Chapter 4 - An Old Friend

95 37 3
                                    

PATAPOS na ang shift ni Alex sa ospital nang matanggap niya ang text message ni Ram. Susunduin daw siya nito sa ospital. Hindi niya alam kung ano na naman ang drama ng lalaki, kung bakit bigla na lang ay naisipan nitong sunduin siya. Hanggang sa maisip niya na wala nga pala itong girlfriend sa kasalukuyan matapos makipag-break kay Jessa. At gaya ng dati, naroon siya to the rescue, upang may pandisplay sa tuwing gigimik ito.

"Galing sa bf mo?" nagulat pa siya nang hindi niya namalayang nakalapit ang kasamang nurse na si Tanya. At gusto pa yatang makibasa sa text message ni Ram! Kulang na lang ay agawin sa kanya ang cellphone niya upang mas mabasa nang mabuti ang nakasulat doon.

Mabilis niyang binura ang mensahe ni Ram. "Galing ito sa kaibigan ko, at isa pa wala pa akong bf," nagtitimping sabi niya.

"Akala ko may boyfriend ka na, e. Alam mo, tinatanong nga din sa akin ni Dr. Tamayo kung may bf ka na raw, sabi ko meron na. Nakita kasi kita minsan na inihatid ng isang gwapong lalaki, akala ko boyfriend mo."

"Kaibigan ko lang si Ram," ulit niya.

"Hayaan mo, sasabihin ko kay Doc may pag-asa pa siya," sabi nito.

"Anong may pag-asa?"

"Hindi pa ba obvious 'yun? Kaya siya nagtatanong kung may bf ka na, e dahil may balak siyang manligaw sa'yo." Kulang na lang ay sabihin nitong ang tanga-tanga niya.

At parang wala siyang kuwentang kausap na iniwan nito.

Yung masungit na doktor na iyon? May balak manligaw sa akin? tanong niya sa sarili.

Si Dr. Allan Tamayo ay isa sa pinakabatang surgeon sa ospital. Ilang beses na rin siyang nag-assist sa isinagawa nitong operasyon, masungit at suplado ang unang impresyon niya rito. Wala man lang ding indikasyong may gusto sa kanya ang doktor kaya nagtaka siya nang malaman sa kasamang nurse na may gusto sa kanya ito. Paano, minsan ay halos makabanggaan na niya ito sa corridor ng ospital pero ni hindi man lang siya nito pinansin. Akala nga niya noong una ay may lihim na galit sa kanya ang doktor.

PALABAS na siya ng ospital nang makita ang isang taong hindi niya inaasahang makikita roon. Nakita rin siya nito at ito man ay nagulat din.

"Alex!" masiglang bati nito nang makabawi.

"Uy, ikaw pala! Muntik na kitang hindi makilala," sabi niya. Naasiwa siya nang makipag-beso-beso sa kanya ang babae, kasi hindi naman sila ganoon ka-close ng babaeng ito noon.

"Dito ka ba nagtatrabaho?" maya-maya'y tanong nito.

"Oo, katatapos nga lang ng shift ko, e. Ikaw anong ginagawa mo rito?"

"May dadalawin lang akong kamag-anak," nakangiting sabi nito ngunit may nabakas siyang kalungkutan sa mga mata nito.

Bigla namang tumunog ang cellphone niya. Si Ram ang nag-text, nasa labas na ito at ilang sandali nang naghihintay. Kilala niya ang kaibigan, ayaw na ayaw nito nang pinaghihintay. Nag-reply siya rito at sinabing umakyat muna ng ospital at may tao siyang ipakikilala.

"Mukhang may date ka pa, a," komento ng kausap niya.

"Kaibigan ko, naghihintay sa labas e."

"Ganun ba. O, sige, you go ahead na, baka naiinip na 'yun. Madadalas naman akong pupunta rito, e. Maraming oras pa tayong makakapagkwentuhan."

"Ok, I'll see you around," sabi ni Alex . Muling nakipag-beso-beso sa kanya ang babae at saka nagtuloy na ito sa elevator ng ospital.

Natanggap ni Alex ang sagot ni Ram sa text message niya. Wala raw itong oras na makipagkilala sa kung sinu-sino. Fine, naisaloob ni Alex. Saka pa lamang siya inis na lumabas na ng ospital.

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon