Kabanata III

88 37 1
                                    

NAGISING siya sa pagbagsak ng magaspang na bagay sa kaniyang pisngi- isang kulay kaki na dahon. Sa ilalim ng kaniyang mga payat na braso ay ang malambot na sapin ng damong hinihigaan niya. Minulat niya ang kaniyang mata sa asul na kalangitan, na tanging sa mga libro niya lamang naeengkwentro. Ang samyo ng hangin ay hinahagod siya na parang yakap ng isang Ina, walang halong dumi, ang intensyon lamang ay bigyang buhay siya.

ANG sikat ng araw na tumatama sa kayumangging balat ng dalaga ay sapat na para gisingin ang kaniyang diwa. Sandali siyang pumungay-pungay sa kisameng maraming tapal mula sa pagkakabutas nito dahil sa kalumaan.

Pagkatapos muling gusutin ang mata ay bumangon si Ellyn upang simulan ang kaniyang araw. Sinisi niya ang panaginip sa mga librong nababasa. Mabilis niyang ginawa ang pang-umagang seremonyas saka tumungo sa kusina kung saan naririnig niya ang pagkalampag ng mga plato sa lamesa.

Bihis na bihis ng polo na nakatupi ang manggas hanggang sa kaniyang mga siko, kupas na pantalon at latad na sapatos na manipis na ang suwelas, habang naghahain ng almusal ang isang binatang hindi nalalayo ng hitsura sa kaniya, abelyanang kutis sa itim at maigsing buhok. Matikas ang pangangatawan nito ngunit ang mahaba niyang pilikmata at manipis na pulang labi ay nagpapaamo sa dating niya.

Bago umupo ay inayos niya ang salaming nakapatong sa matangos niyang ilong, ang isang lente nito ay may maliit na basag sa gitna. Nakangiti niyang pinanood kumuha ng baso ng tubig ang nakababatang kapatid na permanente na ata ang simangot sa mukha.

"Ang aga-aga, mainit na naman ang ulo mo," natutuwa nitong komento. Maging pananalita nito ay malumanay pa sa mga ulap sa kalangitan.

"Paano ba naman, Levine," panimula nito bago umupo sa harap ng kapatid, "ang aga-aga nalalanghap ko na ang alinsangan ng mga produkto ng mortal kong kaaway. E wala siyang kaelega-elegante sa paggawa! Hindi niya nirerespeto ang siyensiya sa likod ng paglikha ng mga pabango!"

"O tahan na. Iiyak ka naman kaagad," tukso ng binata bago uminom ng kape.

Ang magkasalubong na kilay ni Ellyn ay mas lalong nagdugtong, "Tahimik!" Pagkatapos umalik-ik ay pinagbigyan ng binatilyo ang kapatid sa katahimikang nais nito habang kumakain.

Walang iba sa kaniyang silid, ang hapag kainan ay halos lamunin sila sa liit. Magkakasama sa isang sulok ang mga kaldero, kawali, takure, mga sandok. May bintanang pinagkukuhanan nila ng liwanag sa pagtitipid ng limitadong kuryenteng nanggagaling sa chartered zone.

Tila ano mang oras ay gigiba ang tirahan nilang binuo gamit ang mga sawali at gabilya. "Ako nang magliligpit nito," prisinta ni Ellyn saka tumayo. Sinundan siya ni Levine at hinawakan sa mga balikat para itulak pabalik sa upuan.

"Sandali. Umupo ka muna."

"Ano na naman?"

Muling nag-ayos ng salamin ang binata. "May regalo ako sa'yo." Sandali itong nawala sa pananaw nang pumuntang palikuran at bumalik na may dalang kahon.

Bumuntong hininga si Ellyn saka ito binuksan. "Bestida?" Nagagalak na kinuha ni Levine ang dilaw na bestida at inilahad ito para makita ng kapatid.

"Bagay sa'yo, 'di ba?"

Rumolyo ang mata ng dalaga. "Hindi ako nagsusuot ng ganyan." Padabog itong tumayo at akmang aalis nang maabot ng binata ang pulsuhan niya.

"Ellyn, bibisita tayo kila mama sa ayaw at sa gusto mo." Marahas na inagaw ng dalaga ang braso niya.

"Para saan pa? Patay na sila!" maluha-luha nitong bulalas. "Kung gusto mo talagang mapasaya sila kung nasaan man sila ngayon, ititigil mo 'yang pagsipsip sa mga monarkiya!"

Sinuklay ni Levine ang buhok patalikod ng mga mahahabang daliri. "Ito ang negosyo ng pamilya natin; pangangalakal. Anong gusto mo, hayaan ko na lang 'tong bumagsak?"

Safrole [PUBLISHED UNDER THINKTA PUBLISHING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon