Matapos mong hipan yung birthday cake mo at yakapin ang pagiging "sweet sixteen", kaakibat nito ang katotohanang kailangan mo nang mag-"Goodbye" sa mga ala-ala ng iyong matamis na "High School Life" at mag-"Hello" sa nagmumurang "College Life" na kanina pa naghihintay sa'yo.
Oo! Tadtad ka pa ng "Separation Anxieties" sa pagkapit sa mga kaibigan mo, sa High School campus ninyo, sa mga subjects mong lakas maka-amats, sa mga mangkukulam mong teachers na halos nang sumira sa mga pangarap mo sa buhay, at sa mga co-teachers nilang anghel na nagpagaan ng buhay mo noong High School.
In denial ka pa sa sarili mo. Akala mo habang buhay kayong magkakasama ng tropa mo at hindi na matatapos yung pag-Ninja Moves mo kay High School crush, pero sinira 'yon lahat ng isang papel: Ang High School diploma mo!
Oo! Ga-graduate ka na! Hindi naman puwedeng diyan ka na magpaka-hukluban sa High School.
Kasabay ng paghuhubad mo ng toga ang katotohanang hindi ka na bata. Kailangan mo nang lisanin ang kinagisnan mong school campus, iwanan ang desk mo na tadtad ng vandalisms at nagsilbing kanlungan ng pwet mo sa loob ng apat na makukulay na taon ng buhay mo.
Bitbit mong isa na namang papel: Ang college application form mo. Ang magdidikta kung tutuloy ka na ba sa next level oh kung game over ka na at mapapasama na lang sa dumaraming bilang ng "Out of School Youth".
"Kaya ko 'to!"
Sabi mo pa sa sarili mo with full conviction. Pero nang makita mo yung tanong sa form: "What is your first choice of college course?", kumuha ka na lang ng panyo ng El Shaddai at pinunasan ang noo mong nabasa sa pawis, saka nag-back track sa mga nangyari sa buhay mo para maunawaan kung ano ba talagang landas ang nais mong tahakin.
Alin ba sa higit 200 courses na nakalista rito ang aakma sa kakayahan ng kokote mo? Alin ba sa mga courses na 'to ang mag-aahon sa pamilya mo sa kahirapan? Alin ba sa mga courses na 'to ang hindi nangangain ng tanga?
Sabi nila, stepping stone raw ang college para makamit mo ang mga pangarap mo. Parang ang dali-dali lang. Parang pupunta ka lang sa Registrar, sasambitin mong lahat ng mga pangarap mo sa buhay, at taos puso ka na niyang bibigyan ng College Diploma, pero hindi pala ganoon kadali 'yon. Hindi parang prutas na susungkitin mo lang sa puno.
Kailangan mo muna palang magsunog ng kilay (at buhok sa kili-kili) para maipasa ang "College Entrance Exam" matapos mong piliin kung anong kurso ba talaga ang tinitibok ng puso mo.
Kailangan mo pa palang magpasiklab sa "College Interview" dahil hindi lang nakukuha sa matatamis na ngiti at makamandag na kindat ang Dean na mag-iinterview sa'yo.
Hindi lang pala natatapos sa "Entrance Exam" ang mga exams na susubok sa tatag ng ipinahid mong deodorant, dahil sandamakmak pang exams, midterms, quizzes, oral recitation, research reports at iba pang uri ng assessment ang magpapa-iyak sa emotional mong kili-kili.
Ano bang kinakaharap ng isang nangangarap na maka-graduate ng college?
Mahabang kwento 'to, pero tiyak kong makaka-relate ka dahil sa isang banda ng buhay mo eh nag-college ka rin, nang-away ng prof, nagka-crush kay prof, at nagpa-cute kay prof. Lol.
Sa isang banda ng buhay mo, nag-submit ka rin ng excuse letters (na punong-puno ng excuses), nag-bayad ng cake or pizza bilang "project" para maisalba yung "incomplete grade" mong naghuhumiyaw ng hustisya.
Yung grade mong "Kwatro" na isang ubo na lang eh masasawi na sa pagiging "Singko" pero pinagsusumikapan mo pa ring isalba sa purgatoryo. Lol.
Sa isang banda ng buhay mo, nakadaupang palad mo rin si college crush, yung diwatang sumibol sa campus ninyo na tila magnet na humihila sa mga namimilog mong mata.
Para 'to sa mga naging kasama ko sa pakikibaka sa college life,
sa mga magka-college pa lang,
at maging sa mga hindi na nakapag-college (Hindi pa huli ang lahat! Tuparin mong pangarap mo!)
Para 'to sa mga gabing pumuyat sa'tin sa pagtapos ng project sa minor subjects na kung magpagawa ng homeworks at research eh akala mo major subjects.
Sa mga 'Thesis Proposals' mong isang daang beses pina-revised ng halimaw ninyong prof.
Para sa mga Math at Chemistry subjects na tatlong beses mong inenroll at ibinagsak, inenroll at ibinagsak, inenroll at ibinagsak (repeat until fade. Lol).
Para 'to sa'yo!

BINABASA MO ANG
College Life: B.S. Biology For Dummies (The struggle is real!)
HumorNaaalala mo ba kung gaano ka-tragic yung college life mo? Yung mga grades mong nama-muck you? At yung thesis mong ipinag-rosaryo mo pa sa poong Nazareno, 'wag lang ma-reject ng prof n'yo? Para sa mga Math at Chemistry subjects na tatlong beses mong...