Kabanata IX

83 29 0
                                    

"Topher!" Tumakbo si Ellyn sa tabi ng nakadapang aristokrato. Kumakabog ang puso niya mula sa adrenalin at idagdag pa ang pag-aalala para sa kaibigan.

Binaliktad niya si Topher at sinandig ang ulo sa kaniyang kanlungan, nagimbal sa resulta ng pagsabog. Ang damit nito ay guray-guray. Ang leeg ng binata hanggang noo ay sunog mula sa eksplosyon. Nawala na ang bakas ng makisig at masayahing kaibigan niya at dahil dito ay hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha.

"Ellyn," tawag ni Erince. Dahan-dahan niyang ibinaba ang ulo ng binata. Kumikirot ang puso niya sa bawat segundo na tinitingnan ang nangyari rito. "Ellyn!" muli itong tumawag ngunit mas mariin.

"Ano?!" singhal niya ngunit natigilan nang makita ang pamilyar na mukha ni Olivier at isang sundalo na nakatutok kay Erince. Tumayo siya nang dahan-dahan, nakataas ang dalawang kamay senyal ng pagsuko.

"Alam mo bang ang tanging utos sa'min ay dalhin ang katawan ninyo?" umaalik-ik na saad ni Olivier. "Patay o buhay, wala silang pakialam."

"Kung gano'n, ano pang hinihintay mo?" pagmamatapang niya. Mula sa dulo ng kaniyang paningin, napapansin niya ang pagsenyas na ginagawa ng Rasleof, kung paanong bahagya nitong niyuyuko ang kaniyang ulo.

Humakbang si Javier paharap, sa likod ni Erince. Tinaas nito ang armas, bakal na hawakan na may bilog sa isang dulo na napapaligiran ng maliliit na tusok. Sa kabilang dulo naman nito ay mahabang kadena na pinulupot niya sa kamao at pinangsakal kay Erince.

"Sino ang babaeng 'to, Ellyn?" makamandag ang tanong niya ngunit hindi nito naapektuhan ang dalaga.

"Bakit hindi ka lumapit dito nang malaman mo?" hamon niya. Ibinaba niya ang mga braso at tumindig nang matikas.

Napaangil si Olivier, walang balak magpatalo at naglabas ng panguryente. "Salamat ka at hindi ka high profile para tugisin ng isang batalyon," saad nito habang lumalapit. "Miss mo na ang rebelde mong kapatid? Dadalhin kita sa kan'ya."

Pumalo siya kay Ellyn ngunit sisiw na nailagan ng huli ang atake. Isa pang hampas ang ibibigay niya nang masalo ng dalaga ang pulsuhan niya at inuntog ang sariling ulo sa mukha ng sundalo.

Nagngingitngit na nilabas ni Olivier ang kaniyang pistol. "Matapang ka ha?" Saka niya naramdaman ang init sa pagitan ng kaniyang ilong at labi, hinawakan niya ang dugo na tumutulo roon. Lumabas ang kaniyang mga ngipin sa inis, iniangat ang tutok sa babaeng kaharap niya.

Maliksing tumalon si Ellyn at pinalo ang balikat ng sundalo na nagpasigaw rito. Hinampas niya ang kamay nito, dahilan para malaglag ang baril sa kalsada. Sa huling atake ay idinikit niya ang sandata sa noo nito. "Para kay Topher..."

Humandusay si Olivier sa lapag dahil sa lakas ng kuryenteng dumaloy sa kaniya. Pinakawalan naman ni Javier si Erince at naglakad patungo sa kapatid ng rebelde, ang kadena ng kaniyang sandata ay sumasayad sa kalsada at tila nagbabanta sa dala niyang panganib.

"Hoy!" hiyaw ni Erince. Huminto ang malaking sundalo at dahan-dahang lumingon dito. Ang huli niyang nakita ay ang paglipad ng dilaw na buhok sa pagtalon ni Erince para tusukin ng punyal ang leeg nito.

Sa paglapag ng Rasleof at pagpunas ng patalim ay siyang pagsirit ng dugo mula kay Javier hanggang sa bumagsak ito.

Manhid na si Ellyn sa napanood. Pinulot niya ang baril ni Olivier at tinutukan ito. Lumuhod ang teniente sa harap niya, magkadikit ang mga palad habang nagmamakaawa. "W-wag! Humihingi ako ng tawad! Tutulungan ko kayong-"

Isang putok ng bala at ang dugo sa noo ni Olivier ang tumapos ng lahat. Napabalikwas ng tingin si Ellyn sa katabing babae, hindi makapaniwala. Ito ang lalaking nagpahirap sa kaniya sa loob ng Euphesius, ang lalaking nagbanta sa buhay nilang magkapatid at ngayo'y wala na ito. "Sabi ko sa'yo, 'di ba? Kung tutulong ako, ang plano ko ang masusunod."

Safrole [PUBLISHED UNDER THINKTA PUBLISHING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon