Going Crazy I

457 12 7
                                    

“Hello?...”

Ang boses mo…

“Sino ‘to?...”

Ang natatangi mong boses…

“Su..sumagot ka!...”

Kay sarap nitong pakinggan…

“Ano ba! Sino ka ba talaga?...”

Kaya huwag ka sanang magagalit sa’kin…

“Kung wala kang sasabihin, huwag mo na akong tawagan!”

Gusto ko lang namang marinig ang boses mo bago ako matulog…

“PWEDE BA! TIGILAN MO NA AKO!!”

Yun lang ang kailangan ko, Serra…

♪ This cannot be love.

This is not what I call love.

It’s you, playing with my mind. ♪

Buo na ang araw ko.

Matapos kong marinig ang boses niya. Muli kong ibinaling ang paningin ko sa aking sketchpad. Laman nito ang portrait ni Serra na kakatapos ko lang iguhit. Kahit na sa drawing lang, hindi pa rin mapigilang kumabog ng dibdib ko. Habang tinititigan ko ang matamis niyang ngiti at mapupungay niyang mga mata, nabubuhay ang puso ko.

Idinikit ko sa dingding ng kwarto ang portrait ni Serra. Inilagay ko ito katabi ng mga dati ko pang mga nagawang mga sketches sa kanya.

Walang araw na hindi ko siya iginuhit.

Ang buhok niya. Ang mata niya. Ang ngiti niya. Ang labi niya. Ang mga kilos niya. Lahat ng ito’y nakabaon na sa aking puso’t isipan. Sa pamamagitan ng papel at lapis, binibigyang buhay ko ito.

Dahil, sa ganitong paraan  ko lang siya makakasama ng malapitan.

♪ Your eyes are set on me,

Always watching over me.

Let me go. I don’t love you anymore. ♪

Magdamag akong naghihintay sa ilalim ng makulimlim na kalangitan.

Mabuti na lang at hindi nasayang ang paghihintay ko.

Nakita ko nang paparating na si Serra mula sa pinapasukang trabaho. Halos tatlong oras din akong naghihintay dito sa may eskinitang lagi niyang dinaraanan. Ang totoo niyan, palagi akong nakabantay sa kanya ngunit hindi niya lang alam.

Pero, hindi lang naman ang pagsunod sa kanya ang ginagawa ko. Marami rin akong nalalaman tungkol sa kanya. Alam ko kung saan ang bahay niya. Alam ko ang paborito niyang restaurant at ang simbahang madalas niyang pinupuntahan. Lahat ng mga pangyayari sa buhay niya, kahit maliliit na detalye alam ko.

Para sa’kin, isa siyang droga. Hindi ko siya mabitiwan.

Ganoon katindi ang pagmamahal ko.

Kaso, ni minsan, di ko sinubukang lapitan siya. Masaya na ako sa malayo. Tahimik na nakamasid sa kagandahan niya. Sapat na iyon para mabuhay ako sa araw-araw. At isa pa, ayokong makita niya ako.

Ayokong katakutan niya ako. Ayokong pandirihan niya ang mukha ko.

Sabihin niyo nang stalker ako, wala akong pakialam.

Ito ang kaligayahan ko.

♪ No, not gonna want you running from me.

No, not gonna love nobody but me.  ♪

Habang sinusundan ko siya, bigla akong napatigil nang makita ko siyang napapasandal sa isang poste. Mukha siyang nahihilo. Nanghihina. Gusto ko sana siyang tulongan pero hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Hindi ko siya magawang lapitan.

Ngunit malalim na ang gabi at walang ibang tao sa paligid kundi ako lang.

Pinilit ko ang aking sarili. Dahan-dahan akong lumapit sa kinalalagyyan niya hanggang sa isang hakbang na lang ang pagitan naming dalawa. Dun ko napansin ang pamumutla niya. Nakapikit ang mga mata niya at mukhang nahihirapan na talaga siya. Hindi rin nakatulong ang pag-ihip ng malamig na hangin. Kaya, kasabay ng pagbagsak ng ulan ay siya ring pagkahimatay niya.

Agad ko siyang inalalayan at sinalo sa’king mga bisig. Noong mga panahon na iyon, abot langit ang kabog ng dibdib ko. Animo’y sasabog ang puso ko ngunit hindi ko alam kung dahil sa kaligayahan o dahil sa pag-aalala.

Dahil sa loob ng mahabang panahon, ngayon ko lang siya nahawakang muli.

♪ You try to go,

but if I ever see you leave,

I’ll find you easily.

You’ll never be free from me. ♪

Isang taon na mula nung nadawit ako sa isang malaking sunog. Sa awa ng Diyos, nabuhay naman ako. Pero katumbas naman nito, ang pagkakaroon ng mga sugat na habambuhay nang hindi maghihilom. Isang napakapangit na perklat na palaging magpapaalala sa’kin na kailanman hindi na maibabalik ang dati kong buhay. Ang dating ako.

Simula noon, sa’twing lumalabas ako, kinakailangan kong itago ang kanang pisngi ko. Sinubukan kong magsuot ng mga damit na may hood o kaya magsuot ng face mask pero hindi pa rin sapat. Kahit na siguro lagyan ko pa ng bandage ang buong mukha ko, makikita’t makikita pa rin nila ang nalapnos kong balat. At kapag nangyari yon, lahat sila ay matatakot sa’kin dahil halimaw na ang turing nila sa’kin.

Kaya sino ba naman ang hindi matatakot?

Maging ako, ayokong titigan ang aking sarili. Ni isang salamin, wala kayong makikita sa kwarto ko. Tulad nila, ayokong makita ang aking repleksyon. Kaya hindi niyo ako masisisi kung kinailangan kong itago ang sarili ko, lalo na sa taong pinakamamahal ko.

Gusto ko lang namang mabuhay sa isang mundo ng pagkukunwari, na kahit di ako nakikita ni Serra ay tanggap pa rin niya ako. At kahit na wala ako sa tabi niya, ang dating ako pa rin ang maalala niya.

Ngunit sa gabing ito, hindi ko na siya matatakasan pa.

/part II is posted. Click the next page. :))/

His Sad Songs - oneshotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon