Chapter 21 - Bisperas

46 14 1
                                    

NAKAIMPAKE na ang mga gamit ni Alex, bisperas na ng kanyang pangingibang-bansa. Handa na ang mga dadalhin niya sa pag-alis, ngunit parang ang sarili niya ang hindi pa handa. Lalong hindi nakatulong na nakikita niyang lumuluha ang kanyang ina sa tuwing titingnan siya nito, parang gusto na tuloy niyang umatras. Naroon na rin ang kanyang ate Myrna, na kinukumbinse siyang huwag na lang tumuloy. Ngunit buo na ang kanyang pasya, wala nang makapipigil sa kanyang pag-alis.

Hindi niya inaasahan na magkakaroon pa siya ng panauhin sa mga oras na iyon. Ang huling taong inaasahan niyang makikita roon. Si Tessa. Malugod naman niyang tinanggap ang kanyang panauhin na sa tingin niya'y lalo pang tumingkad ang ganda sa kabila ng pagbubuntis nito. Marahil ay dahil na rin sa wala na ang dinadala nitong bigat sa dibdib bunga ng paglilihim sa kinikilalang mga magulang.

"Nabalitaan ko kina lola na bukas na daw ang alis mo kaya sinadya kita rito. Good luck sa flight mo bukas ha. Sana maging successful ka sa London," matapat na sabi nito. Nakangiti man ito ay naramdaman niya ang katapatan ng babae. 

"Salamat," ipinilit niya ang isang ngiti.

"Ako nga ang dapat na magpasalamat sa'yo, Alex. Hindi mo lang alam kung gaano mo nabago ang buhay ko, dahil sa ipinamukha mo sa akin ang mga pagkakamali ko. Ngayon ay natutuhan ko nang harapin ang mga problema ko, at ilagay sa tama ang mga ito."

"Wala kang dapat ipagpasalamat, ginawa ko lang ang dapat na gawin ng isang kaibigan," muli siyang ngumiti sa babae.

Yumakap sa kanya si Tessa. Ngayon ay nadarama na niya ang sinseridad nito at natitiyak niyang kung mabibigyan lamang ng pagkakataon, pwede rin sila nitong maging matalik na magkaibigan gaya ni Ram.

Mayamaya'y napansin niyang mataman siyang tinitingnan ni Tessa, tila may nais itong sabihin at humahanap lang ng tiyempo upang masabi sa kanya.

"Hindi ko alam kung paano sasabihin ito, Alex. Pero ang totoo, nagpunta ako rito para kay Ram. Ikinalulungkot ko na ako pa ang naging dahilan ng hindi ninyo pagkakaunawaan. Hindi pa yata niya alam na aalis ka, e."

"Huwag na nating pag-usapan 'yun, balewala naman yata sa kanya kung umalis ako, e. Wala naman akong halaga sa kanya," may pait na sabi niya.

"Hindi totoo 'yan, Alex. Mahal ka ni Ram, at natitiyak kong hindi iyon papayag na umalis ka."

"Ikaw ang mahal niya, Tessa. Nasa college pa lang tayo, ikaw na ang pinapangarap niya. Ikaw ang babaeng matagal na niyang hinahanap."

Umiling-iling si Tessa. "Iyon ang akala niya noon, ngunit na-realize niya na mali siya... na ikaw pala ang mahal niya, na wala nang ibang babae ang makakapantay sa pagmamahal niya sa'yo. Iyan ang ipinagtapat niya sa akin. Oo nga't na-realize kong hindi tama ang plinano naming kasal dahil sa sumbat na rin ng konsensya ko ngunit siya ang unang umurong sa kasal... iyon ay dahil sa'yo. Dahil hindi niya kayang tuluyan kayong magkalayo, Alex."

Hindi makapaniwala si Alex. Kung hindi lamang seryoso ang mukha ng kanyang kausap ay aakalain niyang nagbibiro ito. Tatawa sana siya ng malakas kung nagkaganoon. Ngunit may bahagi ng kanyang puso ang nagdiriwang sa mga naririnig.

"Naging napakabuti ninyong dalawa ni Ram sa akin kaya ko ginagawa ito, kaya ayokong magkahiwalay kayo nang may samaan ng loob. Kung maaari nga lamang sana ay ayokong umalis ka, Alex. Dahil hindi mo man aminin alam ko rin na mahal mo rin si Ram. At ganun din naman siya sa'yo."

"Kung totoo man 'yan, Tessa. Ano'ng gusto mong gawin ko? Ako ang hahanap sa kanya upang pigilan niya akong umalis? Hindi ko gagawin 'yun. Huli na ang lahat para sa amin ni Ram. Kung talagang mahal niya ako, hindi ba dapat siya ang nagsasabi sa akin nun?"

"Hindi pa nga niya alam na aalis ka e. Ang alam niya, nagkakamabutihan na kayo ng manliligaw mong doktor na siyang ikinasasama ng loob niya. Kaya ko lang ginagawa ito, Alex, e para hindi ninyo pagsisihan sa dakong huli ang gagawin mong desisyon."

"Salamat sa malasakit mo, Tessa. Pero sa tingin ko, buo na ang pasya ko. Dapat na rin sigurong tapusin ni Ram ang pag-aasal bata niya."

Mayamaya'y sumeryoso si Tessa,  napabuntung-hininga. "Kung ganun, hindi na kita aabalahin pa. Aalis na ako," sabi nito at tumindig na ito sa pagkakaupo. Humakbang na ito palayo ngunit tila may naalala ito at biglang bumalik at muling hinarap si Alex.

"May nakalimutan pala ako," sabi nito.

Laking gulat na lang ni Alex sa sumunod na ginawa ni Tessa. Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Parang kumalas ang mga ngipin niya sa lakas niyon.

"Kung nakatulong sa akin ang sampal mo noon upang matauhan ako at magdesisyon ako ng tama, baka sakaling makatulong din 'yan sa'yo ngayon," seryosong sabi nito. At saka nagmamadali itong umalis. Marahil sa takot na baka hindi na ito makalabas sa kaniyang bahay ng buhay.

Hindi naman makapaniwala sa pagkabigla si Alex sa ginawa ni Tessa. Kung sa ibang pagkakataon lang sana iyon ay ngipin lang ni Tessa ang walang latay. Ngunit ewan niya kung bakit tila gumaan pa ang pakiramdam niya sa pagsampal sa kanya ni Tessa.

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon