chapter 1

4 0 0
  • Dedicated kay Allyson Joy Cipriano
                                    

Date:  Hunyo 21, 1998.. Lingo

Time: 10:00pm

Location: Cupang, Muntinlupa, City

Sa tindahan ni Aling Letty, nakatambay lang at nagsusulat ng kung anu-ano

D,

Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin ngayon araw na 'to. Parang may crush na yata ako ngayon. Nakakatawa ba? Kahit sarili ko pinagtatawanan ko. Late na yata ako magka-crush. Twelve na 'ko pero ngayon ko palang naramdaman ito.

'Wag mo kong tatawagin tanga at boba ha? Ang crush ko kasi..isa't kalahating gago, basagulero at negro!

LOVELY STREET

Napalingon ako ng sitsitan ako ni Nere -numero unong batokera at okray queen na kababata ko. Nakalapit siya ng 'di ko namamalayan sabay batok sa akin. Napasubsob ako ng bahagya bago ko siya tinitigan ng masama.

Naka-peace sign siya at laki ng ngiti.

"Ako na naman ang nakita mo!" angil ko sa kaniya sabay himas sa ulo ko. "Marami na 'kong bukol ah!"

"Asus, eto naman." pabiro naman niyang hinimas din ang ulo ko. "Musta na? tuloy ba tayo mamaya?"

Ang sinasabi niya na 'tuloy mamaya' ay magbabakod kami ng mga pananim namin sa maliit niyang hacienda. Hindi ko siya sinagot bagkus ay naglakad ako papunta sa tindahan ni Aling Letty.

"Mangungutang ka?" pang-asar na tanong sa akin ni Nere.

"Na naman!" sagot ko naman sa kaniya na may bahid ng inis.

Sa totoo lang, ayokong nangungutang, pero ano naman ang kakainin namin kung 'di ako mangungutang? Dapat sana sina ate kaya lang naghahanap naman ng trabaho ang mga iyon. Kung sina kuya naman, baka palo lang maabot ko sa kanila kapag sinabi kong sila nalang ang mangutang. Ang hirap maging bunso!

Narinig kong nag-tsk siya at sinundan niya ako. "Hindi ka ba nahihiya, Bansot?"

Napaikot ang mga mata ko sa tanong niya. Mahihiya? Ako? Kasing kapal na ng pader ang mukha ko para makaramdam pa 'ko ng hiya.

"Pagkain naman ang uutangin ko eh." depensa ko naman.

Malaki ang tindahan ni Aling Letty at marami laging laman. Hindi ko masasabing sila na ang pinakamayaman sa lugar namin pero siya lang ang alam kong nakakatulong sa Nanay ko. Magkababata kasi sila at mag-bestfriend.

Nang makalapit kami sa tindahan ni Aling Letty, nakabusangot ang may-ari. Parang may nangyaring di maganda sa tindahan dahil kinakausap..hindi sinisigawan pala niya ang mga tindera. Sa lakas ng boses ay dinig ko ang pinagtatalunan nila.

Napalaki ang mga mata ko ng marinig ko na may nagnakaw ng mga case ng beer sa bodega ng tindahan. Napakapit sa braso ko si Nere. Kitang-kita rin niya kasi ang mukha ni Aling Letty. Galit na galit ito at hindi maganda ang timing ko dahil mangungutang ako.

"Halika na, Bansot. Bigyan nalang kita ng pagkain." anas ni Nere.

Inis na iwinaksi ko ang braso ko na kapit niya. "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo, Nere, na ayaw ko na kinakaawaan ako?"

Nakatikim ako ng batok sa kaniya. "Gaga! sa tingin mo naaawa ako sa'yo? Mangarap ka! Nakikita mo ba mukha ni Nanang Letty ha?" Inilapit pa niya ang mukha ko sa salamin na pintuan ng tindahan para lalo kong makita ang galit na galit na anyo ng matanda. "Ikaw ang mapagbubuntunan ng galit ng matandang 'yan!"

Kumawala ako sa hawak niya. "Wala kaming kakainin, Nere. Wala pang pinapadalang pera si Tatay at-" hiyang hiya na ko sa'yo.. Hindi ko naisatinig iyon. Malaki ang naitulong sa akin ni Nere. Sapat na iyon. Ayokong abusuhin ang mga taong mahalaga sa akin.

Magsasalita sana si Nere nang lumagpas ang mga mata nito at manlaki ang mga mata. Napalingon ako at nakita ko ang kuya ko at isang lalaki na marahas na hinihila ng mga barangay tanod. Kasunod ang mga taong nakikiusyoso at nagmumura.

Napatakbo ako bigla.

"Kuya ko! Kuya ko 'yan! Saan niyo dadalhin ang kuya ko?!"

Nakita kong halos nasa ulo na ni kuya ang suot niyang t-shirt dahil hila-hila ito ng  barangay tanod at yung lalaki naman ay wala ng pang-itaas. Nakikita ko na ang brief niyang suot at napangiwi ako dahil parang hindi naliligo sa sobrang itim ang lalaki. 

Marahas nilang hinihila si kuya na pumapalag sa humahawak sa kaniya. Nakita kong tumaas ang kamay ng tanod at akmang  hahatawin niya ng batuta ang kuya ko sa tagiliran ng kumapit ako sa baywang niya.

"Kuya ko!" sigaw ko at mahigpit pang kumapit.

"Bansot!" narinig ko naman tinawag ako ni Nere.

"Anak ng-!" Narinig kong mura ng lalaking maitim. "Ano bang kasalanan namin ha?"

Ang mga tao ang sumagot sa tanong ng lalaki. Magnanakaw daw ang kuya ko at yung lalaking nakahubad. Ninakaw daw nila ang limang case ng beer ni Aling Letty. Parang sasabog ang ulo ko sa narinig. Bakit iyon nanakawin ng kuya ko? Limang case ng beer? Oo nangungutang kami, pero hindi kami magnanakaw!

Napahinto si kuya sa pag-alma at para rin siyang nilakihan ng ulo sa narinig. Kitang-kita ko kung paano nangunot ang noo niya at tumigas ang panga niya.

Ang lalaking nakahubad ay biglang humagalpak ng tawa. Sa nakikita ko, para siyang baliw na pumiksi sa tanod na may hawak sa kaniya at pumalakpak.

"Putsa!" Iiling-iling nitong mura. "Kung magnanakaw ako, yung malaki na..Puta, limang case ng beer lang?! nakakatawa!"

Napailing ang mga barangay tanod. Hindi ko maintindhan pero gusto ko rin matawa. Nakakahawa ang tawa ng lalaking maitim.

Mahaba ang buhok niya. Naka-pony at makintab. Ang puti ng mga ngipin niya. Kulay kape ang mga mata niya at ang hahaba ng mga pilikmata. Gusto ko man ibaling ang tingin ko sa mga tao, hindi ko magawa. Parang may sariling isip ang mga mata ko at ayaw umiba ng tingin.

Pinakatitigan ko ang mukha niya. Ang tangos ng ilong at ang pula ng mga labi niya. kahit na medyo may kaitiman ang balat niya. Napahagod ako ng tingin sa katawan niya. May kalakihan din ang katawan niya, magkasing katawan na yata sila ni kuya. Pero mukhang bata pa siya.

Nang bumalik ang tingin ko sa mukha niya ay matiim niya akong tinititigan. Agad ko naman naramdaman ang pag-iinit ng pisngi ko sa pagkapahiya. Alam ko masamang tumitig sa tao, pero hindi ko mapigilan.

"Nagustuhan mo ang nakikita mo?" Kitang-kita ko ang sulok ng bibig niya na bahagyang umangat sa ginawang pag-ngiti.

Bigla akong pinanghinaan ng tuhod. Para akong tutumba at ang lakas ng tibok ng puso ko. Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya.

"Bansot.." untag sa akin ni kuya. Napabaling ang tingin ko sa kaniya. Napakagat-labi ako. "Sabihin mo kay Nay na 'wag siyang mag-alala." nasa boses ni kuya na nakokonsensiya ito sa ginawa.

"Wala akong ninanakaw, sabihin mo yan kay 'Nay."

Napahikbi ako. Bakit ba kasi ang hilig ng mga kuya ko na makipag-away tapos nakokonsensiya? Bakit ba sa tuwing napapaaway ang mga ito ay ako ang nakakakita at taga salo ng mga konsensiya nila? At bakit ba bumabalik ang tingin ko sa lalaking maitim?

Nakatingin lang siya sa aming dalawa ng kuya ko. Tinanguan niya ako at naglakad na palayo kasama ang mga barangay tanod.

Tinulak na nung isa ang kuya ko para sumunod. Nakita ko pa si Aling Letty na pinagmumura ang kuya ko at yung maitim na lalaki. Ano na gagawin namin? Tiyak sa barangay hall na matutulog si kuya. May pera kaya si 'Nay para makalabas si kuya?

"Bansot.." Lumingon ako kay Nere. Nakangiti siya sa akin at gusto ko man umiyak sa harapan niya ay huminga na lamang ako ng malalim at malungkot na napangiti.

"Maglagay na tayo ng bakod sa taniman natin." yaya ko na lamang sa kaniya.

If OnlyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon