Chapter Eleven

69.5K 1.3K 131
                                    

LIMANG ARAW na ang nakakaraan simula nang bumalik si Hera ng Maynila. Ang kanyang mommy naman ay nasa probinsiya pa rin at mukhang matatagalan pa. Inaasikaso nito ang mga bagay-bagay roon na naiwan ng kanyang lolo. Tahimik na ang lugar. Malayo na sa karahasan at hindi na nangangamba ang mga naroroon sa tuwing aapak sila sa teretoryo ng de Buenavista at Monticello. Hindi katulad noon na ano mang oras ay maaari silang bumulagta na lang sa kinatatayuan.

Siya naman ay maayos naman. Maayos ka nga ba? Tanong ng isang bahagi ng kanyang isip. Hindi pa rin maka-move-on ang puso niya pero alam niyang makakalimot din siya. Hindi nga lang niya alam kung kailan. Nililibang na lang niya ang kanyang sarili. Sa ngayon ay natanggap na siya sa isa sa pinakamalaking TV network ng bansa bilang isang news anchor at siya ay nakatakdang magsimula sa kanyang trabaho sa susunod na linggo. Pagdating niya ng Maynila ay nag-report agad siya sa napili niyang kompanya. Isa sa advantage ng pagiging isang summa cum laude ay trabaho ang maghahabol sa 'yo, hindi na niya kailangan pang kumuha na master's degree.

"Hera, subukan mong makipag-date kay Easton para naman tigil-tigilan na niya ang pangingialam sa buhay ko," ani Alexandra.

Si Easton ay stepbrother nitong si Alex na mahilig pakialaman ang buhay ng babae. Kesyo raw sinisira ni Alex ang pangalang matagal nang iniingatan ng pamilya ni Easton. Itong si Alex naman ay talagang matigas ang ulo o sadyang nananadya lang dahil lalo nitong ginagawa ang mga bagay na ipinagbabawal ni Easton.

"Tigilan mo nga ako, Alex." Kasalukuyang silang nasa Heredera Pub. Kasama niya ang kanyang mga kaibigan na sina Mitzi, Alex at Mia. Nasa counter naman ang isa pa sa mga kaibigan niyang si Rebelle —ang nerd niyang kaibigan na kahit nasa bar ay libro ang hawak. May nakasalpak na headphone na hindi niya alam kung anong musika ang pinapakinggan.

"Move on na, Hera, huwag mong masyadong damdamin ang kasawian mo sa pag-ibig at baka sa mental ka niyan bumagsak." Pinatirik ni Hera ang mata sa sinabi ni Alex na katabi niya. Alam na ng mga kaibigan niya ang buong kuwento tungkol sa mga nangyari sa bakasyon niya.

"Palibhasa kasi hindi ka pa na-i-inlove," sabi naman ni Mia na nakaupong katabi ni Mitzi sa katapat nila. Si Tobby naman ay nakaupo sa katabi lang din niya. Ito ang inatasan ni Mr. Sao na maging guardian ni Mitzi

"Bakit, ikaw na-in-love na?" tanong ni Alex kay Mia at tanging kibit-balikat lang ang sagot nito.

"Sobra naman kasi ang nangyari sa 'yo, Hera. God, ngayon ka lang na-in love sa taong hindi ka pa mahal. Kailangan mo na lang tanggapin na magiging magkapatid na lang kayo at ibaling mo na lang kay Easton ang nararamdaman mo. C'mon, Hera, date with Easton, please." Inirapan niya si Alex. Napakakulit talaga ng isang kaibigan niyang ito.

Pero natigilan siya nang lumagpas ang kanyang tingin kay Mitzi at makita niya ang pamilyar na lalaki na halos gabi-gabi ay dinadalaw siya sa panaginip. Gideon!

Napailing siya. Pati ba naman dito makikita niya si Gideon. Lumalala na yata ang pangungulila niya para sa binata. Hindi na lang sa panaginip siya dinadalaw. Muli siyang tumingin sa direksyon kung saan niya nakita si Gideon. Napamaang siya nang makita pa rin niya ito. She blinked her eyes multiple times ngunit naroroon pa rin ang imahe ni Gideon. Tumingin ito sa direksyon kung nasaan siya. Lumingon ang lalaking katapat nito at halos malaglag ang kanyang panga nang mapagsino ang lalaki.

"Barok?" usal niya. Kung gayon ay si Gideon nga iyon. Ano'ng ginagawa nila rito? Napako naman ang mata niya sa babaeng katabi ni Gideon. Maganda ang babae, halatang-halata ang foreign blood nito pero napakasimpleng manamit. Inilapit ng babae ang sarili kay Gideon, inilapit naman ni Gideon ang mukha sa tainga nito na halatang may ibinulong.

"Jeff," tawag niya sa dumaang waiter at agad naman itong lumapit sa likuran niya at umuklo para marinig ang sasabihin niya.

"Nakikita mo ba 'yong lalaking mahaba ang buhok, nakaupo malapit sa bar counter?" tumingin si Jeff sa gawing sinabi niya.

Heredera Series 1 - HERA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon