Kabanta VI

76 33 1
                                    

"Ibigay n'yo na ang mga kagamitan n'yo kung ayaw ninyong masaktan!" narinig ni Ellyn na utos ng isang lalaki.

Dahan-dahan siyang dumilat, ang mga tumatakas na sinag ng araw ay mahapdi sa kaniyang mata.

"Take whatever you want just don't hurt us," kalmadong pahayag ni Topher na nakaupo sa buhangin.

Napansin ng binata ang pagmulat niya. Bakas sa itsura nito ang pag-aalala.

Inangat ni Ellyn ang itaas na katawan gamit ang isang braso, ang isa naman ay minamasahe ang kaniyang noo na kumikirot pa rin. Nagsilaglagan ang mga buhangin sa kaniyang damit.

Naalala na niya, may humampas sa kaniya.

Naaninag ng kaniyang mga mata ang tatlong pigurang nakapalibot kay Topher. Isa sa mga ito ay babaeng nakatalikod sa kaniya, mahaba ang tila mga sangang buhok sa tigas na abot balikat. Ang isa naman ay walang buhok at kilay, nakatutok ng sibat sa aristokrato, tumutunog ang nanginginig na mga ngipin sa ilalim ng suot na itim na vogmask na panglinis ng hangin. Ang huli ay nakasambakol ang mukha sa inis habang kinakalkal ang mga kagamitan ng dalawa. Imbes na suot ang sariling vogmask ay hawak ito sa kamay. Inangat nito ang kabilang kamay mula sa bag at inilabas ang plastik ng mansanas na baon nila.

Kinilabutan si Ellyn sa nakita. Ang lalaking ito ay mayroon lamang tatlong daliri sa isang kamay, at dalawa naman sa isa pa. Napalunok siya ng imahinaryong suka.

Ang tatlong estranghero, gaya ng mga nakatira sa polluted zone ay nangangayayat, bunga ng mundong ginagalawan nila.

Kinapa ni Ellyn ang bulsa ng kaniyang damit kung nasaan ang binili niyang armas na panguryente mula sa black market. Ngunit humarap ang babae.

Nanlaki ang mga mata ni Ellyn sa natuklasan. Ang kalahati ng mukha nito ay tila nasunog dahil sa malaking peklat kaya't halos nakapikit ang isa niyang mata. Ang bibig naman niya ay abnormal na nakatagilid. Tunay na natakot ang dalaga at tila naparalisa.

"Johnrei!" bulalas ng babae sa lalaking kulang ang daliri. Ito naman ay kaagad tumayo, may hawak na punyal, at sumugod kay Ellyn.

Tinangkang hiwain ni Johnrei ang dalaga ngunit patuloy itong nakaiilag. Parang mga ibong sumasayaw ang dalawa, ang isa'y barumbado ang istilo, ang isa naman ay kalkulado ang bawat paggalaw upang hindi matamaan ng patalim.

Ngunit huminto ang sayaw ng tumama ang sakong ni Ellyn sa isang nakausling bato sa buhangin. Gumalaw ang mundo habang pabagsak siya. Sinunggaban ni Johnrei ang pagkakataon para saksakin siya.

Nakita ng dalaga ang pinaplano nito at naiharang ang kaniyang braso. Tinabig niya ang punyal ngunit nahiwa ang likod ng kaniyang pulsuhan. Idagdag pa ang malakas na pagbagsak ng kaniyangnpang-upo sa lapag.

Naglipana ang buhangin sa paligid ng dalawa, dahilan para mapapikit at maubo si Johnrei ng tuluy-tuloy. Nilabas ni Ellyn ang isang mahabang pamalo, malamlam na puti ang kulay, at idinikit sa leeg ni Johnrei na nangisay mula sa boltaheng nanggaling dito.

Naglumpasay ang lalaki sa buhanhinan habang namamangha ang tatlong nagmamasid sa laban nila.

"Pakawalan n'yo ang kasama ko kung ayaw ninyong magaya rito," banta ng dalaga, naghahabol ng hininga.

Nanlilisik ang mata ng babaeng iregular ang mukha habang nakatingin sa kaniya, tiim ang labi na nag-iisip.

"R-rea!" tawag ng kalbong lalaki sa kasama. Nakatungkod ito sa mga tuhod habang sumusuka. Namumutla ang kayumangging balat na tila nakakita ng multo.

"Steven!" Tinabig si Topher na sumaklolo si Rea sa tabi ni Steven.

Sumunod si Ellyn sa mga ito dala ng kuryosidad, pinag-aralan ang nangyayari sa lalaki. "A-anong nangyayari sa kaniya?" desperadong tanong ni Rea sa kaniya na walang sagot na ibinigay.

Safrole [PUBLISHED UNDER THINKTA PUBLISHING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon