana na naman ako ni kupido. Tumatambol na naman ang puso ko."

"E, ano naman ang kinalaman ko riyan? Bakit hindi mo na lang siya hanapin dito, isa-isahin mo 'yang mga kuwarto rito sa ospital o kaya barkadahin mo 'yung gwardya sa labas habang inaabangan mo ang paglabas ni Tessa," inis na sabi ni Alex. Tumalikod na siya sa kaibigan.

"Eto naman, para kang others!" habol ng lalaki. "Last na 'to, tsong! Sige na. Ilang pocketbook ba ang gusto mo? Nood uli tayo ng sine. Tapos ihahatid-sundo kita ng isang buwan."

Natigilan si Alex, sandaling nag-isip. "One month supply ng pocketbook, ililibre mo ako ng sine tuwing weekends at ihahatid-sundo mo ako ng isang buwan. Deal or no deal?"

Bantulot na napatango ang lalaki. "O-oo, sige na. Tulungan mo lang ako, tjong."

Napangiti na si Alex, ewan ba niya kung bakit huling-huli ng kaibigan niya ang kanyang kiliti. Alam na nito ang mga weaknesses niya.

"Call."


NASA smoking area ng ospital si Tessa nang makita ni Alex, naninigarilyo ito at tila tensyonado. Napangiti ito nang makita siyang papalapit, sadyang nagpaiwan si Ram upang makausap niya muna si Tessa.

"Nandito ka pala, kanina pa kita hinahanap, e. Sabi ni lola Pacita lumabas ka lang daw."

"Bakit? Kailangan ba ako ni lolo," tanong nito. Itinapon nito ang upos ng sigarilyo sa basurahan.

"Hindi naman. Actually, ako ang naghahanap sa'yo. Natatandaan mo pa si Ram?"

"Yung bestfriend mo na nanligaw sa akin noong first year college tayo?" Marahang tumango ito.

"Nandito kasi siya, e. Gusto ka ring makita. Pasensya ka na ha, nabanggit ko kasi sa kanya na nagkita tayo. Malakas kasi yata talaga ang tama sa'yo ng kaibigan ko. Hindi ka niya makalimutan."

"Ok lang, harmless naman si Ram. Mabait naman 'yung taong iyon, hindi pa lang ako handang makipagrelasyon noon kaya binasted ko. Ako pa yata ang unang babaeng bumasted sa kanya," may ngiti man sa mga labi ay tila malungkot pa ring pagbabalik-tanaw nito.

Maya-maya pa'y lumapit na sa kinaroroonan nila si Ram, tangan nito ang mga bulaklak.

"Kumusta na, Ram. Lalo ka yatang gumuwapo, a," bati ni Tessa.

Si Ram naman parang tangang nakatingin lang kay Tessa. Parang gustong batukan ng malakas ni Alex ang kaibigan upang matauhan. Naturingang babaero ngunit parang first time na manliligaw sa harap ni Tessa. Talagang in-love nga yata ito, naisaloob ni Alex.

"Tsong, baka matakot sa'yo si Tessa niyan. Sobra ka kung makatitig," untag ni Alex sa kaibigan.

"Pasensya ka na, Tessa, ewan ko ba kung bakit natutulala ako kapag kaharap ka. Lalo ka pa kasing gumanda, e," nahihiyang sabi ni Ram.

Asus, ang baduy! naisaloob ni Alex. Nagpaalam na siya sa dalawa upang magkasarilinan ang mga ito. Hindi na rin kasi niya kakayanin pa ang kabaduyan ng kaibigan.


MALAPIT nang matapos ang shift ni Alex nang masalubong ni Alex sa tapat ng operating room si Dr. Tamayo. Mukhang pauwi na ito. Ang ikinagulat niya ay nang gawin nito ang isang bagay na sa tagal nilang magkatrabaho sa ospital na iyon ay hindi pa niya nakitang ginawa nito: ang ngumiti.

Lumingon muna si Alex sa paligid upang matiyak na siya nga ang nginingitian nito. Aba,mahirap na ang mapahiya na naman. Ngunit wala naman siyang ibang tao na kasabay. Kumpirmado na ngang sa kanya nga nakangiti ang doktor, pwera na lang kung nasisiraan na ito ng bait at may mga nakikita na itong hindi nakikita ng iba. Napilitan na rin tuloy siyang ngumiti.

"Ah, Alex, can I have a minute," maya-maya'y habol nito ng makalampas na siya rito.

"Yes, doc," bigla siyang huminto at nilingon ang lalaki. Ngunit natigilan siya nang halos magbanggaan ang mga katawan nila ng doktor. Hindi yata inaasahan nito na bigla siyang tatalikod. Nalanghap niya ang amoy ng pabango nito. Ngunit sa pagkagulat o marahil ay dahil sa kilig ay nabitiwan niya ang hawak na mga folder.

"I'm sorry," sabi nito at nakipag-unahan sa kanyang pulutin ang mga folder. Muntik pa tuloy silang magkaumpugan ng ulo sa bigla niyang pagyuko.

Ewan ba niya kung bakit nanginginig pa ang mga kamay ng lalaki nang ibalik sa kanya ang mga nahulog. At siya naman ay tila kinikilig. Napanood na kasi niya ang eksenang ito sa napakaraming romantikong pelikula, kaya naman parang tinedyer siyang nag-iinarte.

"Ano po bang sasabihin niyo, doc?" nagawa niyang itanong.

Nahihiyang napangiti muli ang doktor, parang tinedyer din na tila hiyang-hiya sa kanya. "Can I invite you for dinner tonight?"

Kunwari'y hindi niya alam ang isasagot pero ang totoo ay pumapalakpak ang kanyang tenga. Nagdiriwang ang kanyang kaloob-looban, aba'y wagi ang beauty niya ngayon!

"A, e, ano po bang okasyon? Bakit biglang-bigla po yata."

"Mamaya ko na sasabihin," nakangiti na namang sabi. "I would appreciate it kung pauunlakan mo ako."

At may nalalaman pa itong pa-suspense suspense! "Ok lang po sana, doc, kaso susunduin ako ng kaibigan ko ngayon, e. Nakakahiya naman sa kanya kung..."

"Yung kaibigan mo? Nakita ko siya kanina, kaaalis-alis lang may kasamang babae. Mukhang may lakad,e. Babalikan ka pa ba kaya dito nun?" sabi nito.

Gusto niyang murahin nang mga sandaling iyon si Ram. Sumira na ito sa usapan nila ay nagmukha pa siyang tanga.

"Ganun ba? Ang walanghiyang 'yun, hindi nagpaalam sa akin," naibulalas niya.

"So, paano? Tinatanggap mo na ba ang invitation ko?" tanong nito.

"Sige na nga, wala na akong maisip na palusot, e," nakangiting sabi niya. Pero sa isip-isip niya, kung susuwertihin ka nga naman. Makakalibre na naman siya ng pamasahe, may libre pa ngayong dinner.

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon