Chapter Eight

359 10 0
                                    


HINDI papayag si Zhaine na basta na lang maisapuwera ng ganoon-ganoon na lang. Hindi siya patatalo kay Alyanna. Ipaglalaban niya ang kaniyang nararamdaman. Kung anong kayang gawin ng karibal niya sa pag-ibig ay mas hihigitan niya iyon. Binalangkas niya sa isip ang gagawing hakbang. At sa gagawin niya ay titiyakin niyang siya ang panalo sa puso ni Rham.

"Ano? Nahihibang ka na ba, Zhaine?" saway ng nanay niya nang sabihin niya rito ang plano.

"'Nay naman, sige na." pamimilit niya rito.

"At bakit doon mo gustong tumira? Magtapat ka nga sa akin, may namagitan na ba sa inyo ni Rham?"

Napangiwi siya. "Ano hong namagitan, 'Nay?" Nalalabuan siya sa tanong nito.

"Iyong lumampas na kayo sa boundary bilang magkaibigan, tapos nagkaibigan at may nangyari sa inyo."

Napasimangot siya. "Sana nga totoo."

"Ang alin, 'yong may nangyari sa inyo?"

Napanguso siya. "Hindi ho. 'Yong nagka-ibigan."

Nagulat ang ina. "Ibig mong sabihin, hindi pa kayo nagkakagustuhan ni Rham sa itinagal ng ipinagsama ninyo? E, para na kayong magkasintahan kung magsiasta?"

"Iyon nga ho ang masaklap, Nay. Mahal ko si Rham pero may mahal naman siyang iba."

"'Yan nga ang masaklap, anak. Walang forever sa inyo ni Rham." Natawa siya sa winika nito. Nakikiuso na rin sa mga pamosong linya ang nanay niya. "Sayang! Mas gusto kong si Rham sana ang mapangasawa mo pero sa sinabi mo, mukhang wala kang pag-asa, anak."

"Kaya nga, 'Nay, nagpapatulong ako sa inyo, eh."

"At ano naman ang sasabihin ni Teria sa akin? Na wala akong kuwentang ina at pinalayas ko ang anak ko sa pamamahay ko?"

"Sasabihin ko na lang na naglayas ako dahil napagalitan ninyo ako. So, wala akong choice kundi ang makitira kina Rham."

"At gagawin mo akong sinungaling, bata ka! Ano ang gagawin mo sa kanila? Babantayan si Rham sa buong maghapon?"

"Nay, gusto ko lang pagsilbihan si Rham at nang mapalapit ako sa kaniya. Mahal na mahal ko siya. Gusto ninyo bang siya ang makatuluyan ko?"

Napakamot sa ulo ang ina. "E, oo. Bukod sa kilala ko na siya mula pagkabata ay mababait pa ang mga magulang niya. Kasundung-kasundo ko si Teria at Pepito."

"So, gusto ninyo silang maging mga balae?"

"Siyempre naman. Teka nga, bakit ba napunta tayo sa salitang balae, eh, hindi naman kayo magkasintahan ni Rham? Nakakahiya ka, Zhaine!"

Nagpapadyak siya. "Nay, tulungan naman ninyo ako. Ayokong mapunta si Rham sa ibang babae, lalo na kay Alyanna."

"At sino naman 'tong Alyanna?"

"Si Alyanna, ang babaeng mahal ni Rham. Pero Nay, ang sama ng ugali ng babaeng iyon. Noong mataba pa si Rham ay ipinahiya siya ng babaeng iyon sa harap ng maraming tao, ininsulto at tinapak-tapakan ang pagkatao. Ngayong gumanda na ang katawan ng kaibigan ko ay naghahabol ngayon si Alyanna dahil puwede na niyang i-display si Rham sa mga kaibigan niya. Kawawa lang si Rham kung sila ang magkakatuluyan."

"Ha? Eh, alam ba nina Teria at Pepito ang pag-uugali ng Alyanna na iyon?" Umiling siya. Napalatak ang ina. "Hindi nga karapat-dapat ang babaeng iyon. Dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi nasusukat sa panlabas na kaanyuan kundi sa wagas na pagmamahal na umuusbong sa puso."

"Ngayon, gusto ba ninyong sa mga kamay ni Alyanna mahulog si Rham?"

"Hindi siguro ako papayag. Para ko nang anak si Rham. At dahil sa gusto ko siyang maging manugang, gawin mo kung ano ang sa tingin mo ay nararapat." Nakumbinsi rin niya ang ina. May isa itong paalala. "Hindi sa kinukunsinti kita, anak. Pero kung talagang ayaw ni Rham sa iyo ay huwag mong ipilit ang sarili at tanggapin mo ng maluwag sa puso na hindi talaga kayo para sa isa't-isa."

My Big Best Friend (s0on to be published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon