Chapter 17 - The Revelation

63 30 3
                                    

ABALA si Alex sa pagtatrabaho sa ospital nang lapitan siya ni Tessa kinabukasan. Nais daw siyang makausap nito. Matatapos na ang shift niya kaya sinabi na lang niya rito na busy siya at hintayin na lamang nitong matapos ang trabaho niya. Ang totoo ay naiinis siya sa babae kaya wala siyang ganang makipagplastikan dito, hangga't maaari ay ayaw niya itong makausap.

Ngunit matiyagang naghintay sa kanya ang babae hanggang sa matapos ang trabaho niya. Kaya naman bilang konsiderasyon na lamang ay pinakiharapan niya ito nang maayos. Niyaya siya nito sa isang coffee shop na malapit sa ospital.

"Pasensya ka na, medyo busy kasi ako kanina, e."

"Okey lang, importante lang kasi ang sasabihin ko sa'yo, e. Alam mo, Alex, pakiramdam ko sasabog na ako sa dami ng mga problema, hinanakit at guilt na itinatago ko. Wala akong kaibigan, maliban sa'yo kaya wala akong mapagsabihan ng lahat ng ito. Hindi ko alam kung itinuturing mo akong kaibigan, ngunit kaibigan ang tingin ko sa'yo gaya ng turing sa'yo ng lolo at lola ko."

Napabuntung hininga si Alex. Alam niya, naging unfair siya sa babaeng ito. Naiinis siya kay Tessa gayong hindi naman nito ginusto na magkagusto si Ram dito. Sa tingin niya, bumagsak ang katawan nito at lalo pang lumamlam ang mga mata. Hindi nga malayong may sakit ito, naisaloob ni Alex.

"Mabigat sa dibdib, Alex. At hindi ko na alam ang gagawin ko. Litung-lito na ako. Ayokong may taong matapakan sa mga problema ko, ayokong mandamay ng iba. Pero, ano ang gagawin ko?"

"May maitutulong ba ako?" sinserong sabi niya.

"Malaking tulong na nandito ka ngayon at nakikinig sa akin. Gusto kong sabihin sa'yo ang mga problema ko. Kung kinakailangang sampalin mo ako para matauhan ako sa mga kasalanan at kagagahan ko, pakiusap gawin mo."

Tumango lang si Alex. Ngayon ay nadarama niya ang katapatan ng kausap.

Kung may sakit man ito o kung anuman ang problema nito, malalaman na rin niya ang katotohanan.

"Ang totoo, ilang beses ko nang binalak na magpakamatay. Hindi ko kasi alam kung paano ko tatakasan ang nangyaring ito sa akin. Ilang buwan na lang ay ga-graduate na ako, magiging lawyer na ako. Ngunit hindi ko alam kung dapat kong ikasaya iyon, kung dapat ba akong magdiwang."

Nagpatuloy si Tessa. "Naikwento ko na sa'yo minsan ang tungkol sa amin ni Jeff. Kung paano akong nainlab ng todo sa kanya. Ngunit ang hindi ko naikuwento sa'yo ay ang katotohanang may nangyari sa amin ni Jeff... at ngayon ay dinadala ko ang bunga niyon." Tuluyan nang pumatak ang mga luha ng babae.

Shocked si Alex, ngayon ay unti-unti nang nabubuo ang palaisipan sa kanyang utak. Walang sakit si Tessa. Buntis ito. Kaya ganun na lang ang pagmamadali nitong sinagot si Ram. At ngayon ay nagbabalak nang magpakasal!

"Nahihiya ako sa lolo at lola ko, hindi ko alam kung ano ang sasabihin nila, kung ano ang mararamdaman nila. Naging napakabuti nila ngunit ito pa ang iginanti ko. Proud sila na magkaroon ng apo na abogada ngunit hindi ko alam kung magiging proud pa rin sila kapag nalaman na ang apo nilang magiging abogada ay isa ring disgrasyada."

"At ano ang papel ni Ram, ng kaibigan ko sa lahat ng ito, Tessa?" seryosong tanong ni Alex. Nagtitiim ang kanyang bagang sa galit.

"Aaminin ko sa'yo na ginamit ko lang si Ram na panakip-butas, sinagot ko siya upang malimutan ko si Jeff, upang makaganti kay Jeff at sa mga lalaking manloloko. At plano ko ring ipaako kay Ram ang ipinagbubuntis ko upang makaiwas sa kahihiyan..." patuloy ang pagtulo ng mga luha ni Tessa.

Ngunit nagtalsikan ang mga luhang iyon nang umigkas ang isang kamay ni Alex at dumapo ang palad niya sa mukha ni Tessa. Hindi na niya napigilan ang kanyang galit.

My Bestfriend's LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon