Chapter 7: Pahapyaw na listahan ng mga pabebe mong prof
Ito ang humahabang listahan ng mga prof mong magkasabay na magpapagaan at magpapahirap sa buhay mo sa kolehiyo. Mahaba-haba ito pero bibigyan lang natin ng kaunting pahapyaw bago natin sila ipakilala sa mga susunod pang kabanata ng buhay college mo.
Micro Biology - Yung Prof ninyo sa Subject na ito na bukod sa mukhang pusod ng bata eh may taglay ding katangiang ng pagiging corrupt. Bukod sa hindi maipaliwanag na pagtaas ng presyo ng mga hand outs (na hindi naman lumilitaw sa exams ang laman) eh wala ka na ring matandaan sa subject niya. Ay, mayroon pala! Yung "Candle Making" nung Histology class niya. Tipong niru-ruler mo pa yung wax cube na may lamang tissue ng frog para maging perfect square at sinasandok yung Paraffin sa kumukulong kaldero na parang may feeding program lang. Lol.
Iba ang bangis ng prof niyo na 'to pagdating sa pagtuturo. Dahil bawat parte ng lesson niya eh kaya niyang paikutin at palabasin na alam niya yung itinuturo niya kahit kasalungat naman yung nakalagay sa libro. Pero ang unang rule, "bawal ibisto na mali ang itinuturo niya kung ayaw mong makakita ng nagmumurang '5' sa class card mo!". Wala kang natutunan sa kanya dahil bukod sa pagpapaulan ng masaganang laway sa klase, hindi malinaw yung patutunguhan ng mga lessons niya. Parang yung subject niya sa mga estyudyante ng "Educ" (BS Education) eh yung din yung same lesson na ituturo sa inyo kahit hindi naman iyon yung nakalagay sa "syllabus" ng subject description niyo sa kanya. Parang gusto lang niyang makatipid ng panahon at para lang mairaos yung period niyo at memasabing nagturo siya kahit papaano.
Tumambling na lang kayo isang araw ng magpa-exam siya ng tungkol sa mga "antibiotics" eh yung hand outs na binili ninyo sa kanya at dibdiban niyong ni-review kagabi eh wala naman palang maitutulong dahil ni isang sagot sa exam niya eh hindi matatagpuan sa hand outs pinamudmod sa inyo. Nagpalusot na lang siya na 'wag na lang intindihin yung exam na 'yon. Other way of saying na iro-roleta na lang niya yung mga grades namin at iaasa sa kapalaran kung sinong papasa at kugn sinong babagsak. Marami pang pasabog ang prof niyo na ito pero bitinin muna natin ng kaunti.
Genetics - Yung prof niyo rito eh isa sa mga endagered species ng pamantasan. Mga magagaling magturo pero kulang sa individuality. Parang laging mangangagat 'pag nasa labas na ng klase at tipong mahihiya kang kausapin dahil hindi ganoon ka-approchable. Nerdy type at may bahid ng pagka-geek. Dahil sa kanya, nalaman mo na may pangalan pala yung mga maliliit na langaw na namemeste sa lamesa niyo araw-araw (at hindi pala siya langaw). Nakilala mo ang mga "Fruit Flies" na nagtatago sa masalimuot nilang scientific name na "Drosophila melanogaster". Pinarami niyo sila sa bote ng peanut butter na nilagyan niyo ng dinurog na saging para lang makita yung pagkakaiba ng ilang henerasyon ng mga langaw dahil maiksi lang ang life span nila. Nagulat na lang yung mga magulang mo ng mag-aagahan sana sila at naghahanap ng palaman ng biglang pagbukas nila ng bote eh sumambulat sa mukha nila ang sang katerbang maliliit na langaw na parang mga nabulabog na insektong nagsusumigaw ng "freedommmmm" habang lumalabas sa bote. Napalo ka ng araw na iyon! Sarap!
Embryology - Yung prof niyo rito ang nagpakilala sa inyo ng mga konsepto ng paggawa ng bata. Nalaman ninyo na bukod sa may obaryo rin pala ang mga baboy, may mga biik na biktima rin ng mga ina nilang aborsiyonistang baboy. Lol. Bawat grupo sa klase ay may kanya-kanyang fetus ng baboy na ilalatag sa dissecting pan para gulanit-gulanitin, kalikutin at ipagtirik ng kandila dahil musmos pa lang sila eh inagawan na ninyo ng kabataan at kinabukasan. May mga moment pa sa buhay ninyo na sobrang nakokonsensya kayo habang nakatitig sa nakapikit na fetus ng baboy at tila napapa-Walling ka na lang sa dinding ng laboratory room niyo habang sinasabing "Ang lupit-lupit ko! Ang bata-bata pa niya para lang embalsamuhin ng ganito!" Pero joke lang 'yon, sa huli, wala pa rin kayong konsensya at minsan ngang ini-itsa niyo lang yung bangkay ng baboy sa liblib na parte ng school ground na lumikha ng isang malaking iskandalo kinabukasan dahil sa masangsang nitong amoy. Dami niyong natutunang mabubuting bagay sa Embryology class. Lol.
Sociology: Politics and Governance - Yung prof niyo ditong lakas maka-pambansang tambiyolo na kung gaano ang itinaba ng pangangatawan eh siya namang ikina-malnutrisyon ng utak, ay isa sa mga humahabang listahan ng mga prof sa unibersidad niyo na tila naglilimlim lang ng itlog sa faculty room at ni hindi mo makuhanan ng sustansya sa klase. Hindi naman sa pangdadaot ng mga naging guro niyo pero kung magulang mong magulang nila na naghirap para lang magbayad ng tuition na ipapasweldo sa mga iresponsableng guro niyo, maiintindihan mo kung bakit ganito katabil ang dila ng sumulat nito. (I love the negativities! Sobrang puspos ng rants. Lol.)
Organic Chemistry - Bukod sa pagunawa sa "hydro carbon chains", dito rin sa subject na 'to niyo nakilala yung prof niyong muntik nang kumalakad sa inyo sa dean's office dahil lang nabanggit niyo ng mahina sa kapwa kaklase ang salitang "gagu". Eh kung 'yon pa lang eh muntik na niya kayong balatan ng buhay, ano pa kaya kung marinig niya sa tropa mong sanggano yung "higher level of profanities" na araw-araw niyang bukambibig 'pag nagkukwento, nagugulat oh nauubo? Baka mataranta na lang yung prof niyo na bungkalin ang mga bibig niyo at puwersang pagmumugin ng holy water para naman matanggalan ng bad spirits sa katawan. Lol.
Humanities - Si Sir Laderas ang prof niyo! Teka lang. "Ano yung Humanities at sino si Sir Laderas?", sabi mo sa isip mo. Wala kang maalala dahil wala naman din kayong natutunan sa klase niya. Parang tatlong beses lang siyang pumasok sa inyo, pagkatapos noon, parati na siyang Missing in Action dahil puno ang schedule niya ng mga meetings, seminars at iba pang bagay na wala namang kaugnayan sa klase niyo. Ang pinaka-kamangha-mangha doon eh may na-compute pa rin siyang grade sa inyo sa kabilang ng mga nawawalang exams at mga nasunog na oras ng klase. Mahihiya ang "instant noodles" sa "instant grades" na ipinaskil niya sa mga class cards niyo.
Statistics - Sino bang makakalimot sa prof niyong si ma'am Pengs, sa strong accent niya at sa kanyang nawawalang leeg? Nasulasok kayo sa pag unawa sa mga numero sa subject niya. Puro graphs, tables, summation, kurtosis, Chi Square at mga kaklase mong kopyahan ng kopyahan habang ikaw eh kulang na lang eh mag-shabu maintindihan lang kung anong difference ng "positively skewed" sa "negatively skewed" distribution ng group samplings.
*** To be continued ****
Kailangan kong bungkalin mula sa baul yung mga luma naming course syllabus at hindi ko na maalala yung iba naming subjects at prof. Lol.
Babala (Asawa ulit ni Babalu): Ang kwentong ito ay naisulat hindi upang laitin yung mga prof oh magbigay ng negatibong pananaw sa kursong nabanggit, kundi upang ihayag ang mga "personal" na nangyari sa buhay kolehiyo ng sumulat nito. Maaring pareho tayo ng eskwelahan, prof at naging kalagayan pero mas malamang sa malamang eh sa hindi, kaya "bawal mag-genealized: Nakakamatay!". :)
See you next chapter!
*** Estimated time of update: Next Month na po siguro ulit. Pasenya na po't medyo kailangan ding sumocial life ng author. Lol. ***
BINABASA MO ANG
College Life: B.S. Biology For Dummies (The struggle is real!)
HumorNaaalala mo ba kung gaano ka-tragic yung college life mo? Yung mga grades mong nama-muck you? At yung thesis mong ipinag-rosaryo mo pa sa poong Nazareno, 'wag lang ma-reject ng prof n'yo? Para sa mga Math at Chemistry subjects na tatlong beses mong...